Gawain ni Itay ay isang maatikabong
Nakalululang patibong na pinalalapit
At pinatatali ng bihag ng tanikalang kay pait
Patibong na dulot ng sirkumstansya,
Dulot ay kakulangan ng sustansya
Aninag ng suporta ng kinauukula’y wala
Araw-araw mula umaga hanggang dapithapon
Ibinabaon ni Itay ang daliri’t kamay sa lupa,
Kaakibat ang init ng sikat ng araw na humahagkan
Sa alapaap, banahaw, at mga ibon sa papawiring bughaw
Hinawi ni itay ang kaniyang salakot,
Buring gawa sa pinagtatagpi-tagping
Dahon ng lantang niyog, may bahid ng putik
Kaniyang pawis ay pinunasan,
Ng bimpong may ganid ng karahasan
Lupang sakahan ay pinalalakad
‘Di abot ng palad; Kahit na kamay
Ay babad sa ekta-ektaryang palayan,
Butil ng bigas ay nilalapag sa hukay
‘Di pa lumilitaw, sikat ng araw
Dilat na ang pares ng mga mata ni Itay
Matapos maghanda, siya’y hahayo na,
Baon-baon ang sinaing at ang pag-asa
Sa balang-araw
Suot-suot niya ang polong gusot-gusot,
‘Di na magawang ituwid at isaayos
Walang saplot ang paa, at nang tinanong
“Upang mas madaling magtanim, ‘nak,” ani niya
Butil ng bigas sa tuwina,
Katumbas ay bala ng baril
Kung minsa’y salapi o pera
Na ang grano’y gulpi at gigil
Sa dapit-hapon, naghihintay ng salapi,
Mga baryang maiuuwi, perang maibubulsa
Ipantutustos sa sambayanang umaasa
Sa tagsibol at tag-araw sila’y nagdurusa
Isa. Dalawa. Tatlo….pito
Pitong baryang naninilaw,
Kung ‘di naman ay kinakalawang
Itay, syete na lang nga ba?
Syete ang katumbas ng pagsasaka?
Ba’t barya na lamang ang kapalit
Ng iyong luha, pawis at kasalukuyang kay pait
Ika’y maghapong nakayuko’t ‘di makatingala
Kirot sa likod, ‘di alintana
Palay ay binebenta, sa presyong kay baba
Sa mga mayayaman at establisyemento
Pinapatay ang mahihirap at
Pinapaunlad ang paghihirap
Sa kanila’y ipinagkakait ang pribilehiyo,
Turing sa kinauukulang kay bagsik
Ay pinakamahirap sa tatsulok ng lipunan
Pinapakain ang masa, ngunit walang makain sa mesa
Ang aking Itay ay isang dakilang magsasaka
‘Di “magsasaka lang,” sa halip siya ay “magsasaka”
Magsasaka ng bayang iniirog at sinisilbihan
Kahit na maayos na pagtrato
Sa kanila’y ipinagkait ng sambayanan
Kinauukulang nakaupo sa tronong mangmang
Sa kapisanan ng komunidad, estado ng pampang
‘Di naiaabot ang tulong sa nangangailangan
Sa halip ay ibinubulsa’t nasa kanlungan
Dibuho ni Kiko Buenaventura