“It’s all over; Marcos flees!”
Ito ang agaw-atensyong mababasa sa lathala ng Philippine Daily Inquirer noong umaga ng Pebrero 26, 1986. Lumipad na pa-Hawaii ang pinatalsik na pasistang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., kasama ang kanyang pamilya’t ilang kroni noong gabi ng Pebrero 25, 1986.
Bago mangyari iyon, milyon-milyong Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang dumagsa sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA). Sa loob ng apat na araw, kapit-bisig na nagmartsa ang mamamayan upang ipanawagan ang iisang adhika: tuldukan ang mapanupil na rehimeng Marcos.
Nakilala ang pangyayaring ito bilang EDSA People Power Revolution.
Tanda ito ng kolektibong pagkilos ng sambayanan na siyang nagpatumba sa mga makapangyarihan. Saksi ito sa pagsulong ng pagbabagong-panlipunan. Ito ang diwa ng EDSA.
Subalit 36 na taon matapos ang makasaysayang kilos-protesta, muling nagbabalik ang minsan nang pinatalsik ng taumbayan sa persona naman ng tax evader, katukayo at anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dominante si Bongbong ngayon sa mga presidential surveys dahil sa popular na suporta na nakukuha nito sa mamamayan na tila may kolektibong amnesia at pagkaumay sa diwa ng EDSA.
Nababalahurang Nakaraan
Maraming Pilipino ngayon, lalo na sa social media, ang naniniwala na hudyat ang EDSA ng pagkalugmok ng bansa sa kahirapan. Tinapos anila ng EDSA ang ginintuang panahon o Golden Age ng Pilipinas sa pamumuno ni Apo Lakay.
Mahalagang linawin na ang panahon ng rehimeng Marcos ay hindi Golden Age ng Pilipinas, kundi Golden Age para lamang sa mga Marcos.
BASAHIN: https://tinyurl.com/2p8zc2tm
Taong 1972, ipinatupad ni Marcos ang Martial Law para manatili siya sa kapangyarihan. Ginamit niya ang tabing ng pagkalat ng komunismo sa bansa upang ideklara ang mapanlupig na Batas Militar at mamayani bilang diktador.
Totoo ang ipinapakalat sa Facebook at Tiktok — may disiplina ang mga sibilyan noong Batas Militar. Subalit, dala ito ng takot mula sa mga walang disiplinang pulis at militar na walang habas na pumaslang, tumortyur, nanggahasa, at dumakip ng mga Pilipinong naglakas-loob na tumindig kontra sa diktadura.
Tinatayang 70,000 ang inaresto; 35,000 ang tinortyur; at mahigit 2,000 ang pinatay sa ilalim ng mapanlinlang na Golden Age ng mga Marcos.
Hindi rin masasabing ginintuang panahon ang rehimeng Marcos dahil sumadsad ang ekonomiya ng bansa sa mga nalalabing taon nito, taliwas sa kasinungalingang maunlad umano ang buhay ng lahat dahil kay Apo Lakay.
Lumobo ang utang ng bansa para pondohan ang mga impraestrukturang ginamit para sa propaganda at kaartehan ni Imelda. Lumaganap din ang korupsiyon sa pamahalaan bunsod ng pakikipagsabwatan ni Marcos sa mga kaibigan niyang negosyante (cronyism) at pagbulsa ng pamilya ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.
Nagaganap ang lahat ng ito habang nagpapakasasa ang pamilyang Marcos sa maluhong buhay mula sa nakaw na yaman, at hindi sa Tallano gold. Kasabay nito, lalong isinadlak sa kahirapan ang masang Pilipino dahil sa kawalan ng trabaho at sariling lupang masasaka. Idagdag pa rito ang panggagatas ng mga banyagang kompanya’t panginoong maylupa sa ating bansa.
Lalo pang tumindi ang krisis sa bansa bunsod ng pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino noong 1983 at ang lantarang pandaraya ni Marcos sa sambayanang Pilipino noong 1986 snap elections. Dito na napuno ang salop ng taumbayan.
Ang katotohanan, naganap ang EDSA dahil ayaw na ng mga Pilipino sa patong-patong na krisis na idinulot ng pagiging ganid sa kapangyarihan ni Marcos Sr., at sa bulok na sistemang ipinalaganap niya.
Malinaw na sa pagtakbo ni Marcos Jr. sa pagkapangulo, taliwas sa kaniyang platapormang hungkag na pagkakaisa, pawang hangarin niyang maibalik ang uri ng pamamahalang ipinaglihi sa kanyang pasistang ama, linisin ang marumi nilang nakaraan, at linlangin ang taumbayan upang sama-samang tayong ‘isahan’ muli.
Baluktot na Kasalukuyan
Hindi maikakailang malapit nang maabot ni Bongbong ang rurok ng tagumpay: ang muling maupo ang mga Marcos sa Malacañang.
Malaki ang ginampanang papel ng sistematikong paghahasik ng mga Marcos ng baluktot na bersyon ng kasaysayan online upang maging popular sila sa masa ngayon.
Kasama ang mga bayarang influencers at pages, sandamakmak na trolls, mga walang prinsipyong artista, at basurang content creator wannabes, pinapaganda nila sa taumbayan ang bulok na imahe ng kawatang pamilya. Gayundin, dinudungisan nila ang mga tao’t kaganapang nagpabagsak sa mga Marcos, gaya ng EDSA.
Masasabing lumakas din ang kapangyarihan ng mga Marcos dahil kay Pangulong Duterte. Siya ang nagpalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani, na nagpabango sa mabahong imahe ng diktador. Bukod pa sa pakikipagtambalan nito kay Sara Duterte, ang kultura ng pagkakalat ng fake news sa panahon ni Duterte ay nakatutulong din sa kampanya ni Bongbong na nakabatay sa kasinungalingan.
Nasa hipnotismo ngayon ng mga Marcos ang mayorya ng mamamayan kung pagbabatayan ang mga sarbey at social media.
Gayunman, hindi naman natin masisisi ang taumbayan. Mahalagang kilalanin na sawa na ang ilang tao sa diwa ng EDSA. Nariyan pa rin kahirapan, katiwalian, kawalang reporma sa lupa, at inhustisya na minsang ipinangakong sosolusyonan matapos ang EDSA.
Paano nga naman, nakiangkas ang mga elitista, balimbing, at mga trapo sa EDSA. Tila hindi naman tunay na rebolusyon ng masa ang naganap noon, subalit ito ay restorasyon lamang ng sistemang nakatuon sa interes ng mga imperyalista, burukrata kapitalista, at panginoong maylupa.
Nagbago lang ang mga pamilyang namuno sa bansa, pero ang sistema ganoon pa rin. Sabi nga ng historyador na si Alfred Mccoy, ang namumuno sa Pilipinas ay tunggalian lamang ng iilang pamilyang elit.
Pagtuwid sa Hinaharap
Kaya naman, mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa atin sa paparating na eleksyon at susunod pang panahon. Tangan-tangan ang diwa ng EDSA, sama-sama tayong kumilos upang palayain ang mga kababayan nating biktima ng hipnotismo ng mga Marcos.
Oras na para mas lalong paigtingin ang laban kontra sa pagbaluktot ng kasaysayan, at sikhayan ang pakikisangkot at pakikilahok sa pagsalba ng naghihingalong demokrasya at lumalalang kalagayan ng masa.
Sabi nga, lumabas sa nakasanayan at gisingin ang natutulog pang lakas.
Walang mali sa sinabi ni Bongbong Marcos; kailangan ng bansang ito ang pagkakaisa. Sa pagboto man o paglaban, kailangan nating lawakan ang puwersa ng nagkakaisang mamamayan laban sa alyansang Marcos-Arroyo-Duterte-Estrada.
Mabigo man tayo sa halalan, tandaan na hindi ngayon ang huling EDSA. Kahit saan at kahit kailan, kayang-kaya nating pigilan ang panunumbalik ng mga Marcos sa rurok ng kapangyarihan, basta’t kolektibo tayong kikilos at matuto sa mga pagkakamali ng nakaraan.
Ang katotohanan, mayroon pa tayong huling alas — ang EDSA IV.
#EDSA36
#HindiItoAngHulingEDSA
#DefeatMarcosDuterte
#NeverAgain
#NeverForget
Featured image courtesy of Tatler.