Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Pesante ngayong Oktubre, muling magdaraos ng Pambansang Koordinadong Pagkilos ng mga Magsasaka ang sektor ng mga magsasaka kasama ang iba pa nilang alyado, bukas ng umaga, ika-21 ng Oktubre, Huwebes.
Sunod-sunod na pagkilos na rin ang ikinasa nila online at sa kalsada, pang manawagan sa karapatan sa lupa, ayuda, at hustisya dulot ng labis na pinsala ng mga sakuna, kawalang-lupa at trabaho, at militarisasyon ng mga komunidad.
“It is harvest season this month but farmers are almost left with nothing — their crops were destroyed and washed out in the recent flooding, their backyard hogs were culled due to ASF, they are deep in debt as a result of depressed palay prices and skyrocketing costs of farm inputs particularly fertilizer,” ani Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Malaki ang ikinalugi ng mga magsasaka buhat ng bagsak-presyo ng palay habang patuloy pa rin ang pagpasok ng mga import na bigas, gulay, isda, at karne. Sa kasalukuyan, nagkakahalagang P7-P10 lamang ang kada kilo ng palay, napakababa kumpara sa kahingian ng mga magsasakang P20 kada kilo.
Dagdag pa rito ang pagtaas ng presyo ng pataba sa lupa. Mula P850 noong nakaraang taon ay umakyat ito nang P1,600 hanggang P1,800 ngayon taon. Daing ng mga magsasaka ay mapamahagian sila ng libreng pataba ng Department of Agriculture (DA) na maaaring kunin mula sa badyet ng departamento o sa buwis na mula sa Rice Liberalization Law (RLL).
Samantala, patuloy ding ikinakalampag ng mga magsasaka at mangingisda ang pagpasa ng House Bill (HB) no. 9192 na naglalayong makapagpamahagi sa kanila ng P15k subsidyo para sa produksyon. Kalakip nito ang kanilang pagkundena sa mga anti-magsasakang mga polisiya’t proyektong tahasang nagdamot sa kanila ng lupang maaaring pagbungkalan.
“Duterte protected big landowners and land grabbers–the likes of Villar and Araneta. The Department of Agrarian Reform (DAR) failed to break up land monopolies and resolve long-standing land disputes. The absence of a new land reform program kept thousands of hectares of private agricultural lands intact and undistributed,” dagdag ni Ramos.
Nagkasa ng pagkilos ang nasa 100 delegadong magsasaka mula sa Timog Katagalugan sa harap ng Camp Aguinaldo nitong ika-20 ng Oktubre, Miyerkules, upang igiit ang hustisya para sa naitala nilang 342 na pinaslang na magsasaka sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Tumulak din ang kanilang serye ng mga pagkilos kanina sa harap ng DAR at Department of Environment and Natural Resources (DENR), pati sa Department of National Defense (DND), at House of Representatives.
Magaganap ang programa ng mga magsasaka bukas, bitbit ang daing nila para sa lupa, ayuda, at hustisya. Maaaring magmensahe sa League of Filipino Students-CSSP ang mga nais sumama.
Featured image courtesy of UPLB Perspective