Nahuli ang tagapangulo ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Allen Capuyan sa pagpapakalat nito ng petisyon para sa diskwalipikasyon ng Kabataan Partylist (KPL) kahapon, ika-24 ng Oktubre.
Nanggaling sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naturang petisyon noong Enero 2021 upang patuloy na supilin ang KPL mula sa pagiging ganap na kinatawan ng mga kabataan sa Kongreso. Isa si Capuyan sa mga namumuno nito bilang Executive Director.
Noong Setyembre 2021, walang pakundangang inakusahan ni Capuyan si Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na “nagpapakalat lamang ng mga kasinungalingan at propaganda” matapos siyang kilatisin ni Cullamat hinggil sa mga pondo ng kanyang pinamumunuan na mga ahensya.
Sa ilalim ng pamumuno ni Capuyan, nadawit na rin ang NCIP at NTF-ELCAC sa mga isyu ng isa’t isa gaya ng pagkwestyon ng Commission on Audit (COA) sa isa umanong “workshop” ng NCIP kasama ang NTF-ELCAC na pinaggastusan ng halos P1 milyon.
Agad namang kinundena ni KPL First Nominee Raoul Manuel ang pagpapakalat ni Capuyan ng petisyon, sapagkat nilalabag nito ang isang seksyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa pakikilahok ng “sinumang pinuno o kawani sa serbisyo sibil, sa alinmang pangangampanya sa halalan o sa iba pang pampartidong gawain sa pulitika.”
“NCIP Chair, NTF-ELCAC Executive Director Allen Capuyan must resign for his many unethical acts,” tindig ni Manuel.
Nitong nakaraang linggo lamang din ipinasa ng KPL sa Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang apela laban sa petisyon ng NTF-ELCAC. Walang basehan nitong inaakusahan ang KPL bilang bahagi ng Communist Party of the Philippines (CPP) upang maging dahilan para sa kanilang pagkakatanggal sa Kongreso.
Liban sa KPL, pilit ding ipinapadiskwalipika ng NTF-ELCAC ang Gabriela Partylist na kilala rin sa pagiging kritikal sa mga aksyon ng administrasyong Duterte.
Sa kabila nito, patuloy ang KPL at Gabriela sa kanilang pangangatawan sa sektor ng kabataan at kababaihan. Kamakailan lamang ay naghain ang KPL ng isang panukalang batas na naglalayong pabilisin at pondohan ang ligtas na pagbabalik-eskwela.
Upang suportahan ang KPL, kinundena ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) ang disqualification case laban sa KPL bilang panibagong atake ng administrasyong Duterte sa mga kritiko nito at sa demokrasya ng lipunan ngayon.
“An attack against Kabataan Partylist is an attack against the largest student movement the educational sector that aims to create a liberating and empowered education system for all Filipinos, so we must stand together with Kabataan Partylist to ensure that this disqualification case is junked and so that we are able to protect our democratic rights to organize and mobilize,” pahayag ni Lakan Umali ng CONTEND.
Featured image by Rappler