“Ang rebolusyon ay pag-aari ng buong sambayanan.”
Ito ang paalala ni Ka Oris nang tanungin siya kung ano ang direksyon ng rebolusyon kung sakaling mamatay siya. Aniya, hindi sa kanya umiikot ang rebolusyon at sigurado naman daw na lahat ay mamamatay, sa bala man o sakit. Ang malinaw na batas ng katotohanan: hanggang nananatili ang marahas na ugat ng digmaan, mananatili ang marahas na pakikidigma ng bayan.
Isang payapang hapon ng Sabado ang ginulat ng di-kapani-paniwalang balita. “Top NPA leader, Ka Oris, killed in Bukidnon clash.” Sabi ng militar, pinatay nila ang pambansang tagapagsalita ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao alinsunod sa kahibangang tapusin ang armadong pakikibaka sa 2022. Pero buhol-buhol ang dila ng naratibong hindi mapagkabit-kabit: namatay raw sa air strike, namatay sa engkwentro nang “manlaban,” at kung ano pang misteryo.
Tahimik rin ang rebolusyonaryong kilusan mula nang pumutok ang balita. May halong di-kasiguraduhan at pagluluksa ang pakiramdam. May sakit, may pagngangalit. Subalit, isang araw ang makalipas, inanunsyo ng asawa ni Ka Oris na si Ka Maria Malaya na patay na nga talaga ang mahusay na Pulang kumander. Inambus daw ng militar habang nakasakay sa motorsiklo para ipagamot sa bayan ang iniindang renal failure kasama ang medic na si Ka Pika.
Gaya ng tunggalian ng mga uri, may dalawang emosyon ring nagtutunggali sa balita. Sa isang panig, nagpipiyesta ang mga militar dahil nakaiskor ng “big fish” ng mga rebelde. Tiba-tiba rin sa pabuya, promosyon, at medalya dahil sa pagpatay sa isang matandang walang armas. Sa kabilang panig, may matinding pagluluksa. Subalit iyon ang katiyakan ng digma—may panahon ng pag-atras at pagsulong, ng kabiguan at tagumpay, ng buhay at kamatayan.
Ngayong wala na si Ka Oris, ano na ang hinaharap ng digmang bayan sa Pilipinas?
MGA SALALAYAN SA NAKARAAN
Sa kanyang tulang “My Silent Revolutionary Mother,” isinalaysay ni Ka Oris kung paano niya niyakap ang Pambansa-Demokratikong Kilusan. Mula sa pamantasan patungong kabundukan. Matinding kahirapan ang nagtulak sa kanya sa landas ng pag-aarmas: walang makain kundi ginamos at bulad, hindi nagmartsa dahil walang bagong uniform, at inhustisyang panlipunan.
Agricultural egineering ang kurso ni Ka Oris noon sa Central Mindanao University sa Bukidnon noong 1968. Panahon ng pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan—naitatag ang CPP, NPA, at ang First Quarter Storm. Ang sumambulat na krisis ay dama ng mga nakasalamuha niyang magsasaka, manggagawa, estudyante, at katutubo. Pinili niyang makisangkot. Gaya ng lahat ng bagay, humarap din sa kontradiksyong pinal ang sagot ni Ka Oris. Ang panlipunang pagbabago ba ay makakamit sa mapayapang reporma o marahas na pagrerebolusyon?
Sa panahon ng Martial Law, pumanig siya sa pakikibaka. Nag-organisa para sa rebolusyon. Hanggang noong 1975, matapos ang mahabang lakaran sa Agusan, naroon na siya sa pusod ng kanayunan. Hindi na ang Jorge Madlos ng Siargao kundi ang Ka Oris sa loob ng NPA.
Hindi lamang ito kwento ni Ka Oris. Kwento rin ito ng mga nauna sa kanya gaya nina Lorena Barros, Emman Lacaba, Monico Atienza at ng mga sumunod sa kanya gaya nina Chadli Molintas, Christine Puche, at Quuenie Daraman. Ang paglalakbay mula sa pamantasan tungong kanayunan ay hindi pagtalikod sa kinabukasan kundi paglikha ng bagong mukha nito.
MGA KATOTOHANAN NG KASALUKUYAN
Para sa isang pambansa-demokrata, ang pinakasimpleng katotohanan ng namamayaning kaayusan ay maisusuma sa apat. Una, mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Pangalawa, ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng tunggalian ng mga uri. Pangatlo, ang imperyalismo, piyudalismo, at burukrata-kapitalismo ang ugat ng kahirapan. Pang-apat, tanging demokratikong rebolusyong bayan ang makalulutas ng mga ito.
Mula 1975 nang sumampa sa NPA si Ka Oris, maski ngayong 2021 nang pinaslang siya ng AFP, hindi nagbago ang mga pundamental na katotohanang ito. Sapagkat kung oo, hindi na sana nakabangon pa ang rebolusyonaryong kilusan sa mga pagkakamali nito noong 1980s.. Hindi na sana nito nabibigo ang reaksyunaryong gobyerno sa kontra-insurhensiya. Hindi na sana ito sinusuportahan ng masang pinaglilingkuran nito. Makatuwiran ang maghimagsik dahil ito ay pagpapalaya sa lupa, pagkalag sa tanikala, at pagbawi sa kinabukasan ng sangkatauhan.
Marahil ang tanong ay bakit gugulin ng isang tao ang halos apat na dekada ng kanyang buhay para sa sinasabing “walang kwentang” pakikibaka. Kung makakapanayam lamang natin si Ka Oris, ang mga tiyak na sagot niya marahil ay dahil wala pa ring sariling lupa ang magsasaka, minimilitarisa ang mga Lumad, pinagsasamantalahan ang manggagawa, ginagahasa ng mga multinational companies ang Mindanao, marami ang nagugutom at kung ano pang mga isyu.
Kaya hindi totoong hibang o pesimistiko ang mga pambansa-demokrata. Paglalahad lamang ang mga ito ng materyal na katotohanan na dapat resolbahin. Sa katunayan, ang pangangarap ng bagong lipunan ay inianak ng rebolusyonaryong optimismo. Na isisilang sa guho ng digmaan ang bagong kaayusan. Na ang kasalukuyan ay kailangang hakbang para sa kinabukasan.
MGA PAG-ASA NG KINABUKASAN
Sabi ng militar, malaking bigwas ang pagkamatay ni Ka Oris sa rebolusyonaryong kilusan. Tama ito. Malaking kawalan ang isang martir ng bayan sa pagsulong ng digmaan. Ngunit, wala ang monopolyo ng kapangyarihan kay Ka Oris, Ka Joma, Ka Benito at Ka Wilma o sino pang lider ng kilusan. Ang tunay na lakas nito ay nasa kolektibong pagkilos ng mga mamamayan. Ika nga nila ay maaaring mong patayin ang rebolusyonaryo ngunit hindi mo mapapatay ang rebolusyon.
Para sa mga nangangarap, maningning ang kinabukasan ng rebolusyon. Para sa mga mapang-api, ito ay bangungot at karahasan dahil kontra-agos ito sa kanilang paghahari. Sadyang marahas ang pakikibaka dahil ang bawat dugong ibinuhos para rito ang magpapalago sa mga binhing itinanim noon pa man. Bukas, mayroon pa ring nagrerebolusyon.
Sapagkat iyon ang ekspresyon ng awtoritatibo’t mapagpasyang kapangyarihan ng demokrasya—sa kamay ng mamamayan at hindi sa patsada ng ilusyon. Naroroon may bawat piyesa ng lipunang nililikha at winawasak ang pundasyon ng pagsasamantala. Iyon din ay digma para sa hustisya para sa mga walang lupa, walang makain, walang kinabukasan. At iyon ay araw-araw na paniningil sa inutang na dugo sa mga piniling magbangon at nilang pinatahimik. Iyon ay hindi piging, kundi isang buhay na isinakdal sa atin ng mga mapang-api.
Marahas ang digmaan ngunit mas marahas ang mga dahilan nito. Mabangis ang berdugong kaaway. Handa itong labagin ang batas ng digma at internasyunal na makataong batas. Hindi ito “isolated case.” Ginawa na rin nila ito sa mga EJK, masaker sa mga magsasaka, at iba pang kasama ni Ka Oris gaya nina Alvin Luque at Ka Parago. Walang patawad sa mahihirap ang batas ng mayayaman kayat ang batas ng rebolusyon ng mahihirap ay walang patawad sa mayayaman. Ito ang tema ng bawat balita sa bawat bukas—matagalang tunggalian ng mga uri.
Kaya alalahanin natin ang mensahe ni Ka Oris para sa mga kabataan: “Pag-aari ninyo ang mundo. Wala kayong dapat na ikatakot sa pagpili sa landas ng paglilingkod sa sambayanan at pagpanig sa rebolusyon. Kasama ang buong sambayanang Pilipino, maaari ninyong pandayin ang sarili ninyong bukas sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa kalayaan at pambansang demokrasya.” Mataba ang lupa para sa digmang bayan para sa kinabukasan.
Libo-libong Ka Oris pa ang isisilang ng lipunang ito. Maraming kabataan at estudyante ang reresolba sa kontradiksyon ng sarili o bayan, repormismo at rebolusyon, at namamayaning kaayusan o maalwang kinabukasan. Walang katapusang pag-ikid ang mga kontradiksyon hanggang magbago ang timbangan ng lakas. Ganito rin ang rebolusyon—sa kanyang nakaraan, kasalukuyan, at kinabukasan ngunit ang itinuturo ng kasaysayan “tayo ngayo’y inaalipin subalit atin ang bukas.” Ito ang kinabukasang hinaharap ng sangkatauhan. Ang kinabukasan ng rebolusyon ay kapayapaan—para sa nakararami at batay sa katarungan.
Kung maisusuma ang mga pangyayari sa nakaraang dalawang araw, masasapol ito ng linya sa tula ni Prop. Bomen Guillermo. “mahalaga ka sa kanila dahil ika’y namatay, mahalaga ka sa amin dahil ika’y nabuhay.” Kukubrahin ng militar ang pabuya ngunit kakamtin din ng mamamayan ang tagumpay. Simbigat ng bundok sa Pantaron ang iyong buhay at kamatayan.
Tiyak na maraming susunod sa isang matandang hangal na nagpatag ng bundok noong 1975.
Featured image courtesy of Kuris-kuris Facebook Page