Ayon sa United Nations, isa ang korapsyon sa pinakamalaking problema na kinakaharap ng bawat estado ngayon. Sinasalamin ng talamak na katiwalian sa isang pamahalaan ang pagkawala ng pananagutan ng mga namumuno rito at kakulangan sa kakayahang tumugon sa mga problema ng isang bansa.Â
Ang Pilipinas ay hindi estranghero sa konseptong ito lalo na at mayroon nang mahabang kasaysayan ng korapsyon na nakaugat sa ating mga politikal na institusyon.
Sinasabi ng mga historyador na mayroon nang korapsyon panahon pa man ng mga Espanyol, kung saan binubulsa lamang ng mga namumunong Kastila, kasama ang mga kasabwat na Pilipino, ang buwis na kanilang kinokolekta sa taumbayan. Tatlong dekada na rin ang nakalipas nang maghari ang diktador at mandarambong na si Ferdinand Marcos. Hanggang ngayon, binabayaran pa rin ng bansa ang bilyon-bilyong dolyar na kanyang inutang at kinamal sa kaban ng bayan.
Sa pagdiriwang ng International Anti-Corruption Day noong Disyembre 9, masasabi bang may pinagbago na sa kalagayan ng korapsyon sa bansa?
Ayon sa 2020 Corruption Perception Index ng Transparency International, makikita na lumubha ang korapsyon sa bansa sa panahon ng pandemya. Naging talamak ang mga kaso ng coronavirus-related graft. Kasama na rito ang P15 bilyong halaga ng pondo na ninakaw mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at maanomalyang paggamit ng P67 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) kontra COVID-19.
Lubhang nakakaapekto ang mga anomalyang ito sa maayos na pagtugon ng bansa sa pandemya at pagsuporta sa mga underpaid nating medical frontliners.
Paniguradong lalala pa ang katiwalian sa bansa lalo’t papalapit na ang halalan. Sa katunayan, nagsama-sama ang mga kilalang tiwaling pamilya ng mga politiko sa bansa para tumakbo sa 2022.
Nito lamang Nobyembre 26, inilunsad ang UniTeam Coalition, kung saan nagsanib-pwersa ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Bongbong Marcos, Lakas-CMD ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada, at ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Para sa mga kritiko, tila ang alyansang ito’y likha at direktang manipestasyon ng impyerno.
Bilang salarin sa milyon-milyong pagkamal sa kaban ng bayan, liban pa sa gabundok nilang paglabag sa karapatang pantao, ang alyansang Marcos-Arroyo-Duterte-Estrada (MADE) ay senyales ng malagim na pagbabalik ng mga pwersang pinaglihi sa ganid at karahasan.
Bukod sa pagsasanib na ito, makikita rin na isa sa mga pangunahing pagkakapareho ng mga partidong ito ay ang nakaraan nilang mga kaso ng korapsyon.
Si Bongbong Marcos, anak ng diktador na si Marcos Sr., ay patuloy na naghuhugas-kamay sa malaking pinsalang iniwan ng Batas Militar, kahit na nakinabang rin siya sa bilyon-bilyong nakaw na yaman ng kanyang pamilya. Mayroon din siyang nakabinbin na kaso ng tax evasiondahil hindi pa niya nababayaran ang multa para dito.
Batay sa Presidential Commission on Good Governance (PCGG), umabot sa 10 bilyong dolyar ang utang na iniwan ng rehimeng Marcos. Idagdag na rito ang libo-libong mga namatay at nawala noong Martial Law.
Si Arroyo naman ay napasailalim sa paglilitis para sa mga kasong plunder at electoral sabotage. Maaalala mula rito ang “Hello, Garci” scandal, kung saan narinig ang pag-uusap sa telepono ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo at dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano patungkol sa pandarayang naganap noong eleksyon 2004. Dagdag pa rito ang Fertilizer Fund Scam, kung saan nasangkot ang noo’y undersecretary ng Kagawaran ng Agrikultura na si Jocelyn Bolante. Kaysa mapunta sa pagbili ng pataba ng mga magsasaka, nilaan umano ni Bolante ang P728 milyong halaga ng pondo sa pangangampanya ni Macapagal-Arroyo noong 2004.
Samantala, si Estrada ay nahatulan ng apat na bilang ng korapsyon, kabilang na rito ang diversionng pondo at ang kanyang pagnanakaw mula sa Coco Levy Fund na nakatakda sanang ipamahagi sa mga magniniyog na nadiskaril noong panahon ng Batas Militar. Ang kanyang anak na si Jinggoy Estrada ay nasangkot naman sa pork barrel scam
Sa pagpupumilit ng mga trapo’t magnanakaw sa porma nila Marcos, Arroyo, Duterte, at Estrada na palakasin ang kanilang pwersa’t palawakin ang kapangyarihan, ito ay isang delikadong axis of evil na tahasan lamang lalapastanganin ang bayan.
Mula rito, ano-ano bang magagawa natin para malabanan ang katiwalian at mga tiwali?
Upang tuluyan nang masugpo ang korapsyon, kinakailangang magkaroon ng mga striktong polisiya upang mabigyan ng kakayahang magsalita ang mga tao at umaksyon laban sa katiwalian. Isa nang paraan ay pagpapatibay sa mga batas katulad ng probisyon sa Article XI ng 1987 Constitution kung saan isinasaad na, “Public officers and employees, must at all times, be accountable to the people…” Bukod dito, kailangan din pagtibayin ang iba pang mga batas na ipinasa ng Kongreso tulad ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Ombudsman Act of 1989.
Sa kabila ng mga naturang anti-corruption laws, makikita na hindi pa rin gaanong napapabuti ang sitwasyon ng katiwalian sa bansa.
Kaya naman, mahalaga ring magkaroon ng mga kongkretong plano kung saan magiging mas kasangkot ang mamamayan sa pagbabagong inaasam natin. Isa na rito ay ang pagkakaroon ng mas maraming citizens’ watch groups upang masigurong walang nagaganap na dayaan tuwing eleksyon. Kailangan din pagtuunan ng pansin ang voters’ education upang mapamulat ang mga tao patungkol sa proseso ng eleksyon at ang halaga ng bawat boto nila. Kasama na rito ang pagpapaigting ng mga pagkilos ng iba’t ibang sektor sa lipunan tulad ng mga kilos-protesta at paghahain ng mga petisyon upang ipaabot ang mga pagkukulang at tutulan ang masasamang gawi ng mga tiwali sa gobyerno.
Tunay na maraming mga posibilidad at paraan upang sugpuin ang korapsyon. Ngunit, magiging masalimuot at mahaba ang proseso.Â
Matapos ang pag-alala sa pandaigdigang araw ng anti-korapsyon at karapatang-pantao, hamon sa bawat sektor na mas sikhayan ang pagpapamulat sa masa sa tunay na lumalalang kalagayan ng ating lipunan, buhat ng lantarang pagnanakaw mula sa pera ng taumbayan at pagsasawalang-bahala sa karapatang pantao ng bawat indibidwal. Hinahamon ang taumbayan na maging mas mapanuri sa mga ibobotong kandidato at sama-samang biguin ang koalisyong Marcos-Arroyo-Duterte-Estrada. Kinakailangan ang kooperasyon ng bawat isa upang mamulat ang mas maraming tao patungkol sa tunay na manipestasyon ng mabuting pamamahala ​​— ang karapat-dapat para sa ating bansa.
Featured image courtesy of SINAG.