Bakunahang Walang Maiiwan


“Ngayon kapag wala kang vaccine huhulihin ka. Putang ina kakasuhan ko ‘yung mga pulis na ‘yan kapag hinuli ako, wala akong vaccine. Alam mo ang ikaso ko sa kanila? Harassment. Ano, wala na tayong human rights? Dapat lahat ng Pilipino magkaisa may vaccine man o wala, kasi ginagago na tayo ng gobyernong (Duterte na) ‘yan eh”

Isa lamang ito sa mga mabibigat na salitang ipinahiwatig ni Gemma Parina sa isang viral video laban sa “no vax, no labas” at “no vax, no ride” policy.

Sa kabila ng dalawang taong pagdurusa sa ilalim ng COVID-19, isa si Parina sa libo-libong mga Pilipinong takot pa ring magpabakuna. Ito ang katotohanang hindi nakaatang sa bakuna lang ang sagot sa pandemya kundi sa komprehensibong programang kalusugan at panlipunan.

Noong Setyembre 2021, inanunsyo ng Department of Health ang kanilang panibagong target na mabakunahan ang 90% ng populasyon sa gitna ng 2022 upang masiguro ang herd immunity.

Ayon sa pinakahuling datos, umabot na sa 62 milyon, o lampas kalahati pa lang matapos ang isang taon, ang mga nabakunahan at nagsimula na rin ang pagbibigay ng booster bagaman mabagal pa rin. Gayunman, naitala ng Social Weather Stations (SWS) na 18% ng populasyon ay tumangging magpabakuna, at 19% naman ang nag-aalangan pa at naghihintay ng dalawang taon upang maobserbahan nang maigi ang bakuna.

Lagi na lamang sinisisi ang mga ayaw o takot magpabakuna. Pawang matitigas daw ng kanilang ulo at pinipiling magbingi-bingihan. Kumpara sa pagsasawalang bahala nito sa pinanggagalingan ng mga mamamayan, ang mga alanganin sa pagbabakuna ay biktima lamang ng peke o kakulangan ng impormasyon, kakulangan ng vaccine education at sistemang kalusugang pampunliko, at kapabayaan ng gobyerno.

Ayon kay Parina, ayaw niyang magpabakuna sapagkat mayroon siyang iniindang sakit sa puso at diabetes, mga comorbidities. Dahil dito, malaki daw ang posibilidad na mamatay siya bilang epekto ng bakuna. Sa katunayan, ilan lamang ito sa mga pinangangambahan ng nakararami, kasama na rin ang kanilang opinyon kung gaano kabilis ang pag-imbento ng mga naturang bakuna kontra COVID-19.

Ang kanilang pag-aalinlaangan ay ginatungan pa ng  kabi-kabilang balita ng mga kaso ng namatay pagkatapos mabakunahan, tulad ng kaso sa Cebu kung saan 17 na taong kompletong nabakunahan ang namatay nito lamang Enero.

Sa kabila ng mga umuusbong balita, dinepensahan naman ng DOH na hindi konektado ang kanilang pagkamatay sa bakuna, kung hindi ay resulta ng pneumonia o dengue kasabay ng pagiging positibo sa COVID-19. Nilinaw naman ng World Health Organization (WHO) na ang bakuna ay nagbibigay lang ng proteksyon kontra sa malubhang kaso ng virus.

Mas masahol pa sa pandemya

Noong unang inanunsyo ang lockdowns, ang pagkawala ng pisikal na interaksyon ang nag-udyok sa mga Pilipinong tumutok sa kani-kanilang mga gadgets kung saan sila kumukuha ng panibagong impormasyon at balita. Dahil dito, ang kredibilidad ng media ay bumaba sapagkat nagsulputan ang mga pekeng balita at mga clickbait na posts. Bilang resulta, umigting ang  takot ng mga Pilipinong magpabakuna dahil sa mga naglipanang conspiracy theories na wala namang basehan. 

Tulad na lamang noong Setyembre 20, 2021, nag-organisa ng rally ang grupo ng mga anti-vaxxers na Gising Maharlika na walang suot na face masks o face shields sa Liwasang Bonifacio, Maynila upang pigilan ang implementasyon ng mandatory na pagpapabakuna. Ang grupo ay nagprotesta rin nitong Enero 11, 2022. Ayon sa grupo, mariin nitong kinokondena ang mga polisiyang ipinapanukala ng gobyerno sa mga indibidwal na hindi pa bakunado. 

Sa kabila nito, ang media ang nananatiling isa sa pinakamahalagang platapormang pangsanggunian ng balita ng taumbayan. Ngunit dahil sa mga naglipanang trolls sa social media at iba pang websites, mas nagiging mahirap ang pagsasagawa ng mga hakbangin tungo sa herd immunity. Naaapakan ang kredibilidad ng mga totoong media outlets at mas pinipili ng mga tao kung ano ang patok at trending sa kanilang mga feed. Ayon sa  WHO, “infodemic” ang problemang ito.

Dapat tiyaking naipaliliwanag mismo ng mga ahensya, lalo na ng DOH, sa mga mamamayan kung ano ba ang kahalagahan at mapabulaanan ang mga mitong pumapaikot sa pagpapabakuna. Imperatibong mabigyang-seguridad at kapanatagan ng loob ng gobyerno ang mga nasasakupan nito kaysa palagiang ibagsak sa kanila ang sisi.

Hindi naman sarado ang pag-iisip ng mga tao, hindi rin sila banta sa takot nilang makapagpabakuna. Sadyang ipinipinta lang at pinalalawig pa lalo ng mga elitistang news outlet at hindi makataong administrasyong Duterte ang maling litrato sa mga utak ng mga mamamayan. Mas lalo lang nitong sinasagkaan ang pagkakaroon ng masang makaramdam ng kumpiyansa sa kaligtasan ng pagpapabakuna. 

Patunay ito na mas nakamamatay at mas matindi ang pinsalang dulot ng infodemic kaysa sa mismong pandemya. 

May magagawa ba sila? Wala.

“Tumulong ba sila para magbayad kami sa Meralco ilaw? Kapag naputulan kami may magagawa ba sila? Wala,” pasigaw na dagdag ni Parina.

Isa pa sa mga dahilan ng mga Pilipino na umayaw sa pagpapabakuna ay ang takot na mawalan ng panghanapbuhay kahit sa ilang saglit. Hindi naman maitatanggi na ang ilang oras na pagpila sa mga vaccination sites ay katumbas ng mahigit-kumulang dalawang ulam na para sa kanilang pamilya. 

Sa katunayan, batay sa datos ng IBON Foundation, nasa P434 ang real minimum wage ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Duterte. Dagdag dito ang naiulat na 4.5% na pagtaas ng inflation rate taong 2021. Para sa mga mahihirap, aksaya lang sa oras ang pagpapabakuna, nakahahadlang sa kanilang paghahanapbuhay, kasama pa ang ilang araw na side effects nito.

May ilang lokal na awtoridad na gumawa ng hakbanging upang makumbinse ang nasasakupan nitong makapagpabakuna. Isang halimbawa ay ang ginawang memorandum ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City kung saan binibigyan nila ng P2000 ang lahat ng mga manggagawa at mga nagbebenta sa sidewalk kapalit ng pagpapabakuna. Dahil dito, mas naeengganyo silang sumunod sapagkat hindi na nila kailangang isipin ang oras at perang nasayang. 

Mas mainam na solusyon ang pagkakaroon ng pantay at tapat na distribusyon ng ayuda at dagdag-sahod sa lahat ng mga nangangailangan, lalo na ang mga mangagawa at magsasakang naapektuhan sa pandemya.

Hindi maikakailang napabayaan nang husto  ang sektor ng mga manganggawa kung saan karamihan sa kanila ay natanggal sa pagbawas ng mga tauhan sa mga kompanya, bumaba ang sweldo dahil sa pagbawas ng badyet, o hindi kaya’y nahihirapang magtrabaho dahil sa kawalan ng pangunahing serbisyo tulad ng limitadong transportasyon. Dagdag pahirap pa ang sunod-sunod na pagsirit ng presyo sa merkado, buhat ng nakaraang pagtataas muli ng presyo ng langis. Kaakibat nito ang pagtaas din ng presyo ng mga esensyal na pangangailangan at, lubusang nakapapatay sa purchasing powerng mga manggagawa. 

Kinakailangan, gayon, ang pagbigay ng pinansyal na suporta at pagprotekta sa mga karapatan nila bilang manggagawa–karapatan pangkalusugan, pangkaligtasan, at makatwirang kompensasyon ng kanilang serbisyo. 

Hindi kailangan ng dahas at kamay na bakal upang mapasunod ang mga mamamayan, lalo na sa panahon ngayong hindi sila sigurado sa mga nangyayari. Kung tutuusin, malinaw ang maling paggamit ng pondo at dahil dito, walang nakikinabang sa dapat sanang pangresponde sa pandemya. Mas malaking porsyento pa ng badyet ang nakatuon sa pagpondo ng mga militar at pagbili ng overpriced na supplies kaysa mga pangkalusugang tugon at karagdagang allowance para sa mga frontliners at healthcare workers. 

Sa trilyon-trilyong utang ng bansa mula sa simula ng pandemya, dapat lamang na mabigyan ng pansin ang mas nangangailangan at lahat ng sektor na bulnerable sa virus, tulad ng paghandog ng insentibo sa pagbabakuna. Sa simpleng pagtugon sa kanilang mga problema ay makakasiguro ang lahat na walang Pilipinong maiiwan sa pagharap ng unos ng COVID-19. 

Saan huhugot ng tiwala?

Sa kabila ng ayudang hindi maayos na ipinamamahagi at pinopondohan, ang Pharmally na hindi mahuli-huli, at mga bakunang natetengga at naaaksaya, saan pa huhugot ng tiwala at lakas ang mga Pilipino sa gobyernong puro kapalpakan at kapabayaan ang ginawa simula’t sapul? 

Hindi masisisi ang mga Pilipinong hindi sumusunod sa mga ordinansa at implementasyon ng mga polisiya sapagkat sila rin ang naagrabyado sa mga tiwaling kagagawan ng mga nasa posisyon. Kung mananatiling bingi ang lahat ng nasa gobyerno, walang kooperasyong makukuha mula sa taumbayan. Dahil pinagkakaitan sila ng mga panganuhing serbisyo at karapatan, mapipilitan silang gawing prayoridad ang kanilang pansariling interes, gawain, at paniniwala upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukumpleto ang pirma ng Senate Blue Ribbon Committee kontra sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na may P42 bilyon na anomalya noong 2020. Ipinangalanan ng tagapangulo at direktor ng Pharmally na sina Huang Tzu Yen at Linconn Ong si Michael Yang bilang financier na siya ring dating tagapayo sa ekonomiya ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila nito, mariing tinanggihan ni Yang ang paratang sapagkat ang pondong pinangkapital ay nanggaling diumano sa kanyang mga kaibigan. 

Iginiit naman ni Senador Richard Gordon na mayroon pang ibang senador na nagdadalawang-isip sa pagpirma sapagkat nanganganib na masama ang pangulo sa kaso. Dinepensahan naman ni Pangulong Duterte si Yang na isang “middleman” lang sa mga transaksyon ng gobyerno at mga malalaking kompanyang sa ibang bansang pinagkukunan ng mga pangunahing kagamitan. 

Naging usap-usapan din noong isang taon ang sinabi ng presidentiable at senador Manny Pacquiao na mayroon P10.2 bilyong ayudang nawawala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito naman ay sinuportahan ni Senador Panfilo Lacson, isa rin sa mga tumatakbong presidente, kung saan ibinahagi niya na hindi tugma ang mga datos na isiniwalat ng DSWD.

Kung walang pananagutan, hustisya, at katotohanang mailabas ang gobyerno sa sari-saring kontrobersiyang kanilang hinahanarap, kahit sa simpleng pagbabakuna ay wala na rin silang tiwalang makukuha sa mga Pilipino at mas lalo lamang nitong paiiralin ang matagal nang kultura ng impunidad. 

Ang pera at ayudang ninakaw  ng  mga naglalakihang negosyante, panginoong-maylupa, at politiko  ay tahasang nagkait sa mga Pilipino ng akses nito sa kaukulang serbisyo’t makataong tugon sa pandemikong krisis. 

Ang kumpiyansa ng mga Pilipino ay nakadepende sa ipinapakita ng gobyerno sa taumbayan. Repleksyon ng kanilang aktibong tugon ang mabisang pagpapatakbo ng bansa, ngunit sa kasamaang palad ay wala silang nadadamang positibong pagbabago. 

Sa pagpapahigpit ng cybersecurity at pagpapakalat ng totoong impormasyon, pagkiling sa interes ng mamamayang Pilipino, at pagtuligsa sa anti-mamamayang gobyerno, tiyak na mas maisusulong ang ‘di hamak na nakabubuhay na kondisyon para sa mga Pilipino. 

Kaligtasan ang dapat na manaig sa kanilang mga puso at hindi takot—takot para sa sarili, takot sa mga awtoridad, at takot sa kalagayan ng bansa.

Sa panahon ngayon na lahat ay walang kasiguraduhan, dapat lang na unahin ang pakikiramay at simpatiya sa lahat ng mga Pilipino. Biktima lamang sina Nanay Gema at iba pa ng maling akala at kriminal na kapabayaan ng gobyerno—na hindi makakatulong ang mga bakuna—at nasa kamay ng mga may mas nakakaalam kung ano ang dapat isagot at gawin. 

Mahirap man o may iniinda, karunungan at paglaban ang pinakamakapangyarihang bakuna laban sa pandemya at estado.

Featured image courtesy of Rappler

State’s trojan horse virus

Petitioners file for SC reconsideration on Terror Law

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *