Mandatong Nababalahura


Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas nang maganap ang 1986 snap presidential elections kung saan naglaban sa pagkapangulo ang diktador na si Ferdinand Marcos at Corazon Aquino. Ipinatawag ito ni Marcos para umano mapatibay ang humihinang suporta ng imperyalistang US sa bansa, at mapatahimik ang mga protesta laban sa kanyang diktadura matapos ang pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino. 

Sa pagtatapos ng halalan, lumabas ang inaasahan: nagwagi si Marcos. Ngunit habang nagpapatuloy ang pagbilang ng mga boto, nag-walk out palabas ng PICC Plenary Hall ang 35 technician ng Comelec National Tabulation Project. Nangyari ito matapos kalikutin ng mga umano’y opisyal ng rehimen ang bilangan ng boto pabor kay Marcos. 

Ayon sa mga nag-walk out, sila ay umalis para isalba ang kanilang propesyonal na integridad. Hindi nila nasikmurang gamitin ang kanilang sarili sa anumang paraan na lumalabag sa kanilang pangunahing propesyonal na moralidad at etika. 

Nakakahilakbot balikan ang naging dayaan noong 1986 snap elections. Patunay ito na kayang-kayang impluwensiyahan at babuyin ng mga nakaupo sa kapangyarihan ang proseso ng halalan para lamang matupad kanilang pansariling-interes. 

Hindi na dapat ito maulit, ngunit sa kasalukuyang porma ng elektoral na sistema at ang malawakang impluwensiya ng ilang mga pulitiko rito, nagbabadyang maulit muli ang ganitong eksena. 

Ang 1986 COMELEC Walkout ay sumasagi sa electoral automation ngayon. Nakakatakot isipin na ang henerasyong ito ng mga taga-COMELEC ay nauubusan na ng idealismo’t integridad  na kagaya ng 35 technician noong 1986 na, sa kabalintunaan, hinulma ng diktadura para pahalagahan ang propesyonalismo. Hinihikayat lamang ng huwad na demokrasya sa panahon ngayon na maging palpak ang mga tao.

Sa kasalukuyan, kinasusuklaman ng sambayanan ang pagbabalik ng mga taong may kakayahang ipaulit ang nangyaring dayaan sa nakaraan gamit ang kanilang impluwensya at kapangyarihan. Tila ba kada halalan na nangyayari ay makikita natin ang pagtakbo ng mga magnanakaw, sinungaling, ganid, at walang mga prinsipyong indibidwal sa iba’t ibang posisyon. 

Ang institusyong inatasan na pangasiwaan at isagawa ang proseso ng paghalal sa ating mga lokal at pambansang opisyal ay nasadlak sa napakaraming mga kontrobersiya mula pa noong unang panahon. Isa ito sa mga kinahinatnan ng eleksyon dahil lantarang minamanipula ang kasagraduhan ng ating mga boto. At ang puno’t dulo ng mga ito ay ang nababalahurang mandato ng COMELEC. 

Matatawag natin ang mga pahayag laban sa COMELEC ni Commissioner Rowena Guanzon na nakakadiri, imoral at hindi etikal. Ngunit iyon ang realidad na lumalabas sa ating harapan. Ang sobrang pamilyar na kalayaan ng konstitusyonal na katawan na ito ay isang komedya. Tahasan na idineklara ni Guanzon ang panghihimasok at impluwensya ng ilang makapangyarihang kamay, isang senador gaya ng idineklara ng retiradong komisyoner, at sinisira umano nito ang mandato ng ahensya.

Ang paghihimutok na ito ay bumulwak habang dinidiig sa COMELEC ni Guanzon and disqualification case ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa hindi pagbabayad ng mga buwis sa kita noong 1980s. Hindi bababa sa pitong disqualification cases na inihain laban kay Bongbong Marcos ang ibinasura na dahil sa kakulangan sa ebidensya at sa hindi pagpapatunay na ang respondent ay isang nuisance candidate.

Nais ni Guanzon na ipaliwanag ni Aimee Ferolino, isa ring komisyoner sa COMELEC, ang matagal na pagpapalabas ng ruling sa disqualification case laban kay Marcos Jr. Naniniwala si Guanzon na sadyang inaantala ni Ferolino, ang ponente o manunulat ng ruling, ang paglabas ng resolusyon hanggang sa bumaba si Guanzon sa puwesto noong Pebrero 2, upang mawalan ng bisa ang kanyang boto para i-disqualify ang anak ng diktador.

Ang tahasang pag-iwas ng COMELEC sa kasong ito ay isang kahihiyan at nagbabahid ng dungis hindi lamang sa mismong ahensya ng COMELEC pati na rin sa sambayanang Pilipino. 

Ang anti-fraud movement ang magsisilbing tagabantay sa mga pandaraya at anomalya sa nararapat ay sagradong halalan.

Kung sa mas pagpapartikular, ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ay isa sa unang grupong nagsilbing kontra-daya sa eleksyon sa mundo na itinatag noong 1983. Sa katunayan, nagsimula ito ng pandaigdigang kilusan ng pagmamasid ng demokratikong halalan. Nagsilbi itong modelo ng ibang mga demokratikong bansa para masiguro ang integridad ng kanilang eleksyon. 

Binabago ng NAMFREL ang paraan ng kanilang pagbabantay upang mas maging maayos at angkop sa panahon ang pagbibilang ng mga boto. Kabilang na rito ang pagbabago ng teknolohiya. Naglalabas ang NAMFREL ng mga resulta sa kanilang website. Ginagamit din ng NAMFREL ang mga impormasyon na hinihingi ng mga mananaliksik para sa mga data analytics. Tinitingnan nito ngayon ang mga resulta ng halalan upang makabuo ng mga bagong insight sa pagsasagawa ng mga halalan sa Pilipinas.

Maliban sa NAMFREL, may iba ring alternatibong mga organisasyon o mga grupo ang nagbabantay at naglalantad ng katotohanan sa makabagong panahon. Isa na rito ang MovePH ng Rappler na kung saan sila nakapagbibigay at nag-uugnay sa mga online at onground na komunidad upang paingayin ang mga mahahalagang isyu sa pamamagitan ng mga digital na kampanya, nagbibigay pananaw na kwento, at matalinong pag-iisip. Mas makatutulong ito sa mga taong laging nakatutok sa social media at nangangailangang mabatid ang katotohanan sa pamamagitan ng isang pindot.

Dagdag dito, ang mga sektor, organisasyong masang masikhay na lumulubog sa masa upang mas igaod ang pangangampanya at eleksyong malaya mula sa pandaraya; sa pagpapakilala ng mga makabayang kandidato’t mga alternatibong maisasagawa lamang ng mga mamamayang Pilipino — sa kolektibo nitong pagtugon sa kasalukuyang mga isyu ng bayan.

Samakatuwid, ang pagkakaroon ng mga tagabantay sa pinakamahalagang desisyong gagawin natin bilang mamamayang Pilipino ay napakalaking bagay, ang pagkilos ng mamamayang Pilipino upang sugpuin ang pandaraya ay may malaking gampanin sa patuloy na pagsusulong ng tunay na pagbabago. 

Hindi lamang nito maiiwasan ang dayaan ngunit maiiwasan din nito ang pagkakaroon ng dungis at basura sa kinabukasan ng bansa. 

Kaya naman, imperatibong igaod ang pagkakaroon ng malalim at malinaw na pagsasaliksik sa mga naghahari-harian sa itaas, kaakibat ng pagpuksa sa kanilang mapang-abusong pwersang pilit na naglulugmok lalo sa mamamayang Pilipino. Lahat ng ito ay kailangan dumulo sa pakikiisa sa arawang pagkilos ng masa, at kolektibong pagsusulong sa interes at panawagan ng bawat sektor. 

Featured image by Al Jazeera

This image has an empty alt attribute; its file name is cropped-02-sinag-logo_variation-a_black.png



LabCo sa Senado para sa #MakabayangPagbabago

Ako’y Isang Pinoy

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *