I.
Marubdob ang dalawang kamaong kuyom–
Simbolo ng dalawang uring nagtutunggali.
Kamao ng pang-aapi, kamao ng pagkaduhagi
Bigwas ng pandarahas, bigwas ng pagbabalikwas.
At sa huli, kamao ang humuhulma ng bawat bukas.
II.
Unang kamao’y animong baril na sa atin nakatutok,
Mukha ng “pagbabago” pero walang alangang ipinutok
Sa kumakalam na tiyan at mahirap na naghihimutok;
Kumpas ng panlilinlang, kamay na bakal sa sumusubok
Na paguhuin ang pundasyon ng lipunang nabubulok.
III.
Pangalawang kamao nama’y isang armas pandigma:
Suntok sa hangin, tatak ng pagbabangon at pagkakaisa,
Sa giyerang magsasaka at sa siyudad na nagwewelga.
Nakakuyom ang kamaong naghihimagsik sa diktadura,
Tangan sa kamay ang piyesa sa lipunang hinaharaya.
IV.
Nagtutunggali pa rin ang mga kamao–putukan ng armas,
Digmaan ng propaganda, tagisan ng puwersa’t lakas.
Ani Ka Mao: tanging nasa baril ang mapagpalayang landas.
Darating ang araw, ang kamao’y mananawa nang magsara.
Kaya’t matututong yumakap; kakamayan ang magsasaka.