Kinasuhan ng Alliance of Health Workers (AHW) si Presidential Communications and Operations Office (PCOO) undersecretary Lorraine Badoy kahapon, Abril 7, dahil sa kanyang walang basehang panreredtag sa nasabing grupo.
Nakasaad sa reklamong inihain ng AHW kahapon, World Health Day, na imbestigahan si Badoy para sa “administrative offenses of grave minsconduct” at “conduct unbecoming of a public official.” Kalakip nito ang pagpapanawagang suspendihin din ang tagapagsalita ng National Task Force to end Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Pinaratangan ni Badoy ang AHW noong Abril 7, 2021 sa isang artikulo sa Philippine News Agency (PNA) bilang organisasyong nilikha umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) para i-infiltrate ang pamahalaan.
Maliban pa rito, isinaad ni Badoy sa kanyang press release noong Abril 12, 2021 na “mga operatiba at cadres” umano ng CPP-NPA-NDF sina AHW national president Robert Mendoza at AHW secretary general Benjamin Santos.
“Badoy is a government employee. Under the Civil Service Commission rules, a government officer must not use his or her position to red-tag or to malign any organization without proof,” paglilinaw ni AHW national president Mendoza sa isang panayam sa ANC.
Dagdag ni Mendoza, “Without any proof, she made an accusation that our organization is a member of the Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).”
Iilan lamang ito sa ilang beses nang panreredtag ni Badoy sa mga kritiko ng administrasyong Duterte.
Nitong nakaraan, pinaratangan ni Badoy sa isang programa sa SMNI na sangkot umano ang mga alagad ng midya sa isang ugnayan sa CPP. Ang SMNI ay kinikilala bilang tagapagpakalat ng fake news. Kamakailan din lamang ay na-ban ang SMNI sa Facebook dahil sa paglabag nito sa panuntunan ng social media platform.
Maaalalang pinagbantaan niya ring kasuhan ang Rappler matapos nitong ifact-check ang mga akusasyon niya sa Makabayan Bloc.
BASAHIN: http://bitly.ws/p4tk
Ginatungan din ito ng panreredtag mismo ni pangulong Duterte sa Makabayan bilang “front organization” ng CPP-NPA-NDF. Ngunit, walang nailabas na pruweba sina Badoy o ang pangulo para patunayan ito.
Maaalala ring isa ang SINAG sa mga niredtag ni Badoy matapos maglabas ng mga artikulong nagsiwalat sa pambobomba ng militar sa Sitio Panukmoan at Sitio Decoy sa Lianga noong Hulyo 2020, pangmamasaker sa New Bataan 5, at iba pang artikulo ukol sa Anti-Terror Law.
Samantala, patuloy na pinagpapanawagan ng sektor ng kalusugan ang pagpapamahagi sa kanila ng Special Risk Allowance (SRA) na noong nakaraang taon pa hindi nakukuha ng ilan sa kanila. Kalakip nito, lubusang nagkukulang na ang pasilidad at lakas paggawa ng sektor buhat ng kasalukuyang pandemikong krisis.
BASAHIN: http://bitly.ws/q8wm
Pagbabanta ng World Health Organization, maaaring magsitaasan muli ang mga kaso ng COVID-19. Ngunit, sa kabila nito, pagdidiin ng ilang mga pang-masang organisasyon ay red-tagging at pag-atake sa mga kritiko ang pinagtutuunan ng administrasyong Duterte.
Sa kabila ng lagpas limang reklamo laban kay Badoy, para sa kaniya, hindi umano mapanganib ang panreredtag. Nasa 33 na mga indibidwal ang pinaslang na may nakaraang kaso na ng panreredtag, ayon sa grupong Karapatan; habang lalagpas sa 400 na mga aktibista na ang pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Noong Marso 23, nauna nang naghain ang iba’t-ibang grupo, kabilang ang College of Social Sciences Student Council (CSSP SC), ng suspension case sa Opisina ng Ombudsman laban kay Badoy.
BASAHIN: http://bitly.ws/q8oC
Nanindigan ang AHW na marapat iutos ng Ombudsman ang papapaalis kay Badoy mula sa serbisyo-publiko, ikansela ang kanyang civil service eligibility, at alisan siya ng karapatang humawak ng anumang katungkulan sa pamahalaan.
Hinimok rin ng grupo na ilagay si Badoy sa preventive suspension habang nakabinbin ang resulta ng imbestigasyon.
#NoToRedTagging
#StopTheAttacks
Featured image courtesy of ABS-CBN News