Pagbayarin ang silang umutang ng dugo’t buhay


Walang utang na kailanman ay hindi sisingilin. 

Ngunit, wala ring kahit anong sakripisyo ang kailanma’y lilimutin. Tulad na lamang ng walang kapagura’t mapagpasyang pag-aalay ng buong buhay ng mga martir para sa hakbang-hakbang na landas patungong kasarinlan.

Naging mag-aaral, ginawaran at kinilala sa taglay na katalinuhan, pinili nina Chad Booc, Kevin Castro, at Gelajurain Ngujo II ang landas ng aktibismo. Pinili nilang magturo sa mga komunidad kung saan walang akses sa de-kalidad na edukasyon. 

Si Chad ay isang boluntir na guro sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) Lumad school. Buong-puso’t lakas niyang niyakap ang tahaking ito at nakisangkot sa pakikibaka ng mga Lumad para sa kanilang karapatan. 

Matatandaang isa si Chad sa 26 na mga indibidwal na ilegal na inaresto noong Pebrero 16, 2021 sa isang pekeng “rescue operation” sa Bakwit School sa University of San Carlos, Cebu. Pilit din siyang pinararatangan ng estado bilang human trafficker at kidnapping, kaugnay ng kaniyang trabaho bilang guro ng mga Lumad. 

Kasama ni Chad, si Jurain ay isang boluntir na guro sa Community Technical College ng Southern Mindanao. Dagdag sa kaniyang pagbibigay-kaalaman, si Jurain ay namamahagi rin ng musika sa mga komunidad na kaniyang tinuturuan. 

Pinairal naman ni Kevin, tulad nina Chad at Jurain, ang isang makamasang porma ng edukasyong kaniyang ipinamahagi sa mga malalayong komunidad sa Quezon. Isang masikhay na lider-estudyante, nagtapos siya bilang magna cum laude at nagsilbi sa konseho ng UPD Kolehiyo ng Edukasyon. Kalaunan siya ang naging tagapagsalita ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Kumilos sina Chad, Jurain, at Kevin upang ipagtagumpay ang laban para sa edukasyon. Puspusan kung paglingkuran at magpamahagi ng mga aral na hindi lang pampaunlad sa intelektwal na aspekto, kung hindi sa edukasyong yumayakap sa kahingian ng kanilang komunidad.

Nagpasya sila na payabungin ang kamalayan ng kabataan, at paigtingin ang porma ng edukasyong hinulma mula sa kanilang danas. Tinanganan nila ang mapanghamong paninilbihan sa sambayanan, pakikipamuhay dito, sa halip na pakinabangan ang kakayahan para sa sariling pag-unlad. 

Pinili nina Chad, Jurain, at Kevin na tumugon sa pangangailangan ng panahon, at panawagan para sa isang mapagpalayang edukasyong makapagbabago ng lipunan. 

Ngunit nitong Pebrero 21 at 24, dumanak ang kanilang dugo sa lupa, nadagdagan ang utang na buhay ng pasistang rehimen sa taumbayan. Tatlo sila sa libo-libong biniktima at pinaslang ng reaksyunaryong estado. Tatlo sila sa iilan pang binalahura ng estadong hayok sa pagpapatahimik at pagpatay sa kumakalaban dito.

Hindi ito bago sa reaksyunaryong estado. Sa bilyones na pondong inilalaan ng estado sa militar nito, patunay ito ng madugong paghahasik ng takot sa mga nagtatangka’t patuloy na lumalaban.

Nitong Hunyo 2021, tatlong Lumad-Manobo ang pinaslang sa Lianga, Surigao Del Sur habang sila ay nag-aani ng abaca. Noong 2015 naman ay naganap ang Lianga Massacre na nagresulta sa kamatayan ng dalawang lider na Lumad at dating executive director ng ALCADEV.  

Samantala, napabalita ngayong taon ang ilang “aerial bombings” tulad ng sa Miag-ao, at “indiscriminate firing” tulad ng sa Northern Samar na kumitil ng dalawang menor-de-edad. Liban pa rito ang maka-ilang beses nang ilegal na pag-aaresto sa mga human rights defenders at mga aktibista, tulad na lamang ng nakaraang pag-aresto kina Doc Naty Castro at Harlyn Balora.

Nire-raid ang mga komunidad, ang mga paaralang Lumad, at walang habas na pinasasabugan ang mga ito, bitbit-bitbit ang kasinungalingang kuta ito ng mga rebelde. 

Taliwas dito, taglay ng kanilang porma ng edukasyon ang pagpapaunlad sa kanilang kamalayan at kritikal na pagtanaw sa kanilang sitwasyon. Kalakip nito ang pagtuturo ng siyentipikong pagpalalago ng kanilang pananim, ang pangangalaga sa kanilang kalusugan bilang malayo sila sa abot ng batayang mga serbisyo, at ang paglaban para sa kanilang lupain.  

Tulad ng sambit ni Jurain, “ang tanging sandata na tinuturo namin sa mga estudyante ay ang kanilang mga karapatan at kung paano ito ipaglaban.” 

Tinutulak sila nitong yakapin ang pagdepensa sa kanilang identidad at lupang ninunong layong gatasan, pagkakitaan, at panghimasukan ng mga lokal at dayuhang korporasyon.

Ngunit, sa kahayukang mapaburan ng mga dayuhang kaalyado, patuloy na inaatake ng  estado ang mga komunidad sa kanayunan, tulad ng mga paaralaang Lumad. Matapos dahasin, bombahin, paslangin, pinararatangan silang mga armadong rebelde.

Bagaman tunay na makatarungan ang tumangan ng armas buhat ng matagal nang umiiral na kabulukan ng sistema, isang masahol na kasinungalingan ang ipinakakalat ng militar. 

Ang kanilang mga labi ay tinataniman ng mga armas at pampasabog, at ihaharap sa midya bilang mga nasawi sa gawa-gawang engkwentro. Sa katunayan, ilang beses nang nabigyang pruweba na ang mga “engkwentrong” pinanghahawakan ng reaksyonaryang estado ay pawang pandarahas at pang-aatake nila sa mga di-armado’t inosenteng mga indibidwal. 

Ngunit, ganoon ang naratibong ginamit kina Chad, Jurain, Kevin, at iba pang buhay na pinaslang, na buong-pusong lumahok sa kilusan.

Ganito ang malagim at masukal na mekanismo ng pasistang estado at mga pangil nito sa pagmamasaker ng komunidad na pawang layon ay protektahan ang lupang ninunong nagsisilbi nilang tahana’t kanlungan. Kabalikatan nito ang mga dayuhang malaki ang ambag sa pagpopondo sa mga armas na kumikitil sa buhay ng nakararami. 

Siyang pagpapatotoo na ang pinaglilingkuran ng estado ay interes ng iilan, ng mga imperyalistang siya ring umaalipin sa tutang estadong uhaw sa pagkamal ng yaman at huwad na kapangyarihan — kapangyarihang hango sa dahas at pananakot. 

Kaya, tulad nga ng sinabi ni Chad, ang bawat buhay ng Lumad na pinatay ay hindi inililibing; ito ay itinatanim. 

Hindi utang, kung maituturing, kung hindi mga binhing lumalago, tumutubo, at nagpahihinog ang mga buhay nina Chad, Jurain, at Kevin ng kondisyong buong-lakas na tuligsain, at kolektibong labanan ang mapanupil at mamamatay-taong estado. 

Tama lang na sisihin ang AFP sa kanilang kamatayan. 

Sapagkat, walang utang na hindi sisingilin, ibayong pagtitibayin ng kilusang masa na pagbayarin ang pasistang estado at mga kakontsaba nito sa bawat buhay na inutang at binawi nito. Ibayong palalakasin ng rebolusyonaryong pwersa ng taumbayan na puksain ang mga ganid, sakim, at mamamatay-tao tulad ni Duterte at kaniyang mga alipores. 

Sapagkat, walang sakripisyong kailanma’y lilimutin, magsisilbing pundasyon at aral ang buhay nina Chad, Jurain, at Kevin sa pagpapatibay at pagpapalakas ng hakbang-hakbang na pagkilos upang pabagsakin ang nananaig na sistemang nasa kamay lamang ng iilan.

Featured image courtesy of Philippine Star

How I met the Lumad: The story of how a terror law petitioner got arrested for teaching Lumad evacuees

Unknown gunman shoots Anti-Kaliwa Dam Mayor in Quezon Province

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *