Kutitap ng mga Pusong Nag-aalab


Ilang araw na lamang ang bibilangin
at Pasko’y atin nang sasalubungin—
Paskong dapat sana’y makulay at maligaya
Subalit ninakaw ng gobyernong palpak at pabaya.

Mga tunog ng pagsayaw at pag-awit
ay napalitan ng nga tinig na gumigiit:
pagtuunan ng pansin ang pandemya,
pag-atake sa mamamayan, itigil na!

Sa Pasko’y ipinagdiriwang ang isang pagkabuhay
Ngunit pasistang gobyerno tayo’y pinapatay.
At sa likod ng kanilang mga pagdiriwang
Mga kababayan natin ay pinapaslang.

At hindi ka man patayin ng baril o kutsilyo
mapapasuko ka naman sa kawalan ng ayuda o trabaho
mga regalo’y paano bibilhin
kung ni pagkain ay hindi kayang ihain?

Kalunos-lunos ang sinasapit natin
ngunit noche buena ng gubyerno’y piging.
Sila’y magpapaskong nagpapanggap
na nakinig sa ating aginaldong hiling.

Ngunit hindi mapapawi ng mga palamuti
ang nararamdamang uhaw,
at kagutuma’y hindi maiibsan
ng mga kumukutitap na ilaw

Sa pagdating ng Pasko’y ating alalahanin 
kung sino ang nagnakaw ng kasiyahan natin —
Ang estadong walang malasakit at pahirap
Na sa bawat taon ay ating pagbabayarin!

Bawiin natin ang Maliligayang pasko
sa paglaban sa diktadura ng berdugo.
Hayaang isilang ang bagong lipunan
Na sasalubungin ng sandaang pagdiriwang ng mga pinahirapan!

Dibuho ni Kiko Buenaventura

Siyete Pesos

CSSP SC demands admin to apply for F2F classes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *