Aatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kalihim ng Gabinete na kinakailangang kunin muna ang kanyang permiso bago makadalo sa mga ikakasang pagdinig ng Senado, Setyembre 14.
“This time, I will require every Cabinet member to clear with me any invitation, and if I think walang silbi except to be harassed, to be berated in front of [the] public, eh, hintuin ko na ‘yan at pagbawalan ko na,” ani ng pangulo sa kanyang talumpati.
Inihayag ni Duterte ang kanyang pagkayamot sa kung paano “nasasayang” ang oras ng kanyang mga opisyal sa mga pagdinig sa Senado at makinig sa mga mambabatas na “pinapahaba ang kanilang imbestigasyon para sa mga layuning politikal.”
Kung maaalala, nagkaroon ng sunod-sunod na pagdinig ang Senado upang imbestigahan ang sinasabing katiwalian sa pagbili ng pamahalaan ng mga suplay bilang bahagi ng pandemic response, at ang kaugnayan nito sa dating tagapayo ng pangulo na si Michael Yang.
“I think I can do it as President really if there is an abuse of authority there or exceeding the authority of the reasonable time that Congress conducts a hearing. I will limit you to what you can do with the Executive Department of the government,” ani Duterte .
Pag-usbong ng konstitusyonal na krisis
Matapos ang pagbabantang ito, maaaring umusbong ang isang hidwaang konstitusyonal buhat ng banggaan sa pagitan ng lehislatibo at ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr., ito ay dahil tila nais ng Pangulo na isawalang-bahala ang mga kapangyarihan ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno upang mapagtakpan lamang ang mga katiwalian ng kanyang administrasyon.
“Tinutulak ng Pangulo ang isang constitutional crisis para pagtakpan ang katotohanan at ang korapsyon. Ginagamit pa ang Bayanihan Act para bigyang katwiran ang graft and corruptionsa procurement,” ani Reyes.
Nilinaw ni Duterte na hindi niya kinukwestyon ang awtoridad ng Senado na magsagawa ng mga imbestigasyon, at kanya pang binigyang-diin na ang mga pagsisiyasat na “alinsunod sa katotohanan” ay malugod na tinatanggap.
“Kung gusto ko, nakita kong reasonable, go. Especially if it is really pursuant to the truth na hinahanap ninyo. Maganda ‘yan and I would suggest that you do it,” dagdag ng Pangulo.
Sa kabila nito, nakasaad sa Saligang Batas ng 1987 na ang Senado o ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay “maaaring magsagawa ng mga pagsisiyasat bilang tulong sa pagbabatas ayon sa mga alituntunin ng mga pamamaraan nito na marapat na nalathala” at “dapat igalang ang mga karapatan ng mga taong humarap sa o apektado ng gayong mga pagsisiyasat.”
Ang ganitong hakbang ni Duterte ay nauna nang ipinatupad ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang kanyang ilabas ang Executive Order no. 464 na humahadlang sa mga mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa mga imbestigasyon sa Kongreso maliban kung bigyan ng pahintulot ng pangulo.
Ilan sa mga bahagi ng naturang kautusan ay idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema, ngunit iginiit ang karapatan ng pangulo na pagbawalan ang mga opisyal na dumalo sa mga “question hour,” na “hindi nauugnay sa tiyak na batas ngunit ididirekta lamang sa pangangasiwa ng kongreso sa pagpapatupad ng mga batas.”
Featured image by Rappler