Ibasura ang VFA at EDCA, tumindig para sa pambansang soberanya – LFS

Inalmahan ng League of Filipino Students (LFS) ang naganap na 2022 Balikatan exercises sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Armed Forces na sinimulan noong Marso 28 at nagtapos nitong Abril 8, Biyernes.

Dinaluhan ng higit 5,100 US Armed Forces personnel at 3,800 AFP personnel ang Balikatan 2022. Tinatayang ito ang pinakamalaking Balikatang isinagawa sa kasaysayan ayon sa pahayag ni Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava na inilathala ng embahada ng US sa Maynila. Noong nakaraang taon, nasa 600 lamang ang lumahok buhat ng mga limitasyon ng pandemya. 

Naging posible ang Balikatan sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) na mas pinagtibay ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Matagal nang tinutuligsa ang nasabing VFA at EDCA ng mga kritiko dahil sa anila’y pagiging maka-Estados Unidos ng mga kondisyon nito. Sa ilalim ng VFA, ilan sa tinitiyak nitong karapatan ng mga pwersa ng Estados Unidos ay ang pagpayag sa kanilang panghihimasok sa bansa, kahit anumang petsa’t gaano katagal. Pinahihintulutan din ng VFA na bigyang-kustodiya ang Estados Unidos sa sinumang militar na may sala’t magpasya saan ito ikukulong. 

Samantala, binibigyang-permiso naman ng EDCA ang Estados Unidos na magkaroon ng mga baseng militar sa bansa nang walang renta. 

Unang napatupad ang Balikatan noong 2001 sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo kung kailan 660 na sundalo lamang ang sumali kumpara sa halos 9,000 na sundalo ngayon sa huling taon ng rehimeng Duterte.

BASAHIN: http://bitly.ws/qaqV 

Bagaman para umano ito sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos, sinalubong ito ng protesta ng mga pang-masang grupo, kasama ang LFS, ang pagtatapos ng Balikatan 22 kahapon sa US Embassy.

TINGNAN: http://bitly.ws/qaro 

Anila, hindi patas at mas pumapabor sa US ang mga nasabing kasunduan habang kinokompromiso nito ang soberanya ng Pilipinas.

Ayon sa panayam ng SINAG kay LFS national president Ivan Sucgang, nasa neokolonyal na interes ng US ang VFA, EDCA, at Balikatan lalo na dahil sa estratehikong lokasyon ng Pilipinas na malapit sa katunggaling Tsina.

Giit ni Sucgang, mas lalong nakababahalang isinagawa ang Balikatan 22 kung kailan nalalapit na ang Halalan 2022 sa Mayo. Aniya, ito raw ay upang irehistro sa mga Pilipino ang patuloy na dominasyon ng US sa mundo maging sa sariling teritoryo.

Maliban sa pagsosolido ng katapatan ng AFP sa US, nagiging paraan umano ang Balikatan upang paigtingin ang pagbebenta ng armas ng US sa estado, ang nangungunang prodyuser ng produktong militar sa buong mundo. Pagdidiin din ng ilan pang grupo, nagiging daan ito upang mas ipagtibay ang mga kontra-insurhensiyang operasyon ng rehimen. 

Maliban sa usapin sa soberanya, inalala rin ni Sucgang ang iba pang karahasang naging bunga ng VFA at EDCA.

“Ang pagsasanay militar din na nagpapalala ng paglabag sa karapatang pantao ay magagamit ng mga malalaking negosyo at mga dayuhang kumpanya upang dahasin at takutin ang mga sibilyan, magsasaka, at pambansang minorya na iwan ang kanilang mga lupa at kamkamin ito. Ang ganitong pagsasanay din ay gagamitin laban sa mga mamamayang tinatarget ng estado sa kanyang mga inaakusahang terorista sa ilalim ng Anti-Terror Law,” dagdag ni Sucgang.

Maaalalang minasaker ng mga tropa ng 10th Infantry Division Philippine Army si Chad Booc at iba pang mga volunteer teachers noong Pebrero 24 nang gabi habang pauwi mula sa isang research work sa New Bataan, Davao de Oro. 

BASAHIN: http://bitly.ws/qapv 

Giit ni Sucgang, “Room clearing at urban raid scenarios na gagamitin sa mga tinatarget na sibilyan na tuloy-tuloy na nireredtag ng rehimen. Aerial asssault at bombing na ginagamit para bombahin ang mga komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya.”

Maaalala ring niredtag ang SINAG ni Presidential Communications and Operations Office (PCOO) undersecretary Lorraine Badoy matapos maglathala ng mga artikulong nagsiwalat sa pambobomba ng militar sa Sitio Panukmoan at Sitio Decoy sa Lianga noong Hulyo 2020, pangmamasaker sa New Bataan 5, at iba pang artikulo ukol sa Anti-Terror Law.

BASAHIN: http://bitly.ws/qapv 

Inalala din ni Sucgang ang kasaysayan ng pang-aabuso ng mga pwersang militar ng US sa VFA at EDCA na maaaring maulit lalo na at mas lalo pang lumalawak ang Balikatan.

Aniya, “Noong Filipino-American war pa lamang, may mga ‘comfort station’ para sa mga sundalong Amerikano na nagpalaganap ng prostitusyon sa bansa. Ito ay nagpatuloy sa pananatili ng base militar sa Olongapo. Kahit noong unang pinatupad ang Balikatan na naging base ang Mindanao, may talang 2,000 commercial sex workers sa Zamboanga. Hindi rin makalilimutan ang ginawang kalapastanganan ng sundalong si Pemberton kay Jennifer Laude na prinotektahan sa ilalim ng patakarang VFA.”

BASAHIN: http://bitly.ws/qaqQ 

Paninindigan din ni Sucgang, labag sa Saligang Batas ang presensya ng base-militar at tropang dayuhan sa bansa matapos ang militray Bases Agreement noong 1991. 

Pinaalala niya ang katungkulan ng kabataan sa isyung ito lalo na at isang buwan na lamang bago ang Halalan 2022, “Hamon sa mga kabataang Pilipino na palakasin ang panawagan ng pagpapabasura ng mga di-pantay na tratado tulad ng VFA at EDCA. Sa mga susunod na pinuno ng Pilipinas, lalo na sa presidente, himahamon kayo ng LFS at ng mamamayan na tumindig para sa soberanya at kapakanan [ng ating bansa].”

#USTroopsOutNow

#DownWithUSImperialism

Featured image courtesy of TeleRadyo

Health workers, kinasuhan si Badoy sa panreredtag nito

Peminismo para sa Pilipino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *