Tigang na hustisya sa agrikultura matapos ang Mendiola


Enero 22, 1987. Ang isang mapayapang mobilisasyon ng nasa 50,000 magsasaka at alyadonnila patungo sa Mendiola ay nauwi sa pagkamatay ng 13 magsasaka at mahigit 50 katao ang sugatan nang paputukan ng mga pwersa ng estado.

Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kilos-protesta para sana makipag-diyalogo kay dating Pangulong Cory Aquino, isang panginoong maylupa, para  sa panawagan ng tunay na repormang agraryo. 

Panoorin: Kuha ng mga pangyayari sa isang newsreel ng Asia Visions, isang institusyon ng alternatibong audio-visual noong 1980s. 

Makikita na ang usok at ang mga paputok ng baril ay nagmula sa hanay ng pulis. Nang marinig ang mga putok ay nagpulasan at nag-iyakan na ang mga tao. Walang-awang binaril ang mga nagproprotestang magsasaka, na naghahangad lamang ng  tunay na repormang agraryo,na unang ipinangako ni dating Pangulong Aquino matapos ang EDSA People Power.

Nang sumunod na araw, ipinag-utos ni Aquino ang pagbuo ng Citizens’ Mendiola Commission upang imbestigahan ang nangyaring insidente. Nilayon pa nitong kasuhan ang mga opisyal ng militar na sangkot sa karahasang dinanas ng mga magsasaka, ngunit nabuwag din ang grupo nang walang kongkretong aksyon na nagawa patungkol sa Mendiola Massacre. 

Hanggang ngayon, ang mga pamilya ng biktima ay patuloy na nananawagan ng hustisya para sa kanilang mga pumanaw na kamag-anak, at pananagutan mula sa mga elemento ng estadong walang habas na nandahas at kumitil ng mga mamamayang naglalayon lamang ng tunay na repormang agraryo. 

Ang Mendiola Massacre ay isang kritikal na pangyayari sa kasaysayan ng buong kilusang magsasaka sa Pilipinas. Sa sumunod na taon, naglunsad ang gobyerno ng isang agrarian reform program na naglalayong ipamahagi muli ang 8-milyong ektarya ng lupa sa mga magsasaka subalit nabigo ito.

Mahigit 30 na taon na ang nakalipas nang ilunsad ang hungkag na Comprehensive Agrarian Reform Program  (CARP) ni Aquino.Ngunit sa kasalukuyan, nasa walo sa sampung magsasaka ang walang lupa.

Isa sa mga komunidad na naapektuhan nito ay ang mga magsasaka mula sa Krus Na Ligas (KNL) na nauna pa roon kaysa Unibersidad ng Pilipinas (UP). 

Nagkaroon din ng mga agawan sa pagitan ng KNL at UP patungkol sa pagmamay-ari ng mga lupa. Pilit na pinaaalis ang mga magsasaka mula sa kanilang bukirin sa KNL dahil UP raw ang legal na may-ari noon. Sa kabila nito, kinondena nila ang mga imprastrukturang pinahintulutan at ipinatayo ng administrasyon ng UP, kasanib ang mga Ayala, sa ilalim ng UP Master Development plan nito.

Lubhang naapektuhan ang mga komunidad sa pamantasan, kasama na ang mga magsasaka ng KNL, matapos ipatayo ang mga housing projects,Hardin ng Rosas at Hardin ng Bougainvillea, sa Pook Aguinaldo ng UP na nauwi sa pagkawala ng mga lupang pagmamay-ari’t sinasaka nila.  

Mula 1990 hanggang 1991, sinbukan nilang humingi ng tulong mula sa Department of Agrarian Reform upang mapasailalim sa CARP. Sa kasamaang palad, tinutulan ng administrasyon ng UP ang petisyon ng KNL at sa loob ng 30 taon ay pilit na itinatanggi ng DAR na may sakahan sila sa Diliman. 

Lumala lamang ang  ang piyudal at atrasadong estado ng agrikultura sa bansa. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), isa ang sektor ng mga magsasaka sa may mataas na poverty incidence mula 2006 hanggang 2015. Dagdag pa rito, halos 10% lamang  ang naiambag ng sektor ng agrikultura sa ekonomiya taong 2018, na malayong-malayo sa naitalang 40% noong 1960s. Malapyudalismo, ang monopolyo ng lupa sa mga panginoon at paghuthot ng dayuhang industriya sa ating yaman, ang sanhi ng nanunuyot na produktibidad sa agrikultura.

Katulad ng mga madugong pangyayari noong Mendiola Massacre, marami pa ring mga magsasaka ang pinapatay at pinatatahimik ng reaksyunaryong estado at mga kasapakat nitong panginoong maylupa. 

Nakapagtala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng 22 na kaso ng masaker sa ilalim ng rehimeng Duterte, habang nasa lagpas 340 na mga magsasaka na ang pinaslang. Ang pangunahing maysala dito ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP), na kumikitil sa mga pesante sa kanayunan sa tabing ng malagim na kontra-insurhenisya.   

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, umabot na sa sukdulan ang patayan sa mga magsasaka at pesante sa panahon ng rehimeng Duterte. 

“Duterte can easily surpass the gruesome record of previous administrations in terms of peasant killings and massacres. Farmers, regard him as the Massacre King — a tyrant that deserves to be ousted from power,” pagdidiin ni Ramos.

Sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law, nalalagay rin sa panganib ang mga organisasyong pesante. Walang habas silang inaakusahan ng estado bilang mga terorista, samantalang ang rehimen ang patunay na  terorista sa sandamakmak nitong kaso ng pagpaparatang, pandarahas, at pagpaslang  sa mga pesante at libu-libong paglabag sa karapatang-pantaong ginawa nito sa taumbayan. 

Malaking dagok din ang mga anti-magsasakang batas katulad ng Rice Liberalization Law (RLL) na isang balakid lamang sa pagiging produktibo ng mga magsasaka sa bansa. Sa bisa ng batas na ito, lalong pinabaha ang mga imported na bigas maaaring pumasok sa ating bansa.

Lubusan nitong inilugmok ang produksyon at kita ng mga  lokal na magsasaka. Dahil sa implementasyon ng RLL, bumaba ang presyo ng palay,habangtumaas  ang market priceng bigas, dagdag pang pahirap sa mga mamimili at kita sa mga importer. 

“Bago ang implementasyon ng RLL, nabebenta namin ang palay ng at least P17 per kilogram… Sa kasalukuyan, ang farm gate price ng palay ay bumaba sa P7 hanggang P10 per kilogram,”  pagsisiwalat ni Jaime Tadeo, pinuno ng grupong Paragos Pilipinas.

Sa gitna ng pandemya, patuloy na naghihirap ang mga smallholder farmersat malililit na agribusiness sapagkat may malaking hamon sa pagpapadala ng mga hilaw na materyales at manufactured goods. Bukod sa mababang presyo ng mga inaning pananim at kakulangan sa kapital, makikita na mabagal at hindi sapat ang naging ayuda ng gobyerno sa krisis na kinakaharap nila at paunlarin ang agrikultura na nasa 2% lang ng badyet ang nakalaan.

Sa takbo ng kasaysayan, patunay ang patuloy na pag-aaklas at paglawak ng pagkilos ng mga pesante, kasama ang mga mamamayan, sa malagim at nakapanlulumong sitwasyon ng mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuya’t nagdaang mga rehimen. 

Sa halip na mabigyan ng karapat-dapat na lupa, ang mga magsasaka ay pinapatay dahil lamang pinaglalaban nila ang kanilang karapatan at nangangalampag para sa tunay na repormang agraryo. Sa halip na mabigyan ng suporta sa mga machineriesat pasilidad, mga pangangailangan sa pagsasaka tulad ng libreng pataba, ay nagsasabatas ang estado ng mga panukalang  humahadlang sa pagpapaunlad ng mga maliliit na magsasaka. 

Bilang isang bansa, nararapat lamang tayong magkaisa at suportahan ang panawagan na magkaroon ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at demokratikong karapatan laban sa tiraniya.

Sa darating na eleksyon, dapat kilatisin ang mga programa sa agrikultura ng mga kandidato. Patuloy lamang ang pagpapalakas ng ating mga boses para sa hustisya at paigtingin ang pakikibaka laban sa mga pekeng pagpapasuko at panreredtag. Dapat makiisa sa paggiigiit sa karapatan ng mga pesante na ariin ang lupang sinasaka sa pamamagitan ng pagbuwag ng mga asyenda at plantasyon ng naghaharing-uri na para sa sarili lamang nilang ganansya at tubo.

Subalit higit rito, wala sa kamay ng isang politiko ang kinabukasan ng bansa. Ito ay nasa pagkakaisa ng ibang sektor na nagpapalago sa matabong lupa ng pakikibaka at tiyak na aani ng tagumpay balang araw—hustisya at reporma sa lupa.

#JusticeForMendiolaMassacre

#LandToTheTillers

Featured image courtesy of C. LACANILAO.

MALAPYUDALISMO

Bite the hand that refuses to feed you!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *