Kaninang umaga ay nagwelga ang nasa 50 na manggagawa ng Soft Touch sa Valenzuela para tutulan ang nakaambang tanggalan ng trabaho at pagbuwag sa unyon ng mga manggagawa nitong hatinggabi ng ika-16 ng Disyembre, Huwebes.
Ang naturang welga ay marahas na binuwag ng pinagsamang pulis at guwardiya ng Soft Touch. Galos at iligal na pagdakip ang tinamo ng mga welgista. Giit ng mga manggagawa, patuloy silang lalaban para sa kanilang karapatan.
Anila, panggigipit ng Soft Touch ang dahilan ng kanilang welga. Marami sa kanila ay tinanggal sa trabaho at ang unyon nila ay patuloy na inaatake para pasukuin sa laban. Mga miyembro ng Broad Labor Alliance of Soft Touch Workers – Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (BLAST – SUPER) ang kalakhang tinanggal. Susunod na tanggalan ay sa ika-24 ng Disyembre, bisperas ng Pasko.
Mahigpit na nanawagan ang mga welgista na ibalik sila sa trabaho.
Giit ng pangulo ng unyon na si Gaven Nasibog, ang ginagawa sa kanila ng kumpanya ay isang masahol na paglabag sa kanilang karapatan na mag-organisa at security of tenure.
“Ano ba ang mawawala sa management ng Soft Touch kung magtayo kami ng unyon? Milyon-milyon ang kinikita ng kompanya at gusto lang namin na magkaroon ng isang samahan para masiguro ang aming security of tenure at disenteng sahod,” aniya.
Ayon naman sa pangulo ng SUPER na si Joel Camigla, ang mga manggagawang nasa ilalim ng manpower agencies ay bulnerable sa panggigipit ng unyon, tanggalan sa trabaho, at paglabag sa kanilang mga karapatan at benepisyo.
Ang BLAST ay nabuo ng mga manggagawa ng Soft Touch na nasa-ilalim ng ahensiyang ito. Sila ay maihahalintulad sa mga kontraktwal, kaya’t kanilang paraan, anila, ang pag-uunyon upang isulong ang kanilang mga karapatan “para sa tenure bilang mga direkta at regular na empleyado ng Soft Touch.”
Nasa 50 manggagawa ang inaresto nitong umaga at puwersahan inaresto. Kasalukuyang nasa Valenzuela City Police station ang mga manggagawa at maaaring kasuhan ng coercion umano dahil sa kanilang pakikipaglaban.
Kaugnay ng nangyari, ipinatawag na umano ng alkalde ng lungsod na si Rex Gatchalian ang Chief of Police, ngunit hindi pa rin ito tumutugon ngayon. Mapapasailalim sa inquest ang mga manggagawa mamayang alas-2 ng hapon.
Ani ng mga sumusuporta sa mga manggagawa, makatwiran ang kanilang mga kilos at pag-uunyon. Saad ni Luke Espiritu, kasalukuyang tumatakbong senador, at pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang terminasyon sa mga “kontraktuwal” sa ilalim ng manpower agencies ay isang mapang-api at hindi makataong iskema ginagawa lagi ng mga kapitalista sa mga manggagawa.
“Ang terminasyon ng employment contract ay ginagawa ng manpower agency, hindi ng principal employer. Ang iskemang ito ay mapang-api at hindi makatao ngunit pinahihintulutan ng batas. Kapag nasasandal na sa pader, ang tanging opsyon ng unyonistang kontraktuwal ay magwelga para ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa union busting at illegal dismissal,” ani Espiritu.
Featured image courtesy of Rafael La Vina