Mula barikada hanggang kalsada: Ang student movement sa Pilipinas


Noong ika-5 ng Agosto, nagbitaw si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hangga’t namamatyag ang kapangyarihan ni Duterte sa Malacañang ay wala nang pag-agang ibalik pa ang UP-DND Accord. Walang habag ring kinumpirma ang paniniktik ng militar sa loob ng tinaguriang malayang pamantasan.

Hindi naman ito ang unang beses na sinubukan ng estado na ipasok ang kaniyang mga kuko sa loob ng kahit anong institusyon. Matapos ang unilateral abrogation, binantaan ng pekeng Duterte Youth Party-list na isunod sa pagkabuwag ang PUP-DND Accord. Pinangunahan na rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pangrered-tag sa Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), Far Eastern University (FEU), at University of Santo Tomas (UST) bilang mga “recruitment haven” ng rebelde. Ang mga atake na nangyayari sa kasalukuyan ay pawang nagpipinta ng masalimuot na larawan ng kahapon — kung saan ang namumunong diktador ay siya ring galit sa kabataang lumalaban.

Solido ring nakatalaga sa kasaysayan kung anong sektor ang masikhay na kumilos para gapiin ito: ang mga mag-aaral.

Naaalala pa ng kalsada ang bawat padyak ng malalawak na hanay ng estudyanteng nagmartsa laban sa inhustisya ng rehimeng Marcos noong First Quarter Storm. Tatlong buwan nagkasa ng kilos-protesta ang mga kabataang makabayan. Niyanig ng sigwa ang buong bansa at nagsilbing mitsa ng kilalang People Power Revolution na tuluyang nagpatalsik sa diktador. Sa sumunod na taon, nakiisa ang mga mag-aaral sa panawagan ng mga tsuper sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis. Itinatag ang Diliman Commune sa loob ng malayang pamantasan. Nagsama-sama ang transport workers, propesor, peryodista, at mismong konseho ng mga mag-aaral upang tayuin ang barikada upang harangan ang pagdagsa ng puwersa ng estado.

At nang maisabatas na ni Marcos ang Martial Law noong 1972, uminit pa lalo ang kilusan laban sa tortyur, pagpatay, at biglaang pagkawala ng kung sino mang sumubok na bumatikos sa gobyerno. Mismong mga mag-aaral na nga ang nagpasyang tumigil muna sa akademya at sa halip ay ialay ang kanilang buhay upang palayain ang inang bayan sa pambubusabos, tulad na lamang ni William Begg — isang kilalang martir at bayaning sinulat ang mga salitang, “I cannot in conscience continue my academic studies, nor do I have any ambition to live a nice, peaceful and secure life. For this in effect would mean a compromise of inaction in the face of intensifying economic crises and repression as well as monopolization of political power by a fascist dictatorship.”

Hindi tumigil kay Marcos ang diwang palaban ng mga mag-aaral nang balak kaltasan ni Erap ang badyet edukasyon. Binuo ang mga alyansang Estrada Resign Youth Movement at UP Coalition for the Urgent Resignation of Estrada (UP CURE) nang lumabas ang mga iligal na transaksyon ng dating presidente. Lumabas sa Collegian ang headline na “NO CLASSES UNTIL ERAP STEPS DOWN” at umabot 20,000 na katao mula sa UP ang sumapi sa EDSA Dos at tumigil sa lansangan hanggang sa nilisan na ni Erap ang palasyo.

Nanaig ang sigla ng protesta hanggang 2019, nang tangkang ibalik ni Senator Bato dela Rosa ang Anti-Subversion Law upang maniktik muli sa loob ng pamantasan. Binaluktot niya ang makulay na kasaysayan ng UP sa pakikibaka upang takutin ang mamamayan at gamitin ito sa crack down ng mga tuligsa sa pamumuno ni Duterte. Sa gayon ay idineklara ni dating Student Reagent John Isaac Punzalan ang August 20 bilang “Day of Walkout and Action” at dumagsa ang mga estudyante galing sa iba’t ibang bahagi ng UP System palabas ng kanilang silid-aralan. Umalingawngaw ang bawat sigaw at panawagan ng mga iskolar sa Silangang Palma na depensahan ang pamantasan.

Ang kasaysayan ng student movement ay hindi lang dapat nananatiling mga ala-ala ng pakikibaka. Ito ay pinapasa sa susunod na mga henerasyon ng kabataan. Ito ang konkretong patunay na mayroon at mayroon tayong magagawa bagama’t nag-aaral pa lamang. Walang edad ang pagiging mulat at kapasyahang lumaban, lalo na’t ngayong hinog na hinog ang mga kondisyon upang igiit muli ang ating karapatang-pantaong lubusang nilabag ng rehimeng Duterte. 

Iskolar ng Bayan, ipinapasa na sa atin ang sulo. Oras na muli para magliyab ang ating diwang makabayan!

This image has an empty alt attribute; its file name is 02-sinag-logo_variation-a_black.png

Violence against women worsen as Duterte admin struggles to contain Covid-19

Pera ng taumbayan, nawawala! Naibulsa na naman nila!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *