Diktadurya sa Likod ng Huwad na Demokrasya


Apatnapu’t siyam na taon matapos ang deklarasyon ng karumal-dumal na Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos, hindi na muling nakaranas pa ang Pilipinas ng kasinlala o mas masahol pang Martial Law sa kasaysayan nito. Ito ay dahil ang despotismo, paggawa ng krimen, at ang paniniil sa mamamayan ay nagiging normal na gawain na lamang ng pamahalaan.

Maituturing ngangpinakamadilim na panahon sa Pilipinas ang diktadurang Marcos kung saan libo-libo ang naging biktima ng panghahamak at karahasan. Subalit apatnapu’t siyam na taon ang nakalipas ay patuloy na pinapatay ng uhaw sa kapangyarihan at pasistang rehimeng Duterte ang liwanag ng demokrasyang buong-puso nating ipinaglaban.

Katulad nga ng pagkawalang-bisa ng Writ of Habeas Corpus noong panahon ni Marcos ay libo-libo na ring Pilipino ang naging biktima ng katapat nitong “nanlaban narrative” ng administrasyong Duterte. Kung tutuusin nga, ang 6,165 na bilang ng Pilipinong pinatay ng pamahalaan sa digmaan nito kontra sa droga ay halos doble ng bilang ng Pilipinong namatay noong Martial Law, na umabot lamang sa 3,257, sa kabila ng mas mahabang panahon ng pagpapatupad nito. 

Malinaw nitong ipinapakita ang pagtangkilik ng pamahalaan sa karahasan at ang masahol na paglapastangan nito sa karapatang pantao at buhay ng mga Pilipino. 

Dagdag pa rito, ang paggamit din ni Duterte ng kaniyang kapangyarihan sa pagpapasara ng ABS-CBN at pagpapatahimik sa Rappler ay isang despotismo na maihahalintulad sa 464 na media outlets na pinasara ni Marcos noong Martial Law. 

Higit pa rito, ang pagpapatupad ng Anti-Terror Law, ang pakikisawsaw ng pangulo sa pagpapatalsik kay Chief Justice Sereno, ang pagpapakulong at pananakot kina Senador Leila De Lima at Antonio Trillanes, at ang walang humpay na pananakot ng pangulo sa kabataan at kritiko nito ay walang ipinagkaiba sa pananakot at pagdidispatya ni Marcos sa mga kalaban nito sa politika noong panahon ng Martial Law – katulad ng nangyari kay Ninoy Aquino.

Ang lahat ng ito ay hindi lamang nagkataon dahil ito ay mga tanda ng isang mapang-aping diktador na abuso sa kaniyang kapangyarihan. Bukod nga sa pagkakahalintulad ni Duterte sa isang lehitimong diktador ay sinang-ayunan din ito nina Harvard University Professors at Political Scientists Steven Levitsky at Daniel Zibblat, kung saan ang pagtangkilik daw sa karahasan, ang pagkontrol sa midya, at ang paggamit ng kapangyarihan upang hamakin ang mga kritiko at kalaban ay kabilang sa mga gawain ng isang tunay na diktador.

Nakakatakot man ang pagkakahawig ng ating kasalukuyang lipunan sa lipunan noong panahon ng batas militar, hindi pa rito natatapos ang lahat. Kagaya rin ng pananamantala ni Marcos sa Martial Law upang mangamkam ng yaman ng bansa ay kasalukuyan din na sinasamantala ni Duterte ang pandemya upang magnakaw sa bayan. At katulad din ni Marcos na amo ang Estados Unidos, si Duterte rin ay isang tuta ng US at Tsina kung saan harapan nitong ipinapaabuso sa dayuhan ang ating kayamanan, mamamayan, at ang saligang batas, at ipinamimigay sa huli  ang ating karagatan, lupain, at likas na yaman.

Kung susumahin nga, apatnapu’t siyam na taon matapos ang deklarasyon ng malagim na Martial Law ay hindi pa rin nagbabago ang kahulugan at kalikasan nito – patuloy na kinakatawan nito ang mga krimen, despotismo, kasakiman, at karahasan. Kumbaga ay wala ngang pagkakaiba ang Martial Law noon sa Martial Law ngayon bukod sa ang batas militar ngayon ay de facto, kung saan ang malayang demokrasya ay huwad lamang na palabas.

Para nga kay Carl Dominic Aguilar, isang freshman mula sa Departamento ng Agham Pampulitika, walang pinagkaiba ang Martial Law noon at ngayon, maliban sa katotohanan na ang umiiral sa kasalukuyan ay ang de facto Martial Law ng administrasyong Duterte. 


“Ang Martial Law sa ilalim ng isang reaksyonaryong estado ay lagi’t lagi magiging kagamitan ng gobyerno at naghaharing-uri upang pagsamantalahan ang masa at ang bayan mismo. Si Duterte ‘man o Marcos, walang pinagkaiba sa kanilang adhikain na ubusin ang yaman ng Pilipinas at ang Martial Law ay isa lamang sa mga ginamit o ginagamit nila upang matupad ito,” ani Aguilar.

Ayon naman kay Angel Paredes, isang mag-aaral ng Sosyolohiya, ang kasalukuyang administrasyon ay mayroon lamang magkatulad na layuninkay Marcos at sa batas militar nito – ang  kitilin ang karapatan at buhay ng mga tao sa ating bansa.

Bilang mga Konsensiya ng Bayan, tama lamang na manatiling buhay ang ating konsensiya at maging mapagmasid sa lahat ng pang-aapi ng makapangyarihan. Lalo na ngayon na ang karahasan, despotismo, kasakiman, panghahamak, o ang mga mala-Martial Law na paglabag sa karapatang pantao ay  isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon , lantaran man o patago.

Bilang mga mag-aaral ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ay mahalaga rin na maipaglaban, maprotektahan, at mapaunlad natin ang ating sariling lipunan at ang lahat ng aspetong bumubuo rito. Dapat din ay epektibo nating magamit ang ating mga disiplina sa pagsulong ng ating mga kapwa at pangangailangan, lalo na ng mga minorya at aping sektor 

Dapat din ay maging epektibo tayo sa pagdala ng ating mga disiplina sa ordinaryong mamamayan. Mahalagang maikonekta natin sila rito para sa holistiko at kolektibong pangangalaga at pag-unlad sa ating pamayanan.  Sa pamamagitan nito, siguradong hindi na tayo magagapi at maloloko ng mga pasistang mayroong pekeng makataong adbokasiya, subalit may pareho lamang na maka-Martial Law na layunin.

 Kaya sa paggunita ng ika-49 na anibersaryo ng batas militar, nawa’y hindi lamang natin alalahanin ang lahat ng buhay na nawala sa mga panghahamak at karahasan nito. Maging tanda nawa ito ng ating tungkulin na panatilihing malaya at buhay ang ating demokrasya dahil hindi namatay ang kapwa nating mga Pilipino para lamang magpasiil muli tayo sa mga pasista at diktador 

Bilang mga kabataan, tayo ang susi sa pagkamit ng inaasam na malayang lipunan – walang kasakiman, paniniil, at karahasan. Kaya hangga’t may natitirang liwanag sa ating demokrasya ay gamitin natin ang ating kapangyarihan at lakas upang bigyang-boses at ipaglaban ang ating kalayaan. Gamitin natin nang mainam at tama ang kapangyarihan natin sa pagboto. Huwag na tayong magpaloko pa sa mga dinastiyang tulad ng Marcos at Duterte na kasaysayan na mismo ang nagsasabi na magpapatuloy at magpapalala lamang sa ating paghihirap. Higit pa rito, patuloy tayong maging mulat at maging kakampi ng masa, sa ilalim ng anumang administrasyon, upang tuluyan nang magapi ang mga sistemang pahirap sa mga Pilipino.

Kaya sa ika-50 na anibersaryo ng batas militar sa susunod na taon ay hindi na lamang sana alaala ng karahasan at kamatayan ang ating gunitain. Nawa, kasabay ng pag-alala sa mga kapwa Pilipino nating nagsakripisyo noon, ay magawa rin nating ipagdiwang na tayo ay nagtagumpay sa mga pasista, diktador, at sa kanilang pagsisiil sa bayan sa pagkakaroon ng bagong pangulo na may paggalang sa karapatang-pantao at pag-iral ng makatotohanang demokrasya. Nawa’y maipagmalaki natin na ang ating demokrasya ay malaya at tunay – at hindi na lamang isang patsada para sa diktadurya ng mga sakim na makapangyarihan.

Featured image courtesy of Esquire magazine.

Multong Hindi Na Dapat Bumalik

House Bill to Advance Local Art Sector gets Green Light from House of Representatives

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *