Matagumpay ang naging dayalogo ng KALasag, opisyal na publikasyon ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) sa Dekano ng kanilang kolehiyo na si Dr. Jimmuel Naval para sa kanilang mga hinaing at panawagan kahapon, ika-2 ng Oktubre, ulat ng KALasag Editor-in-Chief na si Mik Geriane.
Maayos na napagkasunduan ng pahayagan at ni Dean Naval ang mga kahingian , partikular na sa kampaniya nilang Funding, Security, Equipment, and Spaces o FSES.
Ang pahayagan ay mabibigyan na ng akses sa College Publication Fee para sa mas maayos na operasyon ng KALasag. Sa ilalim ng Free Tuition Law na naisabatas noong 2017, saklaw ng other fees ang pondo para sa mga pahayagang pangkampus.
Maaaring sanggunian ang Form 5 Assessment sa website ng Computerized Registration System (CRS). Makikita rito na sa KAL, P3 ang kinokolekta para sa pondo ng publikasyon. Ang maaaring maipamahagi sa KALasag ay ang para lang sa kasalukuyang taong akademiko.
Makikipag-ugnayan pa sila sa administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) kung maaaring magamit ang pondo mula sa mga nakaraang taon. Ang pera ay kasalukuyang nasa general funds na ng Unibersidad kung kaya ay kailangan pang siguraduhin kung pwede itong gamitin ng pahayagan.
Samantala, sa katatapos lang na mga pulong ng UP Solidaridad, lumutang ang mga sentimyento ng iba’t ibang pahayagan na hindi pa rin naipamamahagi ang nasabing pondong kinokolekta.
Sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP), nakasaad sa Form 5 Assessment ng CRS na nasa P30 ang binabayad para sa pangongolekta ng pondo ng pahayagan sa KAPP.
Ayon sa Dekana ng kolehiyo na si Dr. Bernadette Abrera, wala umanong maipapamahagi ang administrasyon ng KAPP sa ngayon, dahil wala pa ring ibinibigay ang Commission on Higher Education (CHED).
Giit naman ng Managing Editor ng SINAG ay lampas-apat na taon nang patuloy ang pangongolekta mula sa other fees.
Samantala, nahaharap naman ang UP sa P1.3-bilyong kaltas-pondo. Maaapektuhan ng kaltas na ito ang pangkalahatang operasyon ng unibersidad, lalo na sa regularisasyon ng kaguruan at empleyado at paglalaan ng class slots sa mga estudyante nito.
Dagdag ni Geriane, ang KALasag ay paglalaanan din ng opisina na kasama sa itinatayong gusali ng KAL na nagkakahalaga ng P1.3 billion sa tabi ng Vargas Museum. Pansamantalang ilalagay ang opisina ng pahayagan sa CAL New Building.
Napagkasunduan ding paglalaanan ng karampatang pondo ang KALasag para sa kailangan nilang mga kagamitan at ilang pang mga proyektong maaari nilang ilunsad. Kasama rin sa dayalogo ang pagbibigay ng suporta at seguridad sa kaligtasan ng mga miyembro ng KALasag.
“Ang pag-forge ng unity between different offices and institutions ay isang hakbang upang masiguro na naibibigay ng KALasag ang serbisyo na kailangan ng iba’t ibang sektor sa komunidad ng KAL, UP, at bansa ayon na rin sa mandato nito,” ani Geriane.
Mahalaga ang suporta ng mga institusyon at organisasyon upang makapag-ulat at makapaghatid ng serbisyo sa kolehiyo, unibersidad, at mamamayan. Kaugnay nito, malinaw na mandato rin ng administrasyon ng KAPP na tugunan ang matagal nang ipinapanawagan ng SINAG.
Noong nakaraang taon, makailang beses sumangguni ang publikasyon sa administrasyon ng kolehiyo upang humingi ng sapat na suporta lalo na’t nasangkot ang SINAG sa maka-ilang beses na panunupil ng rehimeng Duterte.
Kasama na rito ang matinding online na mga atake gaya ng mass reporting, red tagging na nauwi sa restriksyon ng pahina ng SINAG.
Sa naganap na KAPPulungan+ noong ika-24 ng Setyembre, nabanggit ng CSSP OSA Coordinator Jay-Ar Igno na naipadala na raw sa UP Security Committee ang mga ulat ng pag-atake sa pahayagan. Dagdag pa niya, pinirmahan na raw ang sertipikasyong tanda, na isa sa mga opisina ng KAPP ang SINAG.
Nang humingi ng isang “strongly-worded statement” ang mga organisasyon kay Dekana Abrera, hindi umano papayagan ang awtomatikong paglabas ng mga statement dahil mawawalan daw ng esensya ang isyung pinatutungkulan nito.
Ngunit, sa lumalalang represyon ng estado sa SINAG, maging sa iba pang organisasyon at mag-aaral ng kolehiyo, pananaw ng pahayagan ay isang malaking pangangailangan na ang paglalabas ng isang statement upang maiparamdam at mapaabot man lang ng administrasyon ang kanilang suporta sa mga nasasakupan nito.
Sa kabila ng mga kakulangang ito ng administrasyon ng KAPP, bukas at naghahanda rin ito upang makipag-dayalogo sa pahayagan para bumuo ng mga hakbang bilang pagtugon sa mga isyung hinaharap ng SINAG.
Pinaaabutan naman ng pagbati ng SINAG ang tagumpay ng KALasag, isang malaking hakbang at tugon sa unti-unting pagbuo ng pagkakaisa sa pagdepensa sa malayang pamamahayag at kalayaang pang-akademiko.
#DefendFreedomOfSpeech
#DefendCampusPress
#EndStateFascism
Featured image courtesy of Mik Geriane.