Oplan Ba(c)klas(h)


Nagdaos ang mga kandidato sa pagkapangulo at pagka-bise presidente ng kanilang mga proclamation rallybilang panimulang bungad sa opisyal na panahon ng pangangampanya para sa Halalan 2022 noong Pebrero 8. 

Dahil sa banta ng COVID-19, ang pangangampanya ay may mga kaakibat na partikular na mga panuntunan at restriksiyon kaiba sa mga nakaraang halalan. 

Isang sistema ng klasipikasyon na nakasalalay sa antas ng kategorya mula sa munisipyo hanggang sa pambansang antas ang basehan ng mga panuntunan. Ang sistemang ito ay pinangangasiwaan ng campaign committee ng Commission on Elections (COMELEC) na naatasang tukuyin kung saang antas nabibilang ang isang partikular na lugar.

Ito ang magdidikta sa ipapataw na paghihigpit sa pangangampanya, kalakip ang mga salik tulad ng sukat o laki ng mga motorcade, pagpupulong, at mga rally.

Batay sa COMELEC, ang mga common poster area ay matatagpuan sa mga pampublikong lugar tulad ng mga plaza, palengke, barangay centers, at iba pang lugar na may mabigat na pedestrian o vehicular traffic sa lungsod o bayan. Ito ay dapat aprubado ng Election Officers (EOs). 

Gayundin, ang mga posterat tarpaulinay maaaring ipaskil sa mga pribadong lugar, sa kondisyon na ang pagpapaskil ay may pahintulot ng may-ari.

Ipinagbabawal na anyo ng campaign materials ang mga nakapaskil sa mga pribadong pag-aari na walang pahintulot ng may-ari, o ang mga lumalampas sa mga limitasyon sa sukat ng mga ito.

Itinuturing itong isang paglabag sa halalan na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakulong, pagtanggal ng karapatang bumoto, at diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong tungkulin.

Ang Oplan Baklas ay tumutukoy sa pagtatanggal ng mga tauhan ng COMELEC ng mga ‘ilegal’ na campaign materials sa mga pangunahing lansangan at mga gusali.  Umani ito ng kritisismo at pagkundena mula sa iba’t ibang partidong pampulitika, kandidato, at mga mamamayan. 

Maraming nabahala dahil hindi makatarungan at itinuturing na di-konstitusyonal ang desisyon ng COMELEC na punitin at kumpiskahin ang mga campaign tarpaulin at poster na naka-display sa loob ng mga pribadong ari-arian at pasilidad. Ito ay sa kabila ng malayang pahintulot ng mga may-aring magpaskil dito, lalo na sa mga headquarters mismo ng mga taga-suporta ng mga partido at kandidato.

Sa bayan ng Echague sa Isabela, isa sa mga tumatak sa mga netizensang nagkalat na litrato at bidyo ng mga militar na tinatakpan ang isang mural paintingng mga Leni-Kiko youth volunteersng Isabela for Leni-Kiko. Ang pader ay pagmamay-ari ng isang pribadong indibidwal.

Nitong nakaraan lang din ay binalita ng Kabataan Party-list ang pagbaklas ng campaign materials ng partido, at nila senatoriables Neri Colmenares at Elmer “Ka Bong” Labog sa kanilang headquarters sa lungsod ng Baguio. Saad ng partido, sumusunod sa itinakdang sukat ng komisyon ang laki ng kanilang campaign materials at ito ay nakapaskil sa isang pribadong pagmamay-ari.

Kinundena ito ng KPL at pinaalalahanan ang komisyon sa kanilang mandatong tiyakin ang pagkakaroon ng patas at makatarungang eleksyon; at kung gayon,  huwag gumampan bilang mga siga na katiting ang pag-unawa sa kanilang mga polisiya. 

Dagdag dito, pinag-iisipan ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo at ng kanyang running mate na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, na magsampa ng kaso laban sa COMELEC dahil sa“unconstitutional” nitong pagtanggal sa mga campaign materials na inilagay ng kanilang mga taga-suporta, kahit na natatagpuan ito sa pribadong ari-arian. 

Ito rin ang inereng sentimyento ni Colmenares at binansagang tulad ng Oplan Tokhang ang Oplan Baklas ng COMELEC – panukalang nagpapahamak sa batayang karapatan ng mga mamamayan.

BASAHIN: https://bit.ly/354WBLA 

Isang live stream ng Oplan Baklas sa Isabela ay nagpakita na ang Marcos-Duterte tarpaulins na napakalaki at nakapaskil liban sa common poster areasay inalis din.

Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez sa isang press briefing, inererekomenda niya sa mga kritiko na magsampa ng reklamo, partikular na sa gitna ng kolektibong pag-alma ng mga mamamayan. 

Ito ay isang tugon sa mga kritiko na kumukuwestiyon sa ginawa ng poll body na tanggalin ang mga ilegal na inilagay na campaign materials, partikular sa mga pribadong ari-arian.

Sa isang Facebook post, idiniin ng aspiring senator at human rights lawyerna si Chel Diokno na walang permisyong makapasok ang COMELEC at PNP sa mga tahanan, opisina at iba pang pribadong ari-arian nang walang warrant mula sa hukom. 

Aniya, ang mga opisyal na puwersahang pumasok sa pribadong pag-aari ay maaaring isailalim sa mga kasong sibil para sa mga pinsala sa ilalim ng Civil Code, at mga kasong administratibo sa ilalim ng Republic Act No. 6713. 

Ang Oplan Baklas ay sumasalamin sa kawalan, o pagkabigo ng COMELEC na maghatid ng paunawa o magbigay ng patas na babala sa pangkalahatang publiko.

Isa rin sa kakulangan ng COMELEC na malinaw na mailathala sa publiko ay ang desisyon nila patungkol sa consolidated disqualification cases laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa kawalan ng merito o tax evasion case nito. Lumilitaw ngayon na naglalaan ng mahabang oras ang COMELEC sa pagresolba sa mga petisyon matapos binasura ng COMELEC ang mga kaso sa division level. 

Marami ang nagsasabi na ito ay isang matagal na prosesong mapupunta lamang sa wala, dahil sa kadahilanang kung ang katukayo ng diktador ay maaaring magpaliban sa pagbabayad ng buwis, marahil ay ang pagbabayad ng buwis ay hindi rin sapilitan para sa mga mamamayan.

Marami ang naninindigan na ang Oplan Baklas ay isang simbolo ng panghihimasok sa pansariling interes, kabilang na ang kalayaan sa pagpapahayag. Patunay ito ng naghihingalong integridad ng komisyon at ang lantaran nitong pagkiling sa interes ng mga nagtatakbuhang kawatan at mamamatay-tao. 

Halimbawa ang Oplan Baklas, at ilan pang di-makatwirang pagpapanukala ng COMELEC ng pagsasawalang-bahala nito sa mandato nitong gawing patas at malaya sa pandaraya ang eleksyon. 

Pagpapatunay ito na sila mismo ay kasabwat ng mga lalong naglulugmok at dumudungis sa demokrasyang pinaniniwalaan ng taumbayan – siyang huwad na demokrasyang umiinog lamang sa interes at kapakanan ng iilan.

Featured image courtesy of Yahoo News.

UP Soli broadens unities for strengthened radical campus press movement

Community worker Dr. Castro ‘unconstitutionally’ detained in Agusan del Sur

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *