Hindi pa tapos ang laban ng mga atletang Pinoy


Makasaysayan, ika nga, ang pagwawagi ng mga atletang Pilipino sa katatapos lamang na Tokyo 2020 Olympics nitong nakaraang linggo matapos masungkit ang pinakamaraming medalyang naipanalo ng Pilipinas sa isang Olympics, kabilang na ang pinakaunang ginto ng bansa na kinamit ni Hidilyn Diaz. 

Bago pa man sila humusay sa larangan ng pampalakasan, matinding ensayo at pakikipagsapalaran ang kanilang naranasan. Sa loob lamang ng kanilang pag-eensayo, sari-sari na agad ang mga problemang kinakaharap ng mga atleta: pag-iwas sa injury; pag-akses sa matinong kagamitan at pag-eensayuhan; at ang pakikipagsapalaran sa mental na pagdududa sa kanilang paghahanda. 

Sa kanyang paghahanda tungo sa gintong medalya, nilampasan ni Diaz ang pagpapahirap sa kaniyang isipan na dulot ng mga hamong tulad ng pagtigil sa pag-aaral at paghihirap sa training ngayong pandemya. “Hindi lang ito about medals, it is also about preparation in the sport. It takes a lot of people para makuha ang gold medal,” sabi ni Diaz ukol sa kanilang training. 

Muntik na ring tuluyang tumigil sa pagboboksing si Nesthy Petecio dahil sa kanyang pakikipagsapalaran sa depresyon noong 2018. “Makikita ko ‘yung gloves ko, ayaw ko hawakan. Nakikita ko ‘yung punching bag, ‘yung ring, nase-stress ako,” kwento ni Petecio tungkol sa kanyang dinanas. 

Bilang mga atleta, hindi lamang umiikot sa kanilang larangan ang kanilang mga buhay. Patunay ang danas nila Diaz at Petecio sa mga kahirapang pinagdadaanan ng mga atleta para lamang makapagpatuloy sa kanilang isport. Sa kabila nito, may iilang tila hindi marunong rumespeto sa paghihirap ng mga atleta at inaangkin pa ang kanilang tagumpay. 

Noong ika-9 ng Agosto, isinumbat ni Presidential Spokesperson Harry Roque na “hindi nakapagtatakang” nangyari sa ilalim ng administrasyong Duterte ang makasaysayang pagkapanalo ng Pilipinas sa Olympics, dahil“ginastusan” daw ng pangulo ang mga atleta mula sa simula pa lang. 

Hindi maitatanggi na isang malaking sampal para sa mga atletang Pilipino ang pahayag ni Roque dahil inaalis nito ang mga naratibo ng mga pagsubok na kanilang hinarap para lamang maabot ang tagumpay para sa bansa. Ayon kay UPD USC Councilor at Sports, Fitness, and Health Committee Head Mary Mhel Ruado na isang estudyante-atleta rin, isang malaking kahibangan diumano ang mga pahayag ni Roque sapagkat hindi dulot ng kung sino mang nakaupo sa pwesto ngayon ang tagumpay ng mga atletang Pilipino.

“Ito ay bunga ng sakripisyo, pawis, luha, at pagnanais ng bawat atleta na makapagbigay ng karangalan sa ating bansa,” dagdag pa ni Ruado. Kung babalikan ang mga nagdaang taon, malinaw ang lubhang kakulangan ng suporta mula sa gobyerno para sa mga atletang Pilipino. 

PAKIKIPAGSAPALARAN PARA SA MGA MEDALYA

Gaya ng danasni Hidilyn Diaz noong 2019 sa kaniyang determinasyong maipanalo ang laban  sa Olympics ay umabot pa ito sa paghingi ng donasyon sa publiko para masuportahan ang pangangailangan dahil sa kawalan ng suporta ng mismong pamahalaan ni Duterte.

Sa halip na tulungan, idinawit pa ang pangalan ni Diaz sa listahan ng mga grupong magpapabasak umano sa gobyerno.  Ang mga boksingerong sina Eumir Marcial at Irish Magno ay nahirapan din bago sumabak sa laban. Sa kaso ni Marcial, ipinaliwanag niyang hindi sapat ang P43,000 mula sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa kanilang paghahanda para sa Olympics na siyang nagtulak din sa kaniya na manghingi ng donasyon mula sa mga pribadong sponsor.

Nitong Marso lang ay ibinunyag ni Magno na hindi nakatanggap ng allowance ang mga atletang Pilipino mula sa PSC sa loob ng dalawang buwan. Dahil dito, hindi natustusan ni Magno ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa probinsya, kung kaya’t hindi rin siya nakapaghanda nang maayos para sa Olympics. 

Hindi lamang ang mga atletang kasama sa Olympics ang binigo ng gobyerno, sapagkat iilan din ang nagbunyag ng kanilang pagkadismaya sa kawalan ng suporta mula sa pamahalaan. Nitong nagdaang taon lamang, napahiya ang PSC matapos kontrahin ng pamilya ni Alex Eala, isang atletang Pilipinang tanyag sa tennis, na nagbigay raw ng P3 milyon ang komisyon para sa mga paligsahan ni Eala. Subalit, wala palang natanggap ni  piso ang manlalaro mula sa PSC.

Dagdag din sa mga pagkabigo ng pamahalaan sa mga atletang Pilipino ang kaso nila Edwin Villanueva at Adrian Asul noong 2019, sapagkat dalawang taon na nilang hindi natatanggap ang kanilang allowance mula sa PSC. Bilang mga kasapi sa Philippine Paralympic Swimming Team, nararapat lamang na makatanggap kaagad sila ng allowance mula sa pamahalaan ngunit hindi ito napanindigan. 

Mula mismo sa mga karanasan ng atletang Pilipino, iisa ang malinaw na pagtanaw sa pahayag ni Roque—isa itong kabulastugan. At kung nais ungkatin ni Roque ang mga datos upang patunayan ang kanyang pahayag, tila wala pa ring kabuluhan ang kanyang mga pinagsasabi. 

PONDONG NAPURNADA, ATLETANG BINIGO 

Bago isa-isahin ang mga pondong inilaan ng administrasyong Duterte para sa mga atletang Pilipino sa pamamagitan ng PSC, mabuting linawin muna kung paano nabubuo ang kabuuang pondo ng PSC. 

Sa isang pag-uulat ng GMA News noong 2015, nanggagaling ang bulto ng pondo ng PSC mula sa National Sports Development Fund (NSDF) nito na pinopondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO), at iba pang institusyon ng pamahalaan. Liban dito, naglalaan mismo ng pondo para sa PSC ang kasalukuyang administrasyon tuwing isinasaayos ang pambansang pondo kada taon.

Noong 2015, tinatayang nasa P800 milyon ang nakuhang pondo ng PSC, kung saan binubuo ito ng humigit-kumulang na P600 milyon mula sa PAGCOR, halos P200 milyon mula sa pambansang pondo, P20 milyon mula sa PCSO, at halos P40 milyon mula sa iba’t ibang institusyon. Sa pagsusuri nitong datos, halos ¾ o 75 porsyento ng pondo ng PSC ay nanggagaling mula sa PAGCOR, at nagpapatuloy ang ganitong kalakaran hanggang sa kasalukuyan dahil minamandato ito ng Batas Republika 6487. 

Sa pagtanaw ng pondong natanggap ng PSC mula sa administrasyong Duterte, hindi rin ito gaanong tumaas sa mga nagdaang taon. Bago maging pangulo si Duterte, nasa P189 milyon ang pondong nakuha ng PSC noong 2016. Noong 2017 naman, umabot sa P223 milyon ang pondong inilaan para sa PSC habang bumaba ito sa P199 milyon sa susunod na taon. 

Biglang tumaas naman sa P5.3 bilyon ang pondo ng PSC noong 2019 dahil sa pagdadaos ng Southeast Asian Games sa bansa, subalit nababalot pa rin sa kontrobersya ang naturang palaro dahil sa korapsyon. Sino nga bang makalilimot sa kalderong pinaggastusan ng P50 milyon? 

Sa susunod na taon, nakatanggap ng P944 milyon ang PSC bilang paghahanda ng mga atletang Pilipino para sa 2020 Tokyo Olympics. Gayunman, hindi nagamit ang kabuuan nito dahil sa pandemya at kinaltasan ng pamahalaan ang pondong ito ng halos P700 milyon upang tugunan ang pandemya. 

Dagdag pa rito, inanunsyo rin ng PSC ang pagkaltas nang kalahati sa mga allowance ng mga atletang Pilipino dahil sa patuloy na pagbaba ng pondo ng komisyon. Binawi rin ng gobyerno ang halos P500 milyon sa NSDF ng PSC dahil sa pandemya. 

Tila tumutugma ang mga paghihirap na ibinahagi ng mga atletang Pilipino sa mga naghihingalong badyet ng PSC. Bagaman mukhang mataas na ang mga milyong inilaan ng bansa para sa mga atleta natin, kakarampot lamang ito kung ikukumpara sa ating mga karatig na bansa. Kahit ang pinakamataas na P5.3 bilyong binigay ng administrasyong Duterte sa PSC noong 2019 ay hindi pa rin tutumbas sa P14.37 bilyong inilaan ng Thailand para sa mga atleta nito noong 2011.

Buhat ng kaalamang ito, mas lumalabo ang pinagsasabi ni Roque na si Duterte ang dahilan ng pamamayagpag ng mga atletang Pilipino ngayon. Sa katunayan, mas lumilinaw lamang ang katotohanan na kapos, o huwad talaga ang sinasabing suportang ibinibigay ng pamahalaan para sa ating mga atleta. 

Ngayong taon, halos P1.3 bilyon ang inilaan para sa PSC ng pamahalaan para sa pagpapatuloy ng Tokyo Olympics. Sa kasalukuyan, bumubuhos ang mga premyo at gantimpalang ibinibigay sa mga atletang Pilipinong sumabak sa Olympics, at umuugong din mula sa mga opisyal ng bansa ang mga pangako para sa mas malaking pagpopondo sa mga atletang Pilipino. 

Kasabay nito, pinupuna rin ng taumbayan ang mga politikong biglaang pinapanawagan ang suportang nararapat para sa mga atletang Pilipino. Bilang isang estudyante-atleta, kaisa si Mary Ruado sa pagpapanagot sa mga oportunistikong galawan ng iilang opisyal. 

“Bakit tuwing may naiuuwing medalya ‘tsaka lang sinusuportahan ‘yung mga atleta natin pero sa proseso nung pagkamit ng medalya, halos mamalimos yung mga athletes natin para lang mabigyan ng support na kailangan?” giit ni Ruado.

HINDI NAMAN MAHALAGA ANG ISPORTS PARA SA PAMAHALAAN

Kasama ang larangan ng isports, nananatiling sakit sa Pilipinas ang kawalan ng suporta ng pamahalaan para sa mga programang hindi mapagkakakitaan o magpapanatali ng kanilang kagustuhan. Ano nga bang maitutulong ng pagpopondo sa mga atletang Pilipino sa mga primaryang programa ng administrasyong Duterte? 

Sa katunayan, hindi nag-iisa ang mga atletang Pilipino sa paghihirap nilang dulot ng pagsasawalang-bahala ng gobyerno, sapagkat nagdurusa ang buong taumbayan dahil sa lantarang pagpapabaya ng administrasyong Duterte. Bilang patunay, kailangan lamang tingnan ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan para sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ayon sa Department of Budget and Management, pangalawa ang Department of Public Works and Highways (P695.7 bilyon) habang panlima ang Department of National Defense (P205.8 bilyon) sa mga kagawaran ng pamahalaan na may pinakamataas na alokasyon sa pambansang pondo. Pinapanindigan pa rin ni Duterte ang kanyang Build, Build, Build Program, kahit na inaasahang 40 mula sa halos 100 proyekto lamang ang matatapos sa loob ng kanyang termino ayon sa IBON Foundation. 

Hindi rin mawawala ang pagbuhos ni Duterte ng pera sa mga pwersa ng estado upang mapagpatuloy ang pandarahas niya sa kanyang mga kritiko, sapagkat kahit mga bumbero ay nais niyang armasan. Matapos maaprubahan sa Senado nitong Agosto 4 ang panukalang batas mag-aarmas sa 2,282 bumbero, maaaring umabot sa P79 milyon ang gagastusin ng pamahalaan para sa naturang batas.

Kasabay nito, pang-apat naman ang Department of Health (P210.2 bilyon) sa mga kagawaran habang patuloy ang pagpapahirap ng pandemya sa bansa. Ikinagagalit pa rin ng publiko ang napabalitang maling paggamit ng nabanggit na kagawaran sa P67 bilyong pondo nito ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA). Sa halip na makapagligtas ng buhay, sinasayang ng kainutilan ng pamahalaang ito ang pondo ng taumbayan.

Hindi rin dapat ikaila ang pangunguna sa listahan ng mga kagawarang pang-edukasyon (P751.7 bilyon) tulad ng Department of Education at Committee on Higher Education (CHED), na dapat tumugon sa kahirapan ng pag-aaral sa ilalim ng pandemya. Subalit, hindi rin naiiba ang mga kagawarang pang-edukasyon sa maling paggamit ng pondo nang matagpuan ng COA na hindi pa umabot sa kalahati ng kanilang pondo (P1.3 bilyon lamang sa loob ng P3.3 bilyon) ang ginastos ng CHED sa ilalim ng batas na Bayanihan 2. 

Ilang halimbawa pa lamang ito sa mga manipestasyon ng pagpapabaya ng administrasyong Duterte sa pondo ng bayan, kung kaya’t madalas na naghihirap ang mga atletang Pilipino. Sa kabuuan, dumadagdag lamang ito sa namumuong kultura ng pagpapabaya sa ating mga atleta rito sa bansa. 

Hindi rin dapat ituring na magkakahiwalay na kaso ang paghingi ng tulong ng ating mga atleta para sa Tokyo Olympics, sapagkat may mas malalang kaso ng pagpapabaya sa atletang Pilipino na nangyari lamang sa mga nagdaang taon. Patunay sa pagbigo ng pamahalaan sa mga atletang Pilipino si Wesley So, na pang-siyam sa ranggo ng International Chess Federation ngayon, na dating atletang Pilipino ngunit lumipat upang maglaro para sa Estados Unidos noong 2014 dahil sa kawalan ng sapat na suporta mula sa ating bansa. 

Sa kasalukuyan, umiiral pa rin sa lipunang Pilipino ang kultura ng pagpapabaya sa mga atleta, at manipestasyon nito ang University of the East (UE) na kamakailan lamang ay binuwag ang mga koponan nito ng chess, taekwondo, softball, at weightlifting at tinanggal ang scholarship ng mga estudyante-atleta nito. Ayon sa mga opisyal ng UE, dulot ng kakulangan ng mga nag-enrol at mga pagkabigo sa UAAP ng unibersidad ang nagtulak sa kanilang desisyon.

“Bilang kapwa atleta, nakakawasak ng puso na mayroong athletes na hindi na makakapagpatuloy sa journey nila, at syempre, hindi tayo dapat pumapayag na basta-basta na lang iiwanan sa ere ang mga athletes natin,” tugon ni Mary Ruado sa dinanas ng mga atleta sa UE. Dagdag din niya na dapat patuloy ipaglaban ang pagsasaayos ng pondo ng bansa tungo sa iba’t ibang sektor na nangangailangan, kabilang na ang isports.

TUNGO SA TAGUMPAY NA HIGIT PA SA GINTONG MEDALYA

Kahit na nananatiling pangunahing problema ng mga atletang Pilipino ang kakulangan ng sapat na suporta mula sa pamahalaan, pinapanindigan ni Ruado ang kanyang paniniwala sa kakayahan ng kanyang mga kapwa atletang Pilipino na makipagsabayan sa galing ng mundo, sa kabila ng mga karagdagang hamong hinaharap nila sa loob at labas ng laro. 

“Positibo man ang pagtingin ko para sa kinabukasan ng atletang Pilipino ay ‘di natin maikakaila na kapag patuloy pa rin na mapapabayaan at maiiwan sa ere ang mga atleta, hindi malabong lisanin nila ang Pilipinas at maitulak patungo sa banyagang bansa,” mariing paalala ni Ruado para sa lahat. 

Gaya ng panawagan ni Ruado, mahalagang mapaglaanan at masustentuhan ng nararapat na suporta ang ating mga atleta, at wala nang dapat intayin pa para dito. Bagaman katatapos lamang ng mga laban ng ating atleta sa Olympics, may panibagong hamon na naman silang dapat harapin, at hindi na lamang dapat sila ang sumagupa rito. 

Kasama ang mga atletang Pilipino, laban ng sambayanang Pilipino ang panawagan para sa mas maayos na alokasyon ng pondo ng bayan, lalo na’t patuloy ang pagpapabaya ng gobyerno sa mga pangangailangan ng taumbayan. Habang sariwa pa sa alaala ng lahat ang pagtatagumpay ng mga atletang Pilipino sa Olympics, dapat siguruhin na agad ang pagpapanagot sa pamahalaan dahil sa pagkakabigo nito sa mga atleta at masang Pilipino.

Kahit na anong pangangalandakan ng administrasyong Duterte sa pagkapanalo ng mga atletang Pilipino sa Olympics sa ilalim ng kanilang pamumuno, hindi pa rin nito matatago ang kanilang mga kapabayaan sa pagtugon sa problema ng bansa. At hangga’t hindi nito napapanindigan ang kanyang tungkulin para sa bayan, hindi na nakapagtataka kung sa ilalim din ng administrasyong Duterte mangyayari muli ang pagpapatalsik ng isang pangulong mapang-api.

Featured image courtesy of The Guardian.

This image has an empty alt attribute; its file name is 02-sinag-logo_variation-a_black.png

Makabayan bloc files resolution to investigate misused DOH funds

Afghans mob Kabul airport, attempt to flee as Taliban take over Afghanistan

0 thoughts on “Hindi pa tapos ang laban ng mga atletang Pinoy

  1. Hello, Neat post. There is an issue together with your website in web explorer, would check this?IE still is the market chief and a good component to other folks will leave out your fantastic writing due to this problem.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *