Hindi masa ang kalaban, sina Marcos at Duterte


Malaking kritisismo ang isyu ng elistismo sa kampanya sa pagkapangulo ni Vice President Leni Robredo. Kinakikitaan ang ilan sa kaniyang mga taga-suporta ng pagkakaroon umano ng kayabangan at mapangmatang pagtingin sa mga kababayang may ibang kandidatong napupusuan.

Isa sa mga dahilan ay ang kanilang matayog na pananaw sa kanilang paniniwala na sila lamang ang may wastong argumento patungkol sa mga problema at isyung kinakaharap sa kasalukuyan. Bagaman sila’y may pinanghahawakang kamulatan, pawang pambabastos at pagmamaliit ang ipinamamalas ng ilang mga Kakampink bilang pakikitungo sa mga taga-suporta ng ibang kandidato.

Naglipana kamakailan ang mga bidyo kung saan nagkaroon umano ng abutan ng sobre sa campaign rally ng tambalang Marcos-Duterte sa Nueva Ecija, na hindi na rin nakapagtataka dahil kapwa sila nagmula sa mga trapong dinastiyang pinag-uugatan ng bulok na politika sa bansa. 

Ang isyung ito ay mabilis na kumalat sa social media, kasabay ang pang-aasar at pangmamaliit ng ilang kakampinks sa mga botanteng tumanggap ng bayad.

Subalit, may iba namang nasobrahan ang pagmamayabang na umaabot sa pangungutya sa pinag-aralan, kamalayan, at maging katayuan sa lipunan ng ibang botante. 

May ilang Kakampink na ibinalandra  na sila ay may pinag-aralan at tanging mga mangmang at hindi nakapag-aral lamang ang bumoboto sa kinamumuhian nilang kandidato. 

Bagaman ang intensyon ng ilan ay mabago ang isip ng mga taga-suporta ng ibang kandidato,  pawang ang kanilang pagiging elitista ang sumasagka sa mas malawakang pagbubuo ng mga pagkakaisa. Ito ang humahadlang sa kanilang adhikaing makapagmulat.

Isang batayang karapatan ang mabigyan ng kalayaang mamili ng nanaising ihalal at iluklok sa pwesto.

Kalakip nito, mahalagang isaisip na marapat  alamin ang kalagayan ng mga botanteng nagtutulak sa kanilang ipagbili ang boto at magmulat nang hindi niyuyurakan ang kanilang estado sa buhay. 

Ang pagiging elitista ng ilang mga malalaking personahe ay isang dahilan kung bakit umiigting ang lumalaking agwat sa pagitan ng mga nasa itaas, nasa gitna, at nasa laylayan—syempre, numero uno rito ang disinformation machinery ng kalaban.

Sa pangangampanya para masugpo na ang isang tipo ng mapang-abusong pamamahala’t masagkaan ang panunumbalik ng mga magnanakaw, ating primaryang ipinaglalaban ang kapakanan at kabuhayan ng bawat Pilipino. 

Ngunit bakit tila karamihan ang mga kapwa biktima ang kinakalaban?

May pinanggagalingan ang tila paniniwala ng iilan sa maling impormasyon, sa minanipulang mga katotohanan, at sa maruming propaganda ng kalaban. 

Ang kasalukuyang porma ng edukasyon ay pawang isa sa mga nagkokondisyon sa mga mamamayang paboran o paniwalaan ang kahit isang piraso ng impormasyon, peke man ito o hindi. 

Tila isang negosyo na ang edukasyon sa bansa, sa nagtataasan nitong matrikula at pagiging hindi abot-kaya sa sandamakmak na pangangailangang gadget, lalo na ngayon, para lamang makapagpatuloy ng pag-aaral. 

Liban pa rito, hinuhubog ng kasalukuyang sistema ng edukasyon ang Pilipino na lumihis sa kritikal na pag-iisip. Bagkus, sila ay itinutuon sa pawang pagpoprodyus ng mga gawain, sa nagtataasang mga marka, sa paniniwalang ito ang susi sa maayos na trabaho. Ngunit, ang katotohana’y naitatambak lamang ang bawat graduate bilang inaagkat na mura at supil na lakas-paggawa dahil walang trabaho.

Kaya’t malaki ang gampanin ng akses sa edukasyon sa pagkakaroon ng tila’y baluktot na paniniwala’t pagpabor sa kamalian ng kalaban. 

Kasama na rin dito ang hindi mawalang kahirapan sa bansa, kakulangan ng nakabubuhay na sahod. Handa silang ipagbili ang kanilang karapatan at dignidad na pumili ng nararapat ihalal sa pwesto. Ngunit dahil sa kakapusan ng salapi, may iba na mas pinipili ang pagtanggap ng bayad upang may laman ang kanilang tiyan.

Nakakatakot isipin na ang mga ito ay isa sa pinakamalaking implikasyon ng panlilinlang  ng Marcos-Duterte tandem. Ginagamit nila ang malawakang pagpapalaganap ng maling impormasyon upang maakit ang mga Pilipino sa paniniwala na ang katotohanan ay nasa kanilang panig lamang. 

Hindi nag-aatubili ang tambalang Marcos-Duterte na sugpuin ang kahit sinumang humadlang sa kanilang nire-Rectong katotohanan. Kahit pa ito ay magdulot ng ilan libong paglabag sa karapatang pantao, sa panreredtag, at sa pagdanak ng dugo. 

Sa walang kahiya-hiyang pagtanggi ni Marcos, Jr. sa mga kasalanan ng diktador niyang ama at marahas na pagweponisa ng rehimeng Duterte sa militar at kapulisan, ang malawak na masa ang kanilang kinikitil — ang malawak na masang kailangang makabuo ng matibay na pagkakaisa upang tuligsain ang tambalang Marcos-Duterte.

Ang masa lamang ang lumilikha ng kasaysayan. Ang masang Pilipino lamang din ang nagtatakda ng tadhana ng halalan sa bayan, at sa iba pang praktikang pampolitika higit sa nakasanayan at umiiral gaya ng pag-aaklas. Kaya marapat lang na unawain ang kanilang pinagmumulan, pakinggan ang kanilang kahingian, at ipagtagumpay ang kanilang panawagan at pangarap na kinabukasan. 

Mahalaga ang pagkilos kasama ng masa upang labanan ang mga mapagsamantalang politiko na ginagamit ang kanilang sosyo-ekonomikong katayuan para makakuha ng boto at yaman.

Para sa mga taga-suporta ni VP Leni Robredo, ang mga on-ground na pangangampanya kagaya ng mga house-to-house campaigns ay hinihikayat nang mabuti kaysa kutyain lamang ang mga kababayang dapat nating ipaglaban. 

At, upang maipanalo ang laban ng taumbayan, marapat lang na may nakikinig, makamasa, at radikal na nagmamahal sa bayan.

Hindi elitismo o pangungutya ang sagot sa kakulangan ng kamulatan ng ibang botante; sa halip, ito ay sa mapagpasensyang pagpapaliwanag at kolektibong pagpapakilos upang maitaguyod ang isang makamasang itsura ng pagbabagong panlipunan.

Sapagkat hindi masa ang kalaban; bagkus, ang mga Marcos at Duterte na magkakait ng kinabukasan nating lahat, tagasuporta man nila o hindi.

#DefeatMarcosDuterte

Featured image courtesy of Marie Martin

Full on-site reporting, hindi epektibo

Bongbong, nakatakas sa huling DQ case

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *