Ibang-iba na ang mga Pilipina kung ikukumpara sa katayuan nila noon. Ngayon, relatibong may kalayaan na ang kababaihan na ipaglaban ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang pakikibaka.
Bagaman may naaninag na kapantayan sa akses sa edukasyon, pagboto, at pagsunod sa kanilang mga pangarap at mithiin, hindi maikakaila ang patuloy nilang pakikibaka upang pumiglas sa kawing ng patriyarka at macho-pyudalismo sa lipunan.
Gayunman, ang diwa ng tunay na peminismo sa bansa ay hindi lang nakatuon sa kasarian— ang maka-Pilipinong peminismo ay nagpupunyagi para sa masang anakpawis.
Ang dangal, lakas, at kapangyarihan ng kababaihan ay humarap sa ilang dekada ng pang-aapi, pag-aalsa, at pakikibaka upang humantong sa kung ano sila ngayon. Ang kanilang patuloy na paglaban ay hindi lamang para sa kanilang mga sariling uri, bagkus ito ay laban ng mga Pilipinong pinagkaitan ng boses sa lipunang lugmok sa pang-aalipusta at kawalang-katarungan.
Laban ng Inaaping Uri
Bago pa man dumating ang mga mananakop sa ating lupain, makapangyariha’t ginagalang ang kababaihan sa kanilang mahalagang papel bilang mga babaylan. Sa katunayan, ayon sa kasaysayan, ilan din sa mga napabibilang pa rito ang mga lalaking homoseksuwal na tinatawag na asog o bayoguin.
Ang mga babaylan ay nagsisilbing mga manggagamot, at mga espirituwal na lider. Kinilala sila bilang mga daluyan ng ugnay ng katauhan at kalikasan.
Subalit, ito’y lubusang tinuligsa sa pagdating ng mga Espanyol. Sa kanilang pananatili sa bansa, binura nila ang noo’y mahalagang papel ng mga babaylan at diniktahan ang tila’y “kamalian” ng mga katutubong paniniwala, sa paniniwalang taliwas ito sa Kristiyanismo.
Naikintal na ang kababaiha’y dapat nakaayon sa mala-Birheng Mariang estilo ng pamumuhay o tipo ng “pagkababae.”
Noong naghari ang imperyalismong Estados Unidos, mas lalong bumaba ang katayuan at kakayahan ng mga Pilipino. Partikular na rito ang mga babaeng magsasaka at manggagawa. Isinakdal sila sa pamantayang nakatali sa kapital at Kanlurang mito ng tagumpay.
Noong dumating ang mga Hapon, naging laganap ang mga comfort women kung saan ginamit at ginahasa ang mga kababaihan bilang pampalipas-oras o libangan. Mahirap man o mayaman, itinuturing silang lahat bilang mga laruan na pinagpapasa-pasahan at instrumento ng mga personal na interes ng mga kalalakihang Hapones.
Ang kababaihan sa kasagsagan ng kolonyal na pananakop ay inilagay sa pedestal na kinabibilangan ng pagiging pangkaraniwang bagay na walang sariling pag-iisip at buhay. Pinatahimik ng mga dayuhan ang kanilang diwang makabayan, idinidikta ng patriyarkal na lipunan ang kanilang “pagkababae,” at binusabos ang katapangan at militansya.
Hinubog ng mga pang-aalipusta at danas ng mga mahihirap ang galit at poot ng mga peministang Pilipino. Simula’t sapul, ang kalayaan at pagkakaisa ng kababaihan ay hindi kailanman nahiwalay sa pakikibaka ng mas malawak na masa upang matulungan ang bawat sektor at uri na lumaya mula sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.
Boses ng Kabataan at LGBTQIA
Ang kilusang peminista ay hindi kilusan ng mga babae lamang. Ito ay pakikibaka ng mga babae, lalaki, at LGBT upang humulagpos sa pyudal na pagtatakda ng lipunan sa kasarian at pagkababae.
Kaya hindi awtomatikong peminista ang isang babae. Hindi sila peminista kung sila ay tagapagtanggol o mismong nang-aapi sa kapwa nila babae. Ang peministang Pilipina, ang bagong Pilipina, ika nga ni Lorena Barros, ay may militansyang angkinin ang kanyang pagkababae sa pagsasakdal ng patriyarkal na lipunan.
Hindi peminista ang mga gaya nina Gloria Macapagal-Arroyo, Sara Duterte, Imelda at Imee Marcos, Teresita Sy-Coson at iba pang babaeng naghaharing-uri na sa dulo’y inaapi ang kapwa babae.
Isa pa rito ay sina Cynthia Villar. Bilang malaking importer ng bigas, Pinirmahan niya rin ang Rice Liberalization Law na mas nagpalugmok sa sektor ng agrikultura sa bansa. Sa loob ng anim na taon, yumaman ang pamilya nila ng higit P300-bilyon.
Sa kabila ng libo-libong namatay at inabuso noong batas militar, patuloy na malaya ang kalahati ng “conjugal dictatorship” Imelda Marcos habang ang kanyang ang anak ay malayang tumatakbo sa pagkapangulo. Nakabinbin pa rin sa hukuman ang kanilang P203 na bilyong estate tax at P125 na bilyong ninakaw ng kanilang pamilya sa dalawang dekada ng diktadurya.
Habang patuloy ang tunggalian ng uri, patuloy pa rin ang militanteng pakikibaka ng makabayang kababaihan kontra sa mga katulad nina Arroyo, Villar, at Marcos.
Kalakip ng kanilang mithiin ay ang maprotektahan at masigurong maayos ang pamumuhay ng mga kabataan at LGBTQIA+, malayo sa banta ng abuso at pang-aapi na kanilang hinarap ng ilang dekadang inalipin ang bayan ng macho-piyudal na sistema.
Isa sa mga batas na nagsisilbing pundasyon ng nasabing mithiin ay ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, na nagbibigay ng mga proteksyon sa kababaihan at mga batang 18 taong gulang pababa mula sa kanilang mga partner o sariling ama. Noong 2021, umabot sa 18,945 kaso ng VAWC ang isinagip at itinala ng Philippine National Police (PNP) at Children Protection Center.
Lubusang nakababahala ang mga estadistiko ng mga kababaihang nakararanas ng abuso sa kamay ng sarili nilang mga asawa, at mga menor-de-edad na madaling pinagsasamantalahan ng mapang-abusong lipunan.
Bilang ang Pilipinas ay semi-kolonyal, nananatiling mahigpit ang ugnayan ng estado sa mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos. Napaiiral ito sa mga maka-dayuhang kasunduan tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) na nagpapahintulot sa mga pwersa ng militar ng US na manghimasok kailan nila naisin, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbibigay-permiso sa US na magkaroon ng mga baseng militar nang hindi nagbabayad ng renta.
Ang nakaraang naganap na taunang Balikatan exercisesay isa sa nga manipestasyon ng nananatiling pagkakagapos ng bansa sa kamay ng mga imperyalista. Liban sa mas pinalalang kontrol sa militar, lumulubha rin ang bilang ng mga kaso ng sekswal na abuso, maging ng pagpatay, lalo na sa mga lugar kung saan talamak ang prostitusyon.
Pinatotoo ito ng kaso nina Jennifer Laude at Joseph Scott Pemberton na ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon, at “Nicole” at Daniel Smith na malayang nakabalik sa Estados Unidos.
Dagdag dito, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng mga mail-to-order brides na bulto ay mga kabataang kababaihan. Marami rin sa kabataan ang nakakaranas ng seksuwal na abuso, grooming, at panggagahasa.
Nasa pito sa 10 ang naitalang kabataang ginahasa, ayon sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources at UNICEF noong 2015.
Ngayong taon, dahil sa laban ng kababaihan at mambabatas nila, itinaas na mula 12 sa 16 anyos ang edad na maaaring makapagbigay ng sexual consent ang isang indibidwal. Pinoprotektahan nito ang mga may mas mababang edad na madaling mapagsamantalahan ninuman.
Kaugnay sa kanilang pakikibaka sa karapatan, ipinaglalaban rin ang pagpasa sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE) Equality Bill para masugpo ang diskriminasyon, maipakita ang pagtanggap, at mabigyan rin ng karapatan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ sa makabagong lipunan.
Kalakip nito ang patuloy na pagpupursigi ng mga organisasyon tulad ng GABRIELA Women’s Party na magkaroon ng dagdag na proteksyon at mas pinaigting batas para sa kapakanan ng mga kababaihan, kabataan, at LGBTQIA+
Kasama ang iba pang sektor, sabay-sabay na isinusulong ang mga kahingian at panawagan sa mas malakas na pagpapairal ng makatao’t nakabubuhay na pagtrato sa kababaihan, LGBTQIA, at kabataan sa lipunan.
Laban ng Kababaihan at Bayan
Ang pakikibaka ng mga kababaihan ay hindi lang para sa kanilang sarili, kung hindi para na rin sa kaunlaran at kabutihan ng buong bayan.
Kahit sa pagdating ng mga mananakop, mga babae rin, tulad nina Gabriela Silang, Tandang Sora, Teresa Magbanua, at Josefa Llanes Escoda, ang matapang na tumulong at nagsilbing daan upang maisulong ang rebolusyong Pilipino.
Sa tulong ng pagkamit ng demokrasya sa mga nagdaang rebolusyong kanilang ginawa, natuldukan ang panunupil at pagsasamantala sa mga Pilipino, lalo na ang mga kababaihan.
Isinabuhay ito ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) na itinatag nina Maria Lorena Barros noong 1970. Pinagbuklod nito ang mga manggagawa, magsasaka, at mahihirap upang itaguyod ang layuning mabigyan ng pantay at wastong pagturing sa babae sa larangan ng pulitika, ekonomiya, militar, at kultura.
Noong kasagsagan ng Batas Militar, libo-libong kababaihan—aktibista, propesyonal, at estudyante—ang nagsama-sama upang bumuo ng armadong kilusan, mapalawak ang kamalayan, at tunguhin ang laban kontra sa piyudalismo, pasismo, at imperyalismo na ugat ng kabi-kabilang problema sa bansa.
Isa rin sa mga humamon sa tiraniya ni Ferdinand Marcos Sr. ay ang GABRIELA National Alliance of Filipino Women na binuo noong 1984. Mahigit kumulang na 10,000 na mga Pilipina ang nakilahok sa pagprotesta laban sa sex trafficking kahit na labag ito sa utos ni Marcos.
Hanggang ngayon, ramdam pa rin ang kanilang presensya sa pagsupil ng pasismo sa kanilang pagtindig kontra sa madugong pamamalakad ni Pangulong Duterte. Sa kabila ng mga mabibigat na banta ay hindi sila natitinag na ipaglaban ang bansa kontra sa inhustisya, korapsyon, at diktadura.
Ibang-iba na nga ang mga Pilipina sa makabagong panahon. Ngayon, higit na malaya na ang mga kababaihan na ipaglaban ang kanilang mga sarili at pati na rin ang kapakanan ng buong sambayanan.
Kasama ang malawak na masa, unti-unti nilang binabago ang takbo ng mundo sa kanilang angking talino at kakayahan sa iba’t ibang larangan. Patuloy nilang sinusugpo ang macho-pyudal na lipunang gumagapos sa makabayang diwang lumaban, at iginagaod ang pagtatagumpay ng kilusan ng mga Pilipinang peminista.
Ang maka-Pilipinong peminismo, sa esensya, ay siyang pakikibakang hindi nakatuon sa iisang kasarian — ito ay para sa lahat. Sapagkat ang pag-abante ng kababaihan, sa esensya, ay pag-abante rin ng lipunan at pakikibaka ng sambayanan.
#AbanteBabae
#LabanKababaihan