Nahaharap na naman sa anumalya ng katiwalian ang administrasyong Duterte matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang kanilang rekord ukol sa gastos o hindi nagamit na pondo ng gobyerno.
Isa sa mga iniimbistigahan ngayon ng COA ay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na napabalitang bumili ng hygiene kits, thermal scanner sa halagang 2,950 piso kada-isa, at napkin na nasa 10-30 piso kada-isa na halos umabot sa 969,920 piso ang pangkalahatang gastos. Batay sa imbestigasyon, sinasabing bumili ang ahensya sa isang MRCJP Construction and Trading sa Lungsod ng Pasay ayon sa ibinalita ng Abante Tonite noong Agosto 10. Subalit, hindi pa rin matukoy ang hardware na ginamit ng ahensiya sa audit.
Giit pa ng COA, masyadong maluho ang OWWA gayong kaya namang makabili ng napkin at iba pang “binili” ng ahensiya sa murang halaga.
Liban sa napakalaking gastos, pinagdudahan rin ang naturang hardware. Banat nga ng COA, “It is unlikely that these items were bought from a store which deals with construction supplies or hardware, considering that the Mercury Drugstore is just around the vicinity of the OWWA.”
Dawit rin sa imbestigasyon ang mga biniling tubig at pagkain ng OWWA na nagkakahalaga ng 300,000 piso sa isang hindi pa matukoy na caterer sa Lungsod ng Quezon.
Tugon naman ng OWWA, patuloy pa umano ang liquidation sa mga naturang gamit.
Samantala, binanatan naman ni Pangulong Duterte ang COA sa proseso nito ng paglalabas ng audit reports ukol sa paggamit ng mga ahensiya ng gobyerno ng COVID-19 funds noong 2020. Ito ay matapos ibunyag ng COA maging ang Department of Health (DOH) na dawit sa katiwalian. Ayon sa report, gumastos ang ahensya ng higit sa P60 bilyong pondo sa pandemya.
“Stop that flagging, goddamn it. You make a report, do not flag. Do not publish it, because it will condemn the agency or the person that you are flagging,” depensa ni Duterte sa nagpapatuloy na reporting.
Aniya, napagbibintangan kasi ng katiwalian ang mga ahensiyang pinupuna ng COA.
“‘Wag naman, sige kayo, flag nang flag, flag nang flag. Tapos wala namang napreso, wala namang lahat. And yet you know that when you flag, there is already a taint of corruption by perception. Alam ninyong emergency ito. It is a matter of life and death. You have to understand and give it a little elbow room to move,” dagdag pa ni Duterte.
Utos pa ni Duterte, dedmahin na lang ang COA, dahil wala naman daw nangyayari sa mga ulat nito.Kahapon lamang, Agosto 17 ay naghimotok online si Health Sec. Francisco Duque III matapos siya at at ahensya na warakin umano ng COA.
Ang COA ay isang constitutional body, at ang pagiging hiwalay nito bilang ahensiya ay galing mismo sa Saligang Batas. Nanindigan naman ang COA na sila ay magpapatuloy sa pag-uulat anuman ang mangyari, sa ngalan ng katapatan.
Featured image courtesy of South China Morning Post and OWWA.