Ang rebolusyon ay naratibo ng bayang nakikidigma. Bukas sa lahat na mag-ambag sa pagsusulat nito.
Isa na rito si Kerima Lorena “Ka Ella” Tariman, isang Pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA), lider ng Partido Komunista sa Hilagang Negros, at rebolusyonaryong artista na nag-ambag sa pagsulat ng bayan sa tinatawag ni Jose Ma. Sison na “epikong bayan—ang digmang bayan” sa kanayunan. Pinaslang siya, kasama si Ka Pabling, sa isang engkwentro sa 79th IBPA noong Agosto 20 sa isang hasyenda sa Silay, Negros Occidental.
Una kong nabasa si Kerima sa librong Serve The People—radikal na pagsasakasaysyan sa unibersidad na minsan niyang pinasukan. Ang tula niya roon ay pinamagatang “Gusali”, kritika sa bulok na sistemang edukasyon at paghamon na “dapat buwagin ang [kanyang] mga haligi.”
Mayroong itinuturo si Kerima sa kanyang mga tula na patutunguhan o inilalarawan nito. Intelektwal siya, pero hindi produkto ng pamantasan kundi ng organikong masa. Sa piling ng mga maralita, manggagawa, magsasaka, at iba pang inaaping sektor ng lipunan, doon niya nakuha ang edukasyong ipinagkakait ng unibersidad na nakabatay sa tubo at numero.
Kaya sa tula na “Aralin sa Ekonomyang Pampulitika,” hindi na estudyante kundi manggagawa ang persona na kanyang ikinuwento, tiyak bunga na rin ng pakikipamuhay niya. Sinulat niya, “Pansamantala lamang ba ang pagsasamantala? / Anu-ano ang mga pagkakataong / Dapat nating samantalahin?” Matagal na panahon ang pagsasamantala ngunit hindi ito ang katapusan. Ang dapat na samantalahin ay ang matinding krisis na bunga nito upang kalagin ang tanikala ng pagsasamantala.
Sa kamay ng pagsasamantala, may paanyaya siya sa tula niyang “Pagkilos” para sa lahat ng inaapi: “Kung kaya’t habang tayo ay may lakas at talino / Sa pagkilos natin ialay ang bawat segundo.” Nananawagan siyang kumilos para sa pagbabago. Personal sa kanya, mula lunsod, naging tahanan na niya ang kanayunan. At ang mga tula niya ay naging aralin sa pagrerebolusyon—pasilip sa tinatanaw nitong kinabukasan, inaaral na nakaraan, at binabakbak na kasalukuyang kaayusan.
Sa mga tula niya, doon ko higit na nakilala si Kerima. Pero higit sa kanyang mga tula, mas nakilala ko ang pakikibakang kanyang isinusulong at masang pinaglilingkuran. Sa pagitan ng pag-intindi sa mga talinghaga at pag-iisip sa mga imahen ng tula, naroon matatagpuan ang katotohanan na ang sining ay hindi lamang salamin ng realidad kundi martilyong pambasag dito, sabi nga ni Bertolt Brecht.
Subalit, ano nga ba talaga ang silbi ng sining at tula sa pagrerebolusyon? Ang buhay niya ay sagot dito.
Bata pa lamang, masasabi nang hinubog sa mundo ng sining si Kerima. Anak ng mga manunulat at artista, nakapag-aral sa Philippine High School for the Arts, naging Kultura editor ng Philippine Collegian, at miyembro ng Alay Sining, at aktibista ng kanyang panahon . Ang sining ni Kerima ay malalim na nakaposisyon sa tanghalan ng makauring tunggalian. Nakikipanig ito at sumusugat sa kaaway. Gagap niya ang aral ng makatang si Mao Zedong: walang anumang sining na simpleng sining lamang, lahat ng ito ay nakakabit sa usapin ng mga uri at politika.
Batid ito, itinuturo niya sa atin, sa artikulo niyang Manggagawang Pangkultura na “ang pakikikibaka ng sambayanan ay patuloy na paksa at inspirasyon ng napapanahon, makabuluhan, at makapangyarihang mga anyo ng sining at panitikan hanggang sa kasalukuyan.” Paano mo nga naman susulatan ang bayan kung hindi ka naman lubog sa kanyang nararanasang kahirapan at tago sa opisinang de-aircon? Ibang-iba ang tanghalan ng kanyang tula sa panulaan ng mga multi-awarded na literati. Malinaw ang nilalaman at direksyon, ang mag-ambag sa marahas na rebolusyon.
Noong 2000, habang nakikipamuhay sa mga magsasaka at nagsasaliksik para sa kanyang libro, hinuli si Kerima ng mga militar sa Isabela. Sambit niya sa kanyang ama, “Sa unang beses kong nagtungo sa kanayunan para makipamuhay sa mga magsasaka, ipinakita ng mga sundalo ng gobyerno kung ano ang hitsura ng pasismo, kontra-insurhensiya, at psywar.” Lalo siyang napagtibay na hindi sapat ang tula para baguhin ang lipunan. Mula noon, nag-iba-iba na ang kanyang pangalan o minsa nga’y wala pa.
Sa isang linya ng tula ni Eman Lacaba, isa ring NPA at artista ng bayan, aniya “wala tayong ngalan at lahat ng mga ngalan ay sa atin.” Si Kerima ay naging si Kelot, Marijoe, o si Ka Ella. Nagbabago man ang pangalan, hindi binibitawan ang tangang armas. Kahit naman kasi namundok siya, hindi siya tumigil sa pagsusulat. Ngunit mas tumindi ang pag-intindi na hindi na ito para sa sarili, sa awards, o kita mula sa publikasyon ng mga libro. Ang itinuturo niya ay “para kanino” ba tayo nagsusulat.
Ang pagsusulat ay naging bahagi na ng isinusulong niyang rebolusyon. Ang malinaw sa kanya, ang pagrerebolusyon—ang sining at siyensya ng digma—ay naratibo ring isinusulat, hindi lamang ng tinta ng mga bolpen kundi ng dugong ibinuhos sa lupa. May pangalan man ang ambag o wala.
Nitong linggo, muling narinig ang pangalang Kerima Lorena Tariman. Ibang klaseng parangal. Ginulantang ng mga balita ng kanyang kamatayan ang nagluluksang kilusan. Sumambulat sa Internet ang parangal ng NPA-Apolonio Gatmaitan Command na pinagpupugayan ang martir na si Kerima o ngayo’y si “Ka Ella” habang nagpyepyesta naman ang mga pages ng propaganda ng militar na ipakalat ang larawan ng katawan niya na animo’y war trophy ng pasistang kontra-rebolusyon.
Taliwas sa propaganda ng militar, hindi terorista si Kerima. Hindi naman siya at mga kasama niya ang sangkot sa mga strafing, pambobomba, militarisasyon, at pamamaslang at iba pang karumal-dumal na krimen sa mamamayan sa mga kanayunan. Batid ng mga sakada at kasama sa Negros ang tiyaga niya sa pagsulong ng agraryong rebolusyon, pag-oorganisa ng mga baseng masa, husay sa taktikal na opensiba, pamumuno sa kanyang yunit, at paglikha ng sining.
Ang ambag ng sining sa pagrerebolusyon ay ang kakayahan nitong pakilusin ang masa sa linya nito. Dumadaloy sa bawat tula, drowing, larawan, painting, awit o rebolusyonaryong sining ay hindi lamang produkto ng paglikha, sa tinatanaw na bukas, kundi pagwasak din sa mga bagay na dapat wakasan. Kaya’t ang rebolusyon ay sining din ng paglikha at pagwasak—paglikha ito ng bagong lipunan at pagwasak sa luma. Ito ang dahilan kung bakit niyayakap ito ng mga artista at manggagawang pangkultura.
Liban kay Kerima, pinaslang rin nitong linggo lamang ang pintor ng bayan at NPA na si Parts Bagani sa South Cotabato. Siya ay walang kakayahang lumaban at nagpapagamot sa sakit nang mala-Tokhang na patayin ng mga sundalo. Tanyag ang mga obra ni Ka Parts sa pagtanaw rin sa realidad ng digmaan sa kanayunan. Ang sining nila ay hindi matatapatan ng sining ng mga gaya nina F. Sionil Jose, Rebecca Anonuevo, Rio Alma at iba’t iba pang artista ng burges na institusyon na tagapaglako’t tagapagtanggol ng pasismo.
Sa huling suri, hindi tula ang magliligtas sa lipunan. Sapagkat ang kaya lang gawin ng tula ay dalawa: suportahan ang pundasyon ng bulok na lipunan o pakilusin ang masa na paguhuin iyon. Ngayong wala na si Kerima, ipinapaalala niyang “patuloy na nagaganap ang digmaan sa ating bayan at hindi pa tapos ang naudlot na rebolusyon.” Hindi pa tapos ang naratibo at hamon sa ating ipagpatuloy ito.
Sa mga susunod na araw, maglilipanang muli ang mga pekeng balita at pambabastos sa kanya. Subalit tiyak na hindi kailanman masasayang ang buhay na inilaan sa paglilingkod sa sambayanan. Tiyak na may pupulot sa kanyang baril at panulat na naiwan sa labanan. Walang rebolusyonaryong namamatay dahil hangga’t nagpapatuloy ang rebolusyon, buhay ang mga alaala’t aral na iniwan ng mga martir nito.
Nagwakas man sa kamartiran ang buhay ni Kerima, hindi pa rin nagwawakas ang rebolusyong kanyang pinagsilbihan. Halawan natin ng aral ang isinalin niyang tula ng kapwa niya martir, NPA, at artista ng bayan na si Ka Maya Daniel. Ang alaala ng mga rebolusyonaryong manunulat at makata ay pagiging “Mang-aawit ng pag-asa sa gitna ng hirap at dilim / Nag-aanunsyo ng pagkalupig ng mapagsamantala at sakim / Propeta ng kasaganaan sa parating na tagumpay.” Buhay ang pag-asang ito na pinatunayan ng mga buhay na inialay ng nina Kerima, Wendell Gumban, Christine Puche, Guiller Cadano at maraming pang iba.
Ang dakilang aral ng bawat martir ng bayan ay makabuluhan ang buhay na naglingkod sa sambayanan. Ang rima sa pakikibaka ng rebolusyonaryong makata ay pagtutugma ng teorya ng tula sa praktika ng rebolusyon. Sumasayaw ang dalawa sa ikid ng diyalektika kasabay ng pagsulong ng digmang bayan.
Simbigat ng Bundok Kanlaon ang iyong buhay, Kerima Lorena “Ka Ella” Tariman. At sa bundok ring iyon tutungo ang mga artista’t masang magtutuloy ng rima ng iyong pagtula at pakikibaka.
Featured image courtesy of Inquirer.net.