Mabuhay Muli: Isang Mensahe Para sa Patay


TAHIMIK na ipinapagdiwang ang pangalawang araw ng Nobyembre. Ang mga bahay-bahay sa iba’t ibang baryo ng Pilipinas ay hindi kumikibo. Isang mapayapang araw ang naghihintay sa mga mamamayan na ginugunita ito. Ang mga trabaho ay tinitigil, mga klase ay suspendido, at kalsada’y nagiging maluwag—tila binibigyang daanan ang mga yumaong mga kapatid, para mabuhay muli.

Mabuhay muli, ang mga taong namatay sa kamay ng isang di-makatarungang pamumuno. Nawa’y mabuhay ang mga namahingang pangarap at hangarin ninyo, sapagkat ang mga sigaw niyo para sa hustisya ay hindi pa naririnig. Ang mga pagkakataon ng pagbabago ay hindi na naibigay. Ang mapayapang buhay na pinangako ay tila ninakaw lamang ng isang pasista. Isang lider na handang magpapatay ng kahit sino dahil sa kanyang kasakiman. Walang pakialam sa mga kolateral at inosenteng mga buhay na napapatay niya. Libu-libo na ang namatay sa kanyang kamay, ngunit hindi pa tumitigil, hindi pa tapos ang kanyang gera. Ngunit hinding hindi  malilimutan ang inyong mga pagkapatay. Hinding hindi malilimutan ang pagliban sa inyong mga karapatang pantao. Patuloy na ipinaglalaban ng mga nabubuhay ang inyong payapa na pahinga.  

Mabuhay muli, ang mga mamamahayag na namatay habang ipinapaglaban ang hustisya ng bayan. Nawa’y marinig na ang inyong mga sigaw, at pakinggan ng taong-bayan ang inyong mga paalala. Kayo ay mga bayani ng kapayapaan — handang ipagpalit ang sariling buhay kapalit ng pagkakataong gumawa ng pagbabago. Ipinaglaban ninyo ang karapatan ng Pilipino na magsalita, at ang naging boses sa isang madilim na panahon. Kayo ang naging isang paraan ng ekspresyon ng karamihang Pilipino, mga taong inuna ang serbisyo sa mga masa.  Tinakpan man ang inyong mga bibig, sinigurado ninyong malakas pa rin ang boses ng Pilipino. Oo, naranasan na ng mahal niyong bansa ito. Ilang dekada ang lumipas ngunit inuulit na naman ang pag-atake sa boses ng mga Pilipino. Nakakagalit at nakakainis, ngunit patuloy ang pagsulat at pagsalita para sa tama, hindi tumitigil hangga’t makakita ng magandang pagbabago.

Mabuhay muli, ang mga doktor, nars at ibang frontliners na namatay sa pag seserbisyo ng mga kababayan nila. Nawa’y matupad ang inyong mga pangarap na malagpasan ang pandemya. Hindi man ninyo naabutan ang katapusan ng paghihirap ng kapwa Pilipino, magiging inspirasyon ang inyong mga pagsisikap para pagalingin sila. Dahil sa inyo, mayroong tao na natutulungan at mayroong buhay na naililigtas. Ginawa ninyo ang inyong tungkulin sa halip ng isang gobyernong nagkakagulo. Oo, mahirap tanggapin at tingnan na hanggang ngayon hindi pa bumabangon ang Pilipinas. Ngunit  sisiguradihin natin na hindi para sa wala ang inyong mga serbisyo, sapagkat isang araw, babangon din ang mga Pilipino dahil sa inyong mga sakripisyo. Patuloy ang serbisyo at pagtutulungan ng Pilipino dahil sa inyong mga ideya.

Isang taon na naman ang lumilipas at isa na namang Undas ang ginugunita ng mga Pilipino. Tahimik ang mga kalsada. Tahimik ang mga bahay.  Malayo ang katahimikan sa mga sigaw ng mga yumao na.  Hinding hindi malilimutan ang mga pangarap ninyo. Hinding hindi malilimutan ang mga sigaw na paulit-ulit ninyong ipinahatid, kahit na kapalit dito ay ang sarili ninyong mga buhay. Araw-araw, kaming nabubuhay pa ay mayroong bagong pagakakataong bigyan kayo ng makatarungang pagkamatay. Nabubuhay at lumalaban hindi lamang dahil ito ang inyong mga hangarin, pero dahil ito ang tamang gawin. Nabubuhay ang karamihan sa alaala ninyo, at hinding hindi naming papayagan mawala ang sinasabing alaala. Ngayon at magpakailanman, nawa’y kayo ay mabuhay muli. 

Featured image courtesy of Kiko Buenaventura

Groups urge to pass HB240 and forward calls for 10K ayuda

Peasant advocate at dating mag-aaral ng UP Diliman, dinukot sa Pampanga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *