Sa ngalan ng tubo


Sabi nila, matamis ang tubo. Ngunit para kanino?

Ngayong araw, ginugunita ang ika-17 anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre. Nobyembre 16, 2004 noon nang brutal na paslangin ng mga pulis at militar ang mga nagpoprotestang magsasaka sa 6,435-ektaryang Hacienda Luisita at manggagawang-bukid sa Central Azucarera de Tarlac.

Labing-apat na welgista, kabilang ang dalawang bata, ang namatay sa pagpapaulan ng bala ng mga ahente ng estado sa nagtutuyot na luha nila para sa reporma sa lupa. Iyon ang tugon ng estado at asyendero sa welgang bayan para sa reporma sa lupa. 

Doon sa lugar kung saan nagtutunggalian ang mga sacada at ang panginoong maylupa nilang Cojuangco-Aquino, naipunla ang paghahanap sa mailap na hustisya na pilit inililibing ng mga minumulto ng kahapon. May espasyo roon ang kasaysayan na dapat aralin—ang tunggalian ng walang lupa sa panginoon nito. 

Subalit ano nga ba ang panlipunang ugat na pinagtubuan ng kawalang-lupa at konsentrasyon nito sa iilan?

Hindi na bago ang pangingibabaw ng sistemang asyenda sa bansa. Araw-araw ay maraming naibabalita ang alternatibong midya hinggil sa kanilang kalagayan, pakikibaka, at mga panaawagan. Nariyan ang Hacienda Luisita, Hacienda Yulo, Hacienda Looc, mga hacienda sa Negros, Mindanao, at Gitnang Luzon. Ang kanilang mga naratibo ay pinagbibigkis ng kanilang paglaban para sa reporma sa lupa.

Ibinunga ng dugo’t pawis na kanilang idinilig ang panawagang ito. Matapos ang dantaong pagkatali sa lupa at natuto silang gamitin ang karit upang magbalikwas. Ang mga kwento ng panghuhuli at pamamaslang sa mga aktibista, militarisasyon at profiling, mababang sahod at kulang na ani, at kawalan ng panlipunang serbisyo ang ilan sa mga binhi ng pagrerebolusyon sa tiyan at kamao ng mga magsasaka.

Ang kakulangan ng mga ito ay bunga ng kasibaan ng iilan. Ang sinasabing “libreng pananghalian” ng mga apolohista ng pribadong pagmamay-ari ay ang disin sanang ulam na ng magsasakang walang makain. 

Ang ekta-ektaryang lupain at bilyon-bilyong ninakaw nina Danding Cojuangco ay inutang sa dugo nilang mga nakalimutan na ang pangalan—nilang nagpapatamis ng Coke ngunit nagdidildil ng asin o toyo sa mga gabing ang P9.50 kita kada araw ay hindi pa sapat sa kaartehan ni Kris Aquino.

Hindi rin ito labanan ng mga Marcos at Aquino, gaya ng iskrip ng mga propaganda ng rehimen. Ang tunggaliang ito ay sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mga magsasaka’t manggagawang-bukid. Ang tunggaling ito ay, sa una’t huli, para sa pag-aari ng lupa. Sa pag-aari ng tubo o tubo. Wala ang kaharian ng Diyos sa langit hanggang ang impyerno sa lupa ay mga kampon ni Satanas ang panginoon.

Hindi malulutas ng anumang hungkag na reporma sa lupa ang abang dasal para sa lupa. Sapagkat hanggang may panginoon ang lupa, nakatanikala ang sacada’t magsasaka para magpalago lang ng kapital na abot-langit habang hinuhukay ang kanilang sariling libing. 

Napatunayan nang binigo ng pekeng land reform program ni Marcos, ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Dona Cory Aquino, at pinalawig kasama ang mga “reporma” sa anyo ng CARPER sa illalim ni Arroyo at Don Benigno Aquino ang mga walang-lupang magsasaka.

Tanggalin man nila ang kahayupan ng stock distribution option (yaong, panlilinlang na gawing stockholder ang magsasakang hindi nila pinag-aral upang kamkaming muli ang lupa), walang tunay na reporma kung nananatili ang plantasyon at asyenda.

Walang pagbabago kung ang almusal ng magsasaka ay bala ng M16 at bomb shells ng militar, kung ang pananghalian ay red-tagging, demolisyon, at pagpapalayas, t ang hapunan ay kumakalam na sikmura. Hindi mamumunga ng masaganang ani ang tuyot na lupang dinidiligan lamang ng dugo’t pawis ang tiempo muerto.

Bagkus, ang aanihin ng mamamayan roon ay pagbalikwas. Para sa mga naghihimagsik na kamay at nagrerebolusyong kamao, ang tubo ay pagkaing dapat matamasa ng lahat. Para sa tamad na panginoong maylupang nagmana lang naman ng nakaw, ang tubo ay piging na siya lang ang dapat kumain.

Kung may itinuturo man ang panimulang imbestigasyon sa mahabang pagluluksa sa 17 taon, matagal nang naipunla sa malawak na kanayunan ang binhi ng lipunang magpapalaya sa mga magsasaka.

Ito ang babawi sa lupa at hustisyang ipinagkakait ng mga reaksyunaryong korte at ayaw isabatas ng Kongreso ng mga panginoong maylupa at malaking negosyo. Ito ang hukbong pinalalago nila sa bawat dugong idinidilig nila sa lupa. Naroroon sa paanan ng Sierra Madre, walang panginoong ang lupa at malaya ang mga magsasaka.

Mula roon, magdadaluyong na parang irigasyon at lalagong tila palay, silang aani ng tagumpay, sa ngalan ng tubo!

*Paumanhin sa dokumentaryong “Sa Ngalan ng Tubo” (2005) ng  Tudla Productions

Featured image by Rappler

Former Martial Law victim arrested without summon; clamors to pass HR Defenders Bill intensify

DEPED Alleges Pilot Run of F2F Classes as Another ‘Success’; LNBE Fight Heightens

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *