Inilahad ni Mark Edrian Vidor, mag-aaral ng Political Science sa ikatlong taon, ang hindi makatao at manhid na panukala ng administrasyon ng University of the Philippines (UP) sa pagtutulak nitong simulan ang ikalawang semestre sa ika-7 ng Pebrero, sa kabila ng pangangalampag ng komunidad ng pamantasan.
“Hindi naman tama na mas mahalaga pa ang academic calendar kaysa welfare ng students at profs na hindi na nagkaroon ng chance magpahinga,” ani Vidor.
Ito ay matapos mapagpulungan ng UP Kilos Na Multisectoral Alliance (MSA) at ng mga administrador ng UP na ituloy ang pagbubukas ng ikalawang semestre sa takda nitong petsa, liban sa UP Open University at UP Cebu.
Batay sa napagkasunduan, magkakaroon ng dalawang linggong “health and recovery period” ang pamantasan.
Ibig sabihin nito ay walang deadlines, meetings, at synchronousna klase na magaganap sa nasabing panahon at bibigyan din ng limang araw na internally-arranged na pahinga ang mga kawani ng paaralan.
Ngunit, taliwas dito, ayon kay UPD Chancellor Fidel Nemenzo, ang “break” ay magtatagal lamang ng isang linggo.
Tiniyak din ng MSA na paiigtingin ng administrasyong UP ang pamamahagi ng benepisyo at sahod sa mga kawani at kontraktuwal.
TINGNAN: https://bit.ly/3ryoynC
Samantala, para kay Vidor ay hindi magiging epektibo ang dalawang linggong pahingang ito dahil papahirapan lamang daw nito ang lahat sa pagkakaroon ng compressed deadlines at mas pinaikling semestre.
Binigyang-diin ni Vidor na hindi naging madali ang nakaraang semestre sa parehong pangkalusugan at pang-akademikong larangan matapos ang ilang beses na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 at pananalasa ng bagyong Odette.
Matatandaan na kasabay ng mga huling buwan ng unang semestre ay ang pananalasa ng bagyong Odette noong ika-14 ng disyembre kung saan tinatayang higit isang milyon ang nasalanta at nagdusa sa epekto nito. Batay sa sarbey ng UP Office of the Vice President for Academic Affairs, nasa 20% (~10,700) ang naapektuhan ng bagyo. Marami ang nawalan ng kuryente at internet connection.
Kasabay nito ang maka-ilang beses na pagkakaroon ng all-time high daily recordng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Tinaya nga ng UP Diliman University Student Council (USC) sa kanilang mga isinagawang sensing form na sa kasalukuyan ay 531 na mag-aaral ang positibo sa COVID-19 o na-expose sa mga kasama nito sa bahay na may sintomas ng COVID, at 93 naman ang nasalanta ng bagyong Odette.
Ipinaliwanag ni Vidor na patunay ang nakaraang semestre sa patuloy na pagkalugmok ng UP sa walang katapusang remote learning sa gitna ng lumalalang pandemya.
Ani Vidor, wala na ngang tunay na pahinga ang constituents ng UP noong unang semestre ay hindi pa ito bibigyan ng totoong pahinga sa pagitan ng una at ikalawang semestre.
Hindi pa tuluyang nakakarekober ang komunidad ng UP sa nakaraang semestre dahil sa dami ng mga nagkasakit at naapektuhan ng pandemya, ayon kay Vidor. Kaniyang pagdidiin na hinding-hindi magiging sapat ang mahigit isang linggong pahingang ibinibigay ng administrasyong UP bago ang ikalawang semestre.
Ani Vidor, “We are not in the same boat. Dapat na magising ang UP admin sa reyalidad ng panahon na kinahaharap nating lahat. #MoveTheSem now, UP!” bilang pagbatikos sa pahayag ni UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo ukol sa pagsisimula ng ikalawang semestre sa ika-7 ng Pebrero.
TINGNAN: https://bit.ly/3J833QO
Sa kabilang banda, inilapit ng UP Diliman USC kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na ilipat ang pagsisimula ng ikalawang semestre.
Subalit, iginiit ni Belmonte na inirerespeto ng Local Government Unit ng Quezon City ang kalayaan ng UP at pinagkakatiwalaan nito ang anumang magiging desisyon ng administrasyong UP.
TINGNAN: https://bit.ly/3J64nU8
Nitong umaga ay nagpadala ng liham ang UPD USC sa Office of the Chancellor upang ipagpanawagan ang pagsuspinde ng mga synchronous na klase at asynchronous na mga gawain mula Pebrero 7 hanggang 19.
Giit din ng konsehong opisyal na simulan ang klase ng Pebrero 21, at itakda ang mga deadlines ng Pebrero 28. Pinagdidiinan ding huwag magkasa ng mga pagpupulong, deadlines, o magpadala ng mga email sa kaguruan sa unang linggo ng semestre.
Batay sa tugon ng Office of Student Affairs, pinagkakatiwalaan nila ang administrasyon ng mga kolehiyo na gumawa mga hakbanging nasa mabuting interes ng mga estudyante, kaguruan, at mga kawani.
BASAHIN: https://bit.ly/3J6LBvU
#AcademicEaseNow
Featured image courtesy of Philippine Star