Pag-intindi sa usapin ng armadong pakikibaka


Ngayong araw, ipinagdiriwang ng Bagong Hukbong Bayan (NPA) ang kanyang ika-53 anibersaryo nang itatag ito noong Marso 29, 1969. Minamarkahan sila ng estado bilang mga “terorista” habang sinasabi nilang sila ay mga rebolusyonaryo at ang administrasyong DUterte ang tunay na terorista. Ang usapin ng armadong pakikibaka ay nananatiling mahalagang tanong sa pag-intindi ng lipunan at politikang Pilipino, lalo na sa konteksto ng McCarthyite na pang–reredtag at masaker sa mga kritiko ng estado at lumalalang krisis sa ekonomya at politika.

Ang ating kolehiyo ay isa sa mga pinuruhang biktima ng pangreredtag ng estado at ng kultura ng impunidad na nagpapalaganap nito. Sa gitna ng pandemya, pitong mayor na insidente ng pangreredtag at pagbabanta ang naitala, kabilang na ang mga atake sa SINAG ng NTF-ELCAC. Ika nga ng rebolusyonaryong si Lenin, “walang ‘di-nakikipanig’ na agham panlipunan sa isang makauring lipunan.” Ang tumitinding pagkakahating panlipunan sa pagitan ng iilang mapang-api at napakaramung inaapi ay nagpapahiwatig sa pangangailangan ng pundamental na panlipunang pagbabago.

Maliban sa kagimbal-gimbal na karanasan ng mga estudyante sa mga sentrong lunsod, labis ding inatake ng estado ang masang anakpawis at pambansang minorya. Kinukompronta tayo ng panlipunang realidad na ito na pag-usapan ang usapin ng armadong pakikibaka — ang ugat nito, prinsipyo, plano, at hinaharap upang higit na maintindihan ito lampas sa ipinapakalat ng rehimeng Duterte para bigyang-matwid ang kanyang diktadura, pandarambong, at mapanirang terorismo ng estado. 

Tatalakayin natin ang usapin ng armadong pakikibaka at ang tinatawag na “demokratikong rebolusyong bayan” sa pagtatanong kay Ka Marco Valbueno, Punong Upisyal sa Impormasyon ng Communist Party of the Philippines.

  1. Paano ninyo tatasahin ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim ng rehimeng Duterte? Ano ang mga pinakamalalaking krimen ni Duterte sa sambayanan? 

Ang mayorya ng mga Pilipino, na mga manggagawa at magsasaka, pati na rin ang mga petiburges (lalo na ang panggitna at nakabababang saray), ay dumaranasa ng masahol na kondisyon ng pagkaalipin at pagsasamantala sa ilalim ng lahatang-panig na pagtutulak ng rehimeng Duterte sa mga neoliberal na patakaran at terorismo ng estado.

Ilan sa pinakamalalaking krimen ni Duterte ay ang kanyang pagiging tuta ng dayuhang kapangyarihan (kapwa imperyalismong US at Tsino), malaganap na korapsyon upang magkamal-yaman sa gitna ng pandemya at kahirapan, pag-uutos sa malawakang patayan na aabot sa libo-libong mamamayan sa tabing ng hungkag na gyera-kontra-droga, at malalagim na paglabag sa internasyunal na makataong batas upang ipatupad ang kanyang kontra-rebolusyonaryong digma ng panunupil (kabilang na ang pagbabagsak ng mga bomba sa ere, pamamaril mula sa himpapawid, at pag-atake sa komunidad ng mga sibilyan). 

Gagawin ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng makakaya nito upang singilin at pagbayarin si Duterte sa lahat ng kanyang mga krimen. 

  1. Bakit nananatiling posibleng paraan ng panlipunang pagbabago ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka? Ano ang pinakadakilang aral ng 53 taon ninyo na dapat tanganan ng lahat ng mga progresibo at rebolusyonaryo?

Ang lumalalim at lumalalang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay matining sa kabiguan nitong ibigay ang mga pangangailangan ng sambayanang Pilipino. Upang panatilihin ang sistemang ito, gumagamit ang mga imperyalista at naghaharing-uri ng papasahol na terorismo ng estado. Militarisado na ang buong bansa. Hindi na gumagana ang prinsipyo ng pangingibabaw ng gubyernong sibilyan sa militar. Pakunti nang pakunti ang demokrasya. Nasasadlak ang mamamayan sa mga lumalalang porma ng pang-aapi at pagsasamantala. Ang malinaw, wala nang makakaresolba sa bulok na sistema kundi ang paglulunsad ng isang armadong rebolusyon. 

Ang pinakadakilang aral ng aming  53 taong karanasan ay ang masa ang lumilikha ng kasaysayan at malalim na balon ng di-magagaping lakas ng rebolusyon. Na sumusulong ang rebolusyon ay patunay na determinado ang masa na ilunsad ang mga armadong pagbabalikwas para sa pambansa at panlipunang paglaya.

  1. Sa kritikal na yugto sa ating kasaysayan kung saan nilalabanan ang tambalang Marcos-Duterte, paano bibiguin ng mamamayan ang taksil na tambalan gayong nangunguna ang mga ito sa survey? Paano dapat tignan ng mamamayan ang parating na eleksyon sa Mayo?

Ipinahahayag ko na hindi namin kailanman pinagkatiwalaan ang mga survey na isinasagawa ng mga tanyag na kumpanyang komersyal. Batid namin na ang mga survey na ito, lalo na sa panahon ng eleksyon, ay minanipula upang paglingkurin sa politikal na interes ng mga nagbayad para sa survey na iyon. 

Talaga namang ang paparating na eleksyon ay nagbibigay ng pambihirang oportunidad sa mamamayan upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa mga Marcos at Duterte — na ilan sa mga pinakamasasahol na mukha ng naghaharing sistema. Sa pagpapakita ng pinakamalawak na pagkakaisa at pagpoprotesta sa kalsada ng pinakamarami, maaaring maharang ng mamamayan ang balak ni Duterte na agawin ang eleksyon o biguin ang kanyang mga plano sa pamamagitan ng pag-aalsang masa kagaya ng Edsa I at Edsa II.

Dapat tayong magmatyag na, bilang mga kinatawan ng naghaharing-uri, lahat ng mga mayor na kandidato sa pambansang eleksyon ay pundamental na magkakapareho, lalo na sa pagpapakatuta sa imperyalismong US, at malamang ay maaari ring madiktahan o matali sa AFP. Kahit ngayon, abala ang imperyalismong US sa pagpaplantsa ng mga gusot sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing-uri upang isalba ang naghaharing sistemang pampolitika at pagkaisahin ang mga paksyong ito para patatagin ang naghaharing neokolonyal na estado para sa kanilang mga estratehikong interes.

  1. Ano ang inyong mensahe sa mga kabataang may pagdududa sa politikal at rebolusyonaryong karahasan? Ano ang papel ng agham panlipunan sa panlipunang pagbabago?

Sa katunayan, mapapansin natin na ang kabataan ang isa sa mga pinakainteresado at pinakadeterminado sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ito ay pinatunayan ng kasaysayan. At nananatili itong totoo hanggang ngayon sapagkat kalakhan ng mga Pulang mandirigma ng NPA ay nagmula sa hanay ng kabataan. 

Mahalaga ang papel ng agham panlipunan sa panlipunang pagbabago. Ang Marxista-Leninistang agham panlipunan, sa partikular, ay napakaimportante sa paglulunsad ng anumang rebolusyon. Sa pamamagitan lamang ng paggagap sa kasaysayan bilang nagpapatuloy na tunggalian sa pagitan ng mga uri natin maiintindihan kung paanong higit pang pauunlarin ang ating lipunan sa mas mataas na antas.

  1. Ano ang makakaresolba sa ugat ng armadong tunggalian? Ano ang hinaharap na inyong hinihiraya para sa bayan?

Ang kawalan-lupa ang ugat ng kasalukuyang armadong tunggalian sa Pilipinas. Ang digmang bayang inilulunsad ng NPA ay sa kalakhan digmang magsasaka na naglalayong ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. 

Nilalayon ng CPP na ibagsak ang mga tanikalang imperyalista at pyudal na humahadlang sa pagsulong ng bansa sa mas mataas na antas ng pang-ekonomiya at pampolitikang pag-unlad. Hanggang ang bansa ay nasa ilalim ng paghaharing neokolonyal, mananatili itong atrasadong bayang isinadlak sa pagluluwas ng murang hilaw na materyales at mumurahing semimanupaktura.

Ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan ay naglalayong ipatupad ang malaganap na reporma sa lipa upang magkaroon ng hustisyang panlipunan para sa masang magsasaka at magamit nila ang kanilang inisyatiba at lakas at ipatupad ang pambansang industriyalisasyon upang pahintulutan ang bansa na makalikha ng mga pangangailangan nito, sa halip na maglikha para sa pagluluwas. Pahihintulutan ng dalawang ito na makatindig ang ating bansa sa dalawang paa at harapin ang ibang bansa bilang kapantay. 

Inaanyayahan niya rin ang mga mag-aaral at mamamayang Pilipino na basahin ang mensahe ng Komite Sentral ng CPP sa ika-53 anibersaryo ng NPA upang higit pang maunawaan ang kanilang ipinaglalaban: https://bit.ly/3tNsrGL.

Featured image by the Communist Party of the Philippines

Understanding questions on armed struggle

Makabayan: Si Duterte ang Number 1 Human Rights Violator

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *