Pinaratangang “walang konsiderasyon” ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang World Bank (WB) dahil sa mga suhestiyon nito para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Na-imbiyerna ang kalihim ng DepEd na si Leonor Briones matapos iulat ng WB kamakailan na mahigit 80% ng mga Pilipinong mag-aaral ang hindi nakaabot sa Minimum Proficiency Level (MPL) o sinasabing mahina sa larangan ng Agham, Sipnayan, Pagbasa at iba pa.
Ayon sa DepEd, nakabatay ang naturang pag-aaral sa 2018 Program on International Student Assessment (PISA) na anila’y hindi patas at napaglumaan na dahil hindi isinama rito ang mga inisyatiba ng Kagawaran para mapunan ang mga naging kahinaan at kakulangan nito sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Bunsod ng ulat ay nailagay sa kahihiyan ang bansa ayon sa Kalihim. Giit pa niya sa press briefing sa Malacañang nitong Lunes na dapat maglabas ng public apology ang WB bago umusad ang kanilang negosasyon hinggil sa nakabinbing pag-utang ng DepEd sa kanila na nagkakahalaga ng hanggang $ 210 milyon .
Samantala, kung mag-aaral naman ang tatanungin, walang mali sa pag-aaral ng WB kung ang batayan ay ang kanilang mga karanasan, lalo ngayong pandemya. Sa isang eksklusibong panayam ng SINAG kay Erwin Ace Medina, Konsehal ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP), UP Diliman, sinabi niya na palpak at bulok naman talaga ang sistema ng edukasyon sa bansa.
“Kahit ilang beses pang subukang baluktutin ni DepEd Sec. Briones ang resulta ng pag-aaral ng World Bank, hindi nito maitatanggi ang kanilang kapalpakan at mismong kabulukan ng sistema ng ating edukasyon,” ani Medina.
Hindi ito ang unang beses na pinuna ang DepEd at ang administrasyong Duterte ng iba’t ibang grupo sa bansa kaugnay ng sinasabing palpak na pagtugon sa hinaing ng mga kabataan ukol sa lumalalang kondisyon ng edukasyon sa bansa, gaya na lamang ng kasalukuyang remote learning kung saan kulang-kulang ang kagamitan at paghahanda para makasabay rito.
Basahin ang kaugnay na balita: https://bit.ly/3hYL4QX
Lalo pa umanong nailantad ng pandemya ang kabulukan ng edukasyon sa bansa. Liban sa kakulangan sa kagamitan, karamihan pa sa modules ng DepEd na ginagamit sa Elementarya at Hayskul ay mali-mali ang mga nakasaad na impormasyon, na ayon kay Medina ay dapat solusyonan ng DepEd.
Dagdag pa niya na sa gitna ng pandemya ay nagpapatuloy ang iba’t ibang bayarin na ipinapataw sa mga mag-aaral, mababang pasahod sa mga guro at kawani na lalong nagpapahirap sa kanila. Kaugnay pa nito, ang napabalitang pakikisangkot ng DepEd sa tinagurian ng mga kabataang tagapamandila ng red-tagging at nandarahas sa mamamayan na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at sa 178 na paaralang Lumad na saplitang ipinasara sa ilalim ng Kagawaran.
Kaugnay ng balita: https://bit.ly/3hGbTsJ
Bagaman personal nang humingi ng tawad ang WB sa Kagawaran, giit ni Medina na hindi paumanhin ang kailangan ng bansa. Kung nais daw talaga ng DepEd na maging maayos at tumaas ang kalidad ng edukasyon ng Pilipinas, kailangang maglaan ng mas mataas pang subsidyo ang pamahalaan rito, at baguhin ang oryentasyon nito tungo sa isang pag-aaral na tinatamasa ng lahat, naglilingkod, at nagtataguyod ng kapwa at bansa.
Featured image courtesy of Rappler.