Nakatakdang maglunsad ng dayalogo si UP President Danilo Concepcion at ang mga magsasaka ng Krus na Ligas upang irehistro ang kanilang mga kahingian mula sa administrasyon ika-5 ng Nobyembre, Biyernes, 8:30 nang umaga, ayon sa UP Diliman Office of Community Relations (OCR).
Kabilang sa kanilang mga panawagan ay ang pagbuo ng memorandum ng UP admin at ng mga magsasaka upang makapagtanim at makapanirahan sila nang malaya. Kalakip nito ang pagpigil sa panggigipit sa mga magsasaka at pamilya nito, at ang pagbabawal na harangan ang anumang suporta ng mga organisasyon ar opisinang nagnanais mag-abot ng tulong sa mga magbubukid ng Krus na Ligas.
Isa pa sa kanilang kahingian ay ang pagiging bukas ng UP at paglahok ng mga magsasaka sa proseso ng pagmamay-ari ng lupa sa pamantasan. Isinasaad dito ang pagbibigay ng kopya ng mga importanteng dokumento, at ang pagdaraos ng mga dayalogo at pagpupulong ukol sa kanilang pagmamay-ari ng lupain.
Pinakahuli, pinagdidiinan ang pagsugpo sa komersyalisasyon sa loob ng pamantasan. Sa halip, hinihikayat na gawing lunsaran ng fieldwork ang bukid kaysa tayuan ng mga negosyo.
Sa cease and desist order na inihain noong ika-8 ng Setyembre, iginigiit ng UP Diliman Legal Office na ang lupang pinagtatamnan ng mga magbubukid ay para sa “academic and public use” lamang.
Naka-ilang proyektong pang-komersyalisa ang administrasyon ng pamantasan sa ilalim ng UP Master Development Plan nito. Kabilang na rito ang pagtatayo ng UP TechnoHub ng mga Ayala.
Pagdidiin din ng mga magsasaka, kanila nang pinagbubungkalan ang lupain ng Malantic bago pa man itayo ang pamantasan.
Ang dayalogo ay magaganap ilang araw bago ang nakaplantsang pagtatapos ng 60 na araw na palugit sa cease and desist order ng administrasyon ng pamantasan sa mga magsasaka.
Hinihikayat ang mga mag-aaral at iba pang sektor na makiisa sa pagpapaingay ng panawagan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas.
Featured image courtesy of League of Filipino Students – CSSP