Mga magsasaka, nanawagan ng libreng abono sa DA


Dumaing ang mga magsasaka sa biglaang pagtaas ng abono sa pagsasaka mula P850 pesos noong Oktubre 2020 sa P1,600 hanggang P1,800 ngayong taon.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), may posibilidad na umabot pa ito sa P2,300 kung bababa ang suplay ng abono.

“Kumukuha tayo [ng pataba] sa Indonesia, Malaysia, Middle East, China; pero ang problema ang China nagannounce na sila na hindi na sila mageexport. Poprotektahan na nila ang mga magsasaka nila,” dagdag ni SINAG Chairman Rosendo So.

Dahil dito, maaring umakyat sa P18 kada kilo ang magagastos sa produksyon ng palay mula sa nakaraang P15 kada kilo. Kasabay nito ang pagbagsak ng presyo ng imported na bigas kasabay ng farmgate price ng palay sa P17 kada kilo, kaya’t wala nang matitirang kita para sa mga magsasaka.

Nanawagan ang SINAG at iba pang magsasaka sa Department of Agriculture (DA) na mamigay ng libreng abono mula sa badyet ng Bayanihan o kaya sa buwis galing sa Rice Tarrification Law (RTL). Ngunit, tugon ng DA ay mag-apela na lamang sila sa kongreso para sa 2022.

Maaalalang tinanggalan na ng taripa ang mga pinapadalang bigas galing ibang bansa noong pinirmahan ni Duterte ang RTL noong 2019 ng Pebrero. Ayon sa datos ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP), tumaas nang 304% ang import dependency ratio (IDR) ng bigas. Inulat rin ng Bantay Bigas ang P90 bilyong pagkalugi ng mga magsasaka ng palay dahil sa RTL.

“Milyong magsasaka ng palay ang mauuwi sa pagbebenta ng kanilang lupain dahil nangangahulugan ng pagkabangkarote ang liberalisasyon ng bigas,” ani Anakpawis Party-list representative Ariel Casilao noong 2019 sa isang protesta laban sa RTL.

Nagfile ang Anakpawis Party-list ng kanilang certificate of nomination and acceptance noong Oktubre 6. Nangako ang kanilang first representative na si Rafael “Paeng” Mariano sa pagtanggal ng RTL at pagsulong ng tunay na repormang agraryo.

“Libreng pamahagi ng lupa para sa ating magsasaka, sapat at nakabubuhay na sahod para sa ating manggagawa sa publiko at pribadong sektor, sapat at permanenteng trabaho, at maayos at disenteng paninirahan para sa ating maralita, at pagtataguyod ng mga demokratikong karapatan,” lahad ni Mariano matapos ang filing.

Featured image courtesy of Philippine Star

CSSP FSTC candidates lay out plans in miting de avance

Dela Rosa admits having no plans to run for presidency

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *