#STPride2021, nagtagumpay sa kabila ng panunupil ng mga puwersa ng estado


Sa halip na tumiklop sa panghaharang ng mga opisyal ng barangay at lokal na pulis, sama-samang iginaod ng mga delegado ng Southern Tagalog (ST) Pride ang pagtatagumpay ng kanilang programa noong nakaraang Hunyo 28, Lunes, sa Carabao Park, UP Los Baños, Laguna. 

Pinigilan ng mga opisyal ng Brgy. Batong Malake, kasama ang University Police Force (UPF), ang pagpasok ng mga delegado ng ST Pride sa kampus ng UPLB at ang pagpapatuloy nito ng programa sa loob at labas ng kampus. Iginiit ni Kapitan Ian Kalaw na papayagan lamang ang pagdaraos ng programa kung mayroon itong “sertipikasyon” mula sa administrasyon ng pamantasan. 

May isang behikulo mula sa kapulisan ang nanatili sa may Carabao Park na nag-dedemanda rin ng “sertipikasyon” mula sa mga delegado sa kabila ng pag-iral ng UP-DILG Accord, na nagbabawal sa mga pwersa ng PNP na lumapit at pumasok sa kahit anong kampus ng UP. Hindi natinag ang mga delegado ng ST Pride at itinambad pa rin ang kanilang mga placard sa harap ng mga pwersa ng estado.

Kinumpirma naman ni UPLB University Student Council (USC) Chair Siegfred Severino na pinahintulutan ng administrasyon ng UPLB ang programa sa Carabao Park, ngunit napagtanto nilang hindi napaabot ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) ang direktibang ito sa UPF. 

Matapos magkaroon ng koordinasyon sa mga kinauukulan, pinahintulutan na ng mga opisyal ng Brgy. Batong Malake ang ST Pride sa loob ng kampus, at tumulong din sila sa pagpapanatili  ng physical distancing sa programa. Subalit, walang pakundangan pa ring nanatili sa paligid ng mga delegado ang mga elemento ng Philippine National Police (PNP), at sila’y namataang kinukuhanan ng mga litrato at minamanmanan ang mga delegado.

Ayon sa ulat ng UPLB Perspective, ang pangkampus na pahayagan ng UPLB, mayroong nadatnang armadong pulis na may hawak na rifle malapit sa mga delegado. Pilit ding sinubukang hablutin ng isang pulis, sa sasakyang nagtataglay ng plate number na AO P625, ang kamera ng isang photojournalist ng Perspective.

Sa kabila ng mga balakid, naigpawan pa rin ng ST Pride ang mga problema sa koordinasyon at pananakot ng pulisya upang mailunsad ang kanilang itinakdang programa. Bilang paggunita sa pagtatapos ng Pride Month ngayong Hunyo, inihanda ng ST Pride ang nasabing programa para kalampagin ang estado sa mga pagkukulang nito sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa mismong programa, ibinida ng ST Pride ang kanilang mga kolektibong panawagan para sa masang Pilipino. Kabilang dito ang mga ginigipit na magsasaka ng Hacienda Yulo, mga manggagawa ng Alaska Milk Corporation na dumanas ng malawakang pagtatanggal sa trabaho, at mga estudyanteng LGBTQ+ na naghahangad ng ligtas na espasyo sa mga paaralan at pamantasan. 

“20 years nang nasa kongreso ay pinapakita lang na mahalaga ang representasyon para sa mga kababaihan na magsasaka, manggagawa, estudyante at iba pa. Pati na rin ang serbisyo para sa mga kababihan at sangkabaklaan,” sambit ng Gabriela-ST upang pagpisanin ang mga panawagan ng ST Pride. 

Bilang pangwakas sa programa ng ST Pride, nagdaos ng mga kultural na presentasyon ang mga grupong Klasik at Teka Muna. 

Isiniwalat at kinundena ng Perspective sa kanilang editoryal, “PNP: Panira ng Pride, Puro na lang Pagnanakaw”, ang mga naganap na pag-atake.

Basahin ang editoryal dito: https://bit.ly/2T94F8D 

Anila, ito’y isang desperadong atake mula sa kapulisang humahadlang sa paglalantad ng kanilang kasahulan. Dagdag pa nila, hindi ito ang unang beses na sila’y tinangkang busalan ng kapulisan. Noong Hunyo 30, 2020, muntikan na ring hablutin ng pulis ang kamera ng photojournalist na si James Jericho Bajar noon sa isang pagkilos sa Crossing, Calamba, Laguna. 

“Bilang mga miyembro ng midyang pang-kampus, ang pagtataguyod sa aming karapatan at seguridad bilang mga mamamahayag ang dapat inaatupag ng PNP LB,” ani Perspective. 

Pagtatapos ng Perspective sa kanilang editoryal, kanilang idiniing walang karapatan ang kapulisan sa paghahablot ng kamera ng kanilang photojournalist na ginagawang maigi ang kanilang trabaho, kumpara sa PNP na “anti-estudyante, anti-peryodista, anti-LGTBQIA+, at magnanakaw pa.” 

Featured image courtesy of UPLB Perspective.

This image has an empty alt attribute; its file name is sinag-logo-black-1.png

Karen at She: Kasamang Nawawala

SINAG recalibrates social media presence anew

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *