Masikhay, matapang, at masayahin kung ilarawan ng kanyang mga mahal sa buhay at kasama si Yuuki Kato, isang aktibista at mamamahayag sa ating kolehiyo. Â
Tinanganan niya ang pagsulong at mapagpasyang nakiisa sa nakibaka, hanggang sa kanyang mga huling sandali.
Malawakang inalala at pinagpugayan ang buhay ni Yuuki Kato ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) matapos ang kanyang pagpanaw noong ika-20 ng Enero, Huwebes, dahil sa kanser.
Ipinanganak si Yuuki noong ika-9 ng Abril, 2001. Sa kaniyang 20 taong buhay, maraming pagsubok nang naigpawa’t naabot na tagumpay si Yuuki.
Siya ay naging mag-aaral ng HUMSS sa FEU Cavite, at ginawarang class valedictorian ng taong 2020. Nagsilbi rin siya bilang Managing Editor ng Simbuhan-SHS, opisyal na pahayagan ng departamento ng Senior High School (SHS) sa FEU Cavite.
Pagpasok sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, nag-aral naman ng Agham Pampulitika si Yuuki. Pinairal niya ang paninindigang ang pulitika ay dapat na nagsisilbi sa sambayanan. Naging bahagi siya ng POLIS Core Group at inaalala nila bilang “never hesitated to serve the people in her life.”
Isinanib niya ang militanteng politika at husay sa pagsulat nang magpasya syang maging stafferng SINAG mula 2020 hanggang 2022 kung saan pinaigting niya ang militante at matalas na pagkilatis at pagsulat ukol sa mga isyu sa bansa.
“Walang takot siyang namahayag hinggil sa ligtas na balik-eskwela, anti-pasismo, anti-imperyalismo, at kilusang masa upang ipatimo ang halaga ng kolektibong aksyon at pagpapanagot sa mga krimen ng rehimeng Duterte,” ani ng parangal ng SINAG sa kanya.
Kritikal niyang sinuri ang bawat anggulo ng mga isyu ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan, at ng mas malawak na hanay ng masa. Isinawalat niya sa ang kasahulan ng rehimeng Duterte at ng pangil nitong pwersa ng militar at kapulisan. Iginiit niya ang tunay na danas ng bawat mamamayan, at pinairal ang katibayan ng paninindigan at katapatan sa pagsisilbi rito.
Liban sa pagiging matapang na mamamahayag, naging tagapamandila ng politika na “tungo sa pinakamataas na porma ng paglilingkod.” Pinangunahan ni Yuuki, bilang tagapangulo ng UP Samahan sa Agham Pampulitika (SAPUL), ang muling pagpasigla sa organisasyon, at buong-pusong “inakay ang Samahan mula sa iilang mga bagong kasapi tungo sa kung ano na ito ngayon, sa loob lamang ng ilang buwan.”
Si Yuuki ay naging pinuno rin ng gawaing Propaganda sa partidong SALiGAN sa CSSP, kung saan siya’y nanguna sa pagpapaingay ng mga kampanyang bitbit ng organisasyon. Isinulong niya ang mga panawagan at pangangalampag para sa kalayaang akademiko, malayang pamamahayag, demokratikong karapatan, at iba pang mga isyu sa lipunan.
Isa ring namumukod-tanging makata rin si Yuuki, at kanyang naging sandata ang pagsulat. Bilang miyembro ng UP Writers Club, ipinamalas ni Yuuki ang kaniyang malalim at makabuluhang pagtanaw sa literatura, at kung paano niya ito ginamit upang sagupain ang mga kanser ng lipunan sa kabila ng kanyang kanser.
Si Yuuki ay malambing, mapagmahal, at masayahin — mga kalidad bilang propagandista, mamamahayag, manunulat, mag-aaral, kasama, at anak na kaniya namang ipinaramdam sa bawat taong kaniyang nakasalamuha.
Mananatili si Yuuki sa ala-ala ng kaniyang mga kaibigan, kamag-aral, at pamilya bilang isang militanteng aktibista, maalalahaning kasama, at isang indibidwal na puno ng pagmamahal para sa masang kaniyang walang kapagurang pinagsilbihan.
Sa kanyang walang-pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan, tiyak ngang simbigat ng Sierra Madre ang kanyang kamatayan. Gayunman, siya ay isang “pag-iral na mananatili” sa alaala ng mga kasama, kaibigan, at pamilya niya.
“Hindi matatawaran ang naging ambag ni Yuuki sa pakikibaka tungo sa lipunang walang pang-aapi. Tuluyang mabubuhay ang kaniyang diwa at pangarap sa bawat iskolar ng bayan na tinatahak ang landas para sa mga maliwanag na kinabukasang para sa bayan,” ayon sa UP SAPUL.
#APresencePreserved
#RememberingYuuki
Dibuho ni Kate Gotis