Ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos.
Sinalubong sa bagong taon ang mga lumang problema—mataas na kaso ng COVID, tumataas na presyo ng mga bilihin at langis, mababang sahod, kawalan ng lupa, saradong paaralan, nalulugiang mga negosyo, bangungot ng panunumbalik ng mga Marcos sa Palasyo, at ang diktadura ni Duterte.
Tumitindi ang krisis sa bansa. Hindi nagsisinungaling ang mga numero at naratibo. Nakaturo ang lahat ng daliri kay Duterte at sa limang-taong pamumuno nito bilang salarin sa sandamakmak na krimen. Lalong lumalala ang krisis sa ilalim ng isang pangulong kurakot, taksil, at mamamatay-tao.
Bagaman sinasabing nakabawi na raw ang ekonomya batay sa paglago ng GDP, isa sa bawat apat na Pilipino ang mahirap ayon sa dinayang datos ng gubyerno na mas mataas pa kung aktwal. Nasa halos 13 milyon ang wala at kulang ang trabaho, lumobo ang utang ng bansa sa lampas P12-trilyon, wala ring umento sa sahod o reporma sa lupa, at kinaltasan pa ang badyet para sa mga serbisyong panlipunan.
Samantala, higit na naiipon sa kamay ng iilang mayayaman ang kita. Batay sa isang pag-aaral ng Forbes, lumaki ang kita ng 50 pinakamayayamang Pilipino nang P4-trilyon sa gitna pa mismo ng pandemya. Sa isa pang pag-aaral, pagmamay-ari ng 1% ng populasyon ang halos 40% na yaman ng bansa. Dagdag pa rito, sinamantala rin nila ang oportunidad na magtaas ng presyo, palawakin ang operasyon, baratin ang sahod, at makinabang sa mga anti-mamamayang batas para palakihin ang tubo.
Umiigting din ang krisis sa politika lalo na at papalapit ang halalan sa Mayo. Matindi ang kumpetisyon sa pagitan ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte at ng kampo ni Robredo na nangungunang manok ng malawak na oposisyon. Mapagpasya ang elektoral na labanan sa 2022 sa pagpapatuloy o pagkapatid ng pamumunong tatak-Duterte, “swapang at pasakit,” sa panggagago na inihatid nito sa sambayanan.
Mahalaga ang nalalabing limang buwan para sa mga mamamayan na magkaisa at patambulin ang mga panawagan. Anuman ang politikal na paninindigan, dapat magkaisa sa hangaring wakasan ang administrasyong Duterte at biguin ang mga Marcos. Higit rito, mahalagang hamon sa pagtindi ng krisis ang muling-pagsusuri sa umiiral na sistemang panlipunan at kung paano ito lubusang babaguhin.
Hindi na sapat na intindihin lamang ang lipunan. Kailangan ding baguhin ito. Saksi ang Bulwagang Palma sa kasaysayan ng libo-libong mamamayan na piniling magbangon at gumuhit ng linya ng pagkakaiba. Saksi ang mga lansangan sa naratibo ng pakikibaka at sa mga kwento ng pag-asa.
Iniluluwal ng krisis ang paglaban. Pinatunayan ng kasaysayan na saanmang umiiral ang pambubusabos ay isinisilang rin ang pagbabalikwas. Sa ngayon, ito ay ang pagbigo sa tambalang Marcos-Duterte.
Mahaba ang listahan ng mga krimen ng mga Marcos at Duterte sa bayan—mula pagnanakaw hanggang pamamaslang. Nararapat lamang sa kanila ang hagupit ng ating pamamarusa. Ang tunay na demokrasya ay nasa kamay ng mamamayan at wala sa iilan. Sa balota man o bala, dapat ubos-lakas na gapiin ang ating mga kaaway nang masalubong ang bagong araw matapos ang madilim na kabanata.
Sapagkat tayo man ngayon ay inaalipin, natitiyak na sa atin ang bukas.
Dibuho ni Kyla Buenaventura