Mga pormasyon sa KAPP, matagumpay na nailunsad ang #FirstDayFight


Matagumpay na naikasa ang First Day Rage online rally sa Zoom at Facebook livestream ng Rise for Education-CSSP (R4E-CSSP) noong Biyernes, Setyembre 17, sa muling pagbubukas ng bagong semestre. Kasabay nito  ang protesta sa Bulwagang Quezon at PHILCOA. 

Kolektibong ipinagpanawagan ng mga pormasyon sa kolehiyo ang pagtutol sa P1.3 bilyong pagtabas ng pamahalaan sa pondo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) habang dinagdagan naman ang badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).Pinuna rin ang kawalan ng kahandaan ng pamantasan sa bagong semestre—tulad ng kakulangan sa units at tulong-pinansyal sa mga mag-aaral, mga guro, at mga kawani buhat ng pagsasawalang-bahala ng administrasyong Duterte sa edukasyon at maayos na tugon nito sa pandemya.

Isa sa mga samahang dumalo ang SINAG, ang opisyal na pahayagan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP). Isinaad ng publikasyon ang  panre-red tagna naranasan nito, at ng iba pang mga kritiko at iskolar ng bayan. 

“Noong Enero, duwag na pinutol ng Department of National Defense (DND) ang UP-DND Accord para takutin ang paglaban ng buong UP. Patuloy rin sa pagkalat ng misinpormasyon at pekeng balita na pinopondohan ng buwis ng taong-bayan, pagkitil sa mga kritiko ng gobyerno, paniniktik sa mga aktibista gaya ni USC Councilor Ajay Lagrimas, at pagkulong sa mga nagsisiwalat ng katotohanan gaya ni Frenchie Mae Cumpio at Sham Astudillo,” anila.

Pinagdiinan din ang mga tahasang pag-atake ng administrasyon sa publikasyon, tulad ng pagtatawag sa SINAG bilang “front organization” at “terrorist reporter ng CPP-NPA-NDF.” Isiniwalat ding lagpas tatlong taon nang walang pondo ang SINAG at iba pang publikasyon sa pamantasan. Ito ay taliwas sa binabayarang P30 at P72 ng mga mag-aaral at buwis ng masa kada semestre para sa pondo ng SINAG at Philippine Collegian.

Nakiisa rin ang Konseho ng Baguhang Mag-aaral ng KAPP sa ginanap na online rally.

“Hindi matitigil ng simula ng klase ang pagkalampag at pagtawag natin para sa #LigtasNaBalikEskwela. Hindi handa ang ating pamahalaan, mga pamantasan, at sambayanan sa pagkakaroon ng online-learning set-up. Ang kapalpakan sa paghahanda ay paghahandang mabigo. Bukod dito, hindi pa rin magiging maayos ang sistema ng edukasyon hangga’t hindi nagkakaroon ng #QualityAccessibleAndRelevantEducation,” anila.

Bukod sa mga mag-aaral, nakiisa rin ang mga  miyembro ng mga komunidad sa pamantasan laban sa pagtapyas ng  kasalukuyang administrasyon sa badyet ng UP.

“Pinapanawagan ko rin po ‘yung aking komunidad. Sa ngayon marami po ditong nawalan ng trabaho. Nawalan po kami ng hanapbuhay. Napakahirap po ngayon, marami pong nagkakasakit. Sana po madinig po nila ang aming panawagan—madinig n’yo rin po ang panawagan dito sa komunidad po namin na sana po ay kahit man lang kaunting tulong sa mga mayroon diyan,” ani ng lider ng Aguinaldo Community Association na si Liza Dorimon-Hermida.

Kasama ang iba pang mga organisasyon at pormasyon, nakikiisa ang SINAG  sa pagtutol sa budget cut at sa pangangalampag sa mga panawagan ng buong komunidad at ng masa, lalo na ang pagwawakas ng rehimeng Duterte.

Featured image courtesy of Angelo Marfil.

Si Felix at ang Fascinasyon sa Pagbabago

Myanmar junta parallels Duterte’s militaristic approach to crisis

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *