Ba(k)lakid: Isang Rebyu sa Rainbow’s Sunset


Ang pag-ibig ay isang aspekto ng pagkatao na kinagisnan nating lahat — mula bata hanggang pagtanda, mayaman ka man o mahirap, babae ka man o lalaki, at kahit na iyong mga ’di ikinakategorya ang sarili bilang isang babae o lalaki. Ang moderno at romantikong kuwento ng pag-iibigang LGBTQ+ ay lantaran sa pelikula ni Joel Lamangan na pinamagatang, “The Rainbow’s Sunset”.  Ito ay pinagbibidahan ng mga batikang aktor sa larangan ng teatro at pagganap na sina Eddie Garcia at Tony Mabesa bilang magkasintahan, at si Gloria Romero na gumanap bilang asawa ng karakter ni Eddie Garcia. 

Ang pelikula ay pumapalibot sa istorya tungkol sa pagpapasya ng retiradong senador na si Ramon Estrella (Eddie Garcia) na lumipat kasama ang kanyang “matalik na kaibigan” na si Fredo (Tony Mabesa) matapos malaman na mayroon itong malubhang cancer. Si Ramon ay  pinagbigyan ng kanyang asawa (Gloria Romero) sa napiling desisyon, ngunit ang tatlong anak niya ay tutol dito. Sa kabila nito, ipinaglaban ni Ramon ang kanyang desisyon at idineklara na mahal niya ang kanyang kaibigan — na ninong ng tatlo kapwa sa binyag at kasal — katulad ng pagmamahal niya sa kanyang asawa.

Ang panganay sa dalawang anak na babae ni Ramon ang nag-iisang humalili sa kanyang ama sa larangan ng politika. Sa katunayan, siya ay bagong halal na alkalde ng kanilang lungsod. Samantala, ang panganay na lalaki ay tinaguriang isang mahinang nilalang na may bahid na burukrata, at ang bunsong anak na babae naman ay isang peminista at aktibista.  Noong kumampi ang panganay at bunso sa kanilang ama at ninong, ito ay nagresulta sa ganap na hidwaan sa pagitan ng magkakapatid na Estrella. Pilit na ipinagkakasundo ng ina ang mga anak, sa tulong ng kaunting paggabay ng haligi ng tahanan. Sa kalaunan ay napatunayan na mas makapal ang dugo kaysa sa tubig,  bagaman hindi pa rin maayos-ayos ang lahat ng pagkakaiba ng magkakapatid. 

Ang pelikula ay pinamagatang “Rainbow’s Sunset.” Kinakatawan ng pamagat ang katangi-tanging pagmamahalan nina Ramon at Fredo na kapwa nasa takipsilim na ng buhay. Ang bahaghari ay isang simbolo na sumasagisag sa komunidad ng LGBTQ+. Dinesenyo ni Gilbert Baker ang bandilang bahaghari para sa Pagdiriwang ng Gay Freedom ng San Francisco noong 1978. Ang mga sumusunod ay ang kinakatawan ng mga kulay sa rainbow flag: ang pula ay nangangahulugang sekswalidad at buhay; kahel para sa paggaling; dilaw para sa araw; luntian  para sa kalikasan; indigo para sa pagkakasundo; at kulay lila para sa kaluluwa. Dagdag pa rito, ang simbolismo ng “sunset” o paglubog ng araw ay naglalarawan sa katapusan ng buhay o huling buhay ng pagmamahalan ng dalawang matanda na nagbunsod sa lilim ng bahaghari. Ang paglubog ng araw ay nagbibigay-diin sa pagtatapos ng araw at pagsapit ng gabi na nagdudulot muli sa panibagong araw na darating sa susunod na pagsikat ng araw sa silangan.

 Tiyak na maaantig ng “Rainbow’s Sunset” ang puso ng maraming manonood dahil marami itong maipapahayag tungkol sa pangkalahatang pagtanggap ng pag-ibig sa modernong lipunan. Una, sa pamamagitan ng paggamit ng may edad na magkasintahan, nabibigyang-diin nito na ang pag-ibig ay umiiral sa maraming anyo, sa iba’t ibang aspekto ng pagkakaiba at pagkakapareho.

Pangalawa, winawakasan ng pelikula ang stereotypena ang ama ang tanging makapagbibigay ng resolusyon sa mga suliranin ng pamilya.  Ipinakita rito kung gaano kahalaga ang papel ng ina sa anyo ni Sylvia (Gloria Romero) sa isang sambahayan, at ang lakas na kinakailangan upang maging isang sandigan sa panahong umaasa ang  mga miyembro ng pamilya sa kalinga at patnubay niya.

Pangatlo, bukod sa cinematography, ang pagkakaisa ng kagalingan sa pagganap ng mga karakter ang pangunahing nagbigay hustisya sa madla. Kahit na ang Pilipinas ay isang patriyarkal na lipunan, ang sitwasyong ito ay makikita sa lipunang Pilipino. Madalas ang ilaw ng tahanan ang siyang nangangasiwa sa mga kalakaran ng pamamahay, sa ilalim ng patnubay at tulong na rin ng haligi ng tahanan. Ito ay sanhi ng pag-aaklas at ang pagkakapantay-pantay sa kasarian na pinapairal natin sa kasalukuyan.

Ikaapat, umiinog ang balangkas ng pelikula sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa hinggil sa adbokasiyang nagpapalaganap ng unti-unting pagtanggap sa mga miyembro ng LGBTQ+. Sa huli, naipalabas ng pelikula ang antas ng pagtanggap ng buong pamilya sa gender preference ng kanilang ama. Ang mga Pilipino ay katulad na lamang ng pamilyang Estrella. Dahil sa post-kolonyal na mga pananaw na nagbahid ng kaisipang nagbabawal sa pag-iibigan ng parehong mga kasarian, tayo ay bulag, walang malay at may pagkiling sa kamalayang nagsasangkot ng pagtanggap sa lahat ng mga kagustuhan ng bawat indibidwal. Tayo ay naiimpluwensiyahan ng mga pagdedesisyong nagdudulot ng pinsala sa pagkakakilanlan ng iba dahil lamang sa kasarian nito.

Liban sa  mga natanggap na kritik dahil sa maselang tema ng pelikula, kinakatawan ng pelikulang ito nang husto ang mga pamantayang panlipunan sa maraming aspekto. Itinuturo nito na mayroong talagang uri ng pag-ibig na tutol ang sambayanan. Ang pelikula ay nagdadala rin ng mensaheng hindi binibigyang katwiran ang isang paninindigan dahil lamang hindi ito tanggap sa nakasanayang pamantayan. 

Bagaman ang mga nabanggit na salik  ay nagdudulot ng kalakasan ng “Rainbow’s Sunset”, napatunayan din na nagsisilbi rin itong kahinaan nito sapagkat ay mahihinuhang hindi tuwirang nakamit ang inaasahang kinahihinatnan mula rito. 

Una, bagaman maayos na  naisabuhay ng mga aktor ang bawat  karakter nila, tila ay ginamit lamang bilang ikalawang tema o subplotang temang LGBTQ+, o ang pag-iibigan ng mga matanda dahil mas napako sa isipan ng mga manonood ang dramasa pagitan ng mga miyembro ng pamilya. Ito ay tumutukoy sa paglutas ng hidwaan ng magkakapatid dulot ng ‘di pagsang-ayon sa pagmamahalan ng dalawa. Maaaring nalilito ang mga manonood sa direksyon ng pelikula sapagkat nabahiran ng paksang family dramaang adbokasiyang mensahe para sa LGBTQ+. Habang ang mga sigalot sa pagitan ng  magkakapatid na Estrella ay ipinakilala, ang kuwento lamang ni Eman ang buong ginalugad. Samakatuwid, ang mga gusot at hindi pagkakasundo ay isinantabi at hindi nabigyang linaw, katulad na lamang ng mga baho na ikinikimkim ng ibang mga kabahagi ng pamilya. 

Pangalawa, kahit na naging inklusibo ang istorya sa pagtanggap ng pag-ibig sa iba’t-ibang perspektibo, nabigong bigyang katwiran at imulat ang mga manonood sa “bisexualidad” ni Ramon na kung saan ay nabigyang-diin nang nagpaliwanag siya sa kaniyang mga anak na mahal niya ang kanyang kumpare katulad na lamang ng pagmamahal niya sa kanyang asawa ng anim na dekada. Ang biseksuwalidad ay isang pangkalahatang termino kapag ang isang indibidwal ay nakakaramdam ng atraksyon sa kapwa lalaki at babae sa pisikal, sekswal o emosyonal na aspekto. Sa madaling salita, ito ay maituturing na romantikong pagkahumaling at seksuwal na pagkaakit sa kapwa lalaki at babae, o sa higit pa sa isang kasarian. 

Bilang pagkalahatang pagkalugod, ang “Rainbow’s Sunset” ay isang magandang pelikula. Patunay na rito ang pagkakaroon nito ng napakaraming parangal. Binigyang saysay nito ang kakayahan ng pag-ibig sa maraming anyo — bata o matanda, mayaman o mahirap, babae man o lalaki, at kahit na iyong mga ’di ikinakategorya ang sarili bilang isang babae o lalaki. 

Ang pakikibaka ng LGBTQ+ communityay hindi tumitigil hanggang sa pagtanggap lamang ng pamayanan sa kanila. Kailangan din kilalanin at mapagtanto nang tuluyan ng lahat ng mamamayan, pati na rin ng pamahalaan, ang kanilang mga karapatan. Dahil sa patuloy na pagkabigo ng Kongreso na maipasa ang isang pambansang batas laban sa diskriminasyon, ang mga tagapagtaguyod ng LGBTQ+ ay humihingi ng iba pang mga paraan upang maprotektahan ang komunidad mula sa diskriminasyon.

Nararapat na maisulong ang SOGIE Equality Bill, dahil sa pagsulong nito ay maiinstitusyonalisa ang pagprotekta sa karapatan ng bawat indibidwal, anuman ang kanilang sekswal na oryentasyon at pagkakakilanlan ng kasarian. Ang pagsulong ng SOGIE Equality Bill ay hindi panlalamang ng komunidad ng LGBTQ+ sa iba pang mga pagkakakilanlan ng kasarian. Sa halip, nag-aasam ito ng pagkakapantay-pantay upang matupad ang pantay na sugnay ng proteksyon. Kinikilala lamang nito na ang mga karapatan ng komunidad ay protektado tulad sa iba. Hindi ito isang karangyaan;  pinag-uusapan lamang nito ang pangunahing mga karapatang pantao. 

Hindi nilalayon ng SOGIE Equality Bill na ilagay ang komunidad sa isang pedestal; bagkus, ang pangunahing mga karapatang pantao ay hindi espesyal na karapatan o isang karangyaan, ito ay mga karapatan na karapat-dapat sa bawat lahat. Walang sinuman ang dapat mabuhay sa takot na maging kanilang tunay na sarili. Ang pagiging lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual, non-binary,at higit pa sa spectrum ay hindi isang krimen. Ang pag-ibig ay mula sa lahat, at para sa lahat. Ito ang nagbibigkis sa isang pagsasamahang puno ng kaligayahan at kalayaan. Ang tunay na makakapagbigay sa atin ng kalayaan ay ang pagtanggap at pagpapaubaya sa lahat, kabilang na ang ating sarili.

Featured image courtesy of Rainbow’s Sunset Facebook Page.

Why the State – not farmers – is a terrorist

More than Just Transphobia: Revisiting Jennifer Laude’s Case

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *