Walang dapat ipagdiwang ngayong araw.Â
Noong Setyembre 2, 2020, ilang araw matapos ang anibersaryo ng Plaza Miranda bombing at pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino, inaprubahan sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara ang House Bill 7137 o ang “Pres. Ferdinand Edralin Marcos Day” bill. Nakasaad sa naturang panukala na gagawing special non-working holiday ang kaarawan ng diktador na si Ferdinand Marcos tuwing ika-11 ng Setyembre sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Aabot sa 197 na mambabatas ang pumabor sa House Bill 7137, na malayong-malayo sa siyam na tumutol sa panukala. Sa kabila ng krisis-pangkalusugan na kinakaharap ng bansa, mas inatupag pa ng mga mambabatas ang pagpasa sa panukalang lumalapastangan sa kolektibong karanasan ng mga Pilipino.
Ngayong nakapasa na sa huling pagdinig sa Kamara, pagsang-ayon na lamang ng Senado at pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay upang maisabatas ang panukala. Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang lantarang pagpapahayag ng paghanga ni Pangulong Duterte sa yumaong diktador. Siya rin ay kilalang kaalyado ng pamilyang Marcos sa mga nakalipas na taon.
Kung babalikan, noong Nobyembre 18, 2016, isang malaking kataksilan ang ginawa ni Duterte nang pahintulutan nitong ihimlay sa Libingan ng mga Bayani si Marcos sa kabila ng karahasan at katiwalaang naganap noong namumuno pa siya.
Dagdag pa rito, matatandaan din na noong Setyembre 2017 ay inanunsyo ni Duterte na kagustuhan niyang gawing special non-working holiday ang kaarawan ni “Macoy” sa Ilocos Norte. Kaya naman, paniniwala ng nakararami na imposibleng mapigilan pa ang batas na ito.
Gayunpaman, sangkatutak naman ang mariing tumutol at bumatikos sa House Bill na ito, lalo na’t malaki ang naging papel ni Marcos sa talamak na paglabag sa karapatang pantao at pagkitil sa kalayaan at demokrasya ng sambayanang Pilipino ilang dekada na ang nakalipas.
“Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang diktador, pasista na may daan daang libong pinaslang na mamamayang Pilipino kabilang ang mga kabataan?” wika ng Kabataan Partylist. Dagdag pa ng grupo, “Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang magnanakaw na nagbulsa ng bilyones na pera ng bayan?”
Pagbabalik-tanaw sa Batas Militar
Isinailalim sa batas militar ang Pilipinas mula 1972 hanggang 1981 sa ilalim ng pamumuno ni Marcos. Aniya, kailangan umano ng “emergency powers” upang supilin ang karahasang dala ng mga rebelde at komunista.
Kaakibat nito, nagpatupad ng curfew at naging mas mahigpit ang seguridad. Dahas at intimidasyon ang pangunahing kinasangkapan ng gobyerno sa agresibo at sapilitang pagsusulong ng mga patakaran, lalo na ang mga programang tahasang nilabanan ng taumbayan. Militarisasyon ang naging tugon sa anumang uri ng oposisyon. Lahat ng mamamayang sumasalungat sa kanyang pamamahala ay inaresto, idinetina, inabuso, o pinatay.
Ayon sa tala ng Amnesty International, mayroong 70,000 kinulong, 34,000 tinortiyur at 3,240 pinaslang sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos. Hindi maikakaila na ang paggamit ng kamay na bakal ang naging karakter ng diktadura.
Maging ang kalayaan sa pagpapahayag ay sinupil. Ipinasara ang lahat ng istasyon ng telebisyon, radyo, gayundin ang mga pahayagan, maliban sa iilang kontrolado ng gobyerno. Sinuspinde rin ang writ of habeas corpus. Ito ay tumutukoy sa pribilehiyo na pumoprotekta sa karapatan ng taumbayan laban sa warrantless arrests at ilegal na detensyon. Tunay ngang tinanggalan ng boses at kalayaan ang taumbayan sa ilalim ng pamamalakad ni Marcos.
Naging kabi-kabila rin ang korapsyon at anomalya sa gobyerno. Sa loob ng dalawampu’t isang taon na diktadurya ng rehimeng Marcos, bumagsak ang ekonomiya at nalugmok sa utang ang bansa na aabot sa 26 bilyong dolyar o katumbas ng 1.3 trilyong piso.
Noong 2017, tinatayang nasa P170 bilyong piso ang nakaw-na-yaman ng pamilyang Marcos ang narekober ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ang ahensyang itinatag noong 1986 upang mabawi ang mga illegal na yaman na nakuha ng yumaong diktador. Matatandaan ding nabunyag na naglagak ng nagkakahalagang $200 milyong salapi si dating first Lady Imelda Marcos sa pitong Swiss Foundations para sa kanilang pansariling interes. Sa katunayan, naitala bilang “Greatest Robbery of a Government” sa Guinness World Records ang korapsyon noong rehimeng Marcos.
Dagok sa Kasalukuyan
Hindi lamang makukulong sa nakaraan ang dagok na ibinigay ni Marcos sa taumbayan. Sa katunayan, minumulto pa rin ang bansa ng mga pasakit na idinulot ng kanyang diktadurya. Mula noon hanggang ngayon, nagpapatuloy ang pagkitil ng estado sa karapatang pantao ng mamamayan, malawakang pangungurakot sa pamahalaan, at pagkalat ng mga lihis na impormasyon o propaganda. Mas naging lantaran pa ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Sabi nga, si Marcos ang nagsimula; si Duterte ang nagpatuloy.
Walang dudang naging inspirasyon ni Duterte ang klase ng pamumuno ni Marcos. Galawang pasista at kamay na bakal ang kanyang pinaiiral. Nagsisilbing manipestasyon nito ang kabi-kabilang kaso ng extrajudicial killings (EJK) na kalimitang isinasagawa ng mga puwersa ng estado. Hindi na nga naman ito nakapagtataka. Makailang ulit na ring binigyan ni Duterte ng “permission to kill” ang mga pulis laban sa mga nagdodroga, at maging lumalabag sa quarantine protocols.
Sa kasalukuyan, ayon sa UN Office of the High Commissioner for Human Rights, tinatayang aabot sa mahigit 8,000 na ang pinaslang bunsod ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon bagama’t maraming human rights group sa bansa ang nagsasabing triple ito ng nabanggit na datos. Sa kabila nito, asahang lalago pa ang bilang ng mga biktima ng EJK hangga’t nakaupo sa trono ang pasistang nagbabalatkayo bilang presidente.
Sistematiko at hayagan din ang red-tagging at pagsupil sa malayang pamamahayag sa ilalim ng pamamahala ni Duterte, na masasabing walang pinagkaiba sa mga ginawa ni Marcos. Ang pagpapasara ng ABS-CBN, ang pagtanggal sa lisensiya ng Rappler, ang pag-atake sa mga kritikal na pahayagan at mamamahayag, at pagturing sa aktibismo bilang gawaing “terorista at supersibo” ay ilan lamang sa mga patunay ng pagiging asal-diktador ng mga kasalukuyang namumuno sa gobyerno. Hindi maitatangging walang kupas ang Marcos playbook.
Bukod dito, pamana rin ng pamumuno ni Marcos ang mas pinalakas na kultura ng korapsyon sa gobyerno sa pamamagitan ng nepotismo at cronyism. Hindi nga ba’t talamak pa rin, mapa-lokal o pambansang lebel man ng pamahalaan, ang promotion ng mga kamag-anak at kababayan ng mga nanunungkulan, bagama’t hindi sila ang pinakakwalipikado para sa posisyon?
Buhay na buhay rin ngayon ang pagpapakalat ng propaganda at maling impormasyon tungkol sa mga nangyari noong panahon ni Marcos. Kung gaano sinubukang pabanguhin ni Marcos ang estado ng bansa sa panunungkulan niya sa paggamit ng propaganda, ganoon din kabagsik na nililinis sa kasalukuyan ng mga loyalista at troll army ang madidilim na bahagi ng kasaysayan na kinasangkutan ni Marcos sa social media. Patuloy ang pagpapalaganap nila ng baluktot na kasaysayang taliwas sa siyentipiko at peer-reviewed na mga datos pangkasaysayan sa akademiya. Sadyang kaaway na lamang ba palagi ng mga diktador ang katotohanan?
Sa kabuuan, ang pagpapatupad sa House Bill 7137, ay naglalayong pabanguhin ang imahe ng isang pasistang diktadura na kumitil sa buhay ng maraming Pilipino, nagnakaw sa kaban ng bayan, at nagbigay ng malaking dagok sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Ito rin ay magsisilbing palabas upang ikubli ang madidilim na parte ng kasaysayan na nangyari sa panahon ng Batas Militar para sa susunod na henerasyon.
Dagdag pa rito, ang pagbibigay-pugay kay Marcos sa kanyang kaarawan ay sasalungat sa Republic Act No. 10368, isang batas na nagkakaloob ng reparasyon at rekognisyon sa mga biktima ng malalang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng panunungkulan ni Marcos. Palalalain lamang din nito ang pagkalito at pagkakawatak-watak ng lipunang Pilipino sa pagkakaroon ng komplikadong kasaysayan.
Ang pagpasa sa panukalang batas na ito ay nagpapatunay rin na mas binibigyang-tuon ng administrasyong Duterte ang kapakanan ng mga naghaharing-uri kaysa sa pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan, lalo na’t naipasa ang batas na ito habang patuloy na nilulupig ng pandemya ang bansa.
Samakatuwid, hindi kailanman katanggap-tanggap na ipagdiwang ang kapanganakan ng isang diktador, pasista at kleptocrat na nagpahirap at patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Mula rito, mahalagang malabanan ang ganitong klase ng pagbaluktot sa kasaysayan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kasaysayang nakasandig sa katotohanan. Responsibilidad din ng bawat isa na maging kritikal at mulat sa usaping ito. Hamon sa lahat na huwag hayaang maulit muli ang madidilim na bahagi ng nakaraan at mapasakamay lamang ng iilan ang kalayaan at katarungan.
Never forget. Never again.
Featured image courtesy of Manuel L. Quezon III.