Isang malaking posibilidad na dadayain ng tambalang Marcos-Duterte ang halalan sa Lunes.
Tiyak na panandang-bato sa kasaysayan ng hungkag na eleksyon sa bansa ang parating na Mayo 9. Bagaman hindi na patas ang larangan ng labanan, mahalaga ang papel ng eleksyon sa pagkokonsolida ng isang malawakang kilusang masa laban sa pasistang tambalang Marcos-Duterte sa katauhan ng oposisyon na ang tambalang Robredo-Pangilinan ang kasalukuyang mukha.
Ang kagyat na tungkulin ng mga mamamayan ay isapraktika ang demokrasya halalan man o hindi.
Sa madaling sabi, umugit ng kasaysayan, sa balota man o hindi, sa pamamagitan ng pagtatakwil sa tambalang Marcos-Duterte. Matyagan at sawatahin ang kanilang pandaraya.
Minsan na silang nandaya
Noon nang nandaya ang pamilyang Marcos.
Ang Oxford diploma ni Bongbong ay Recto quality na matagal nang napatunayan mismo ng unibersidad. Si Imee ay nagsinungaling na nagtapos umano sa UP College of Law at mayroong pekeng Master’s degree. Ni pati pagbabayad ng buwis ay dinugas na. Gayundin, dinaya ng kanilang ama ang halalan noong 1978, 1981, at February 1986 snap elections.
Tunay ngang hindi kasalanan ng anak ang matagal nang kasalanan ng ama; ngunit, nakaukit na sa kanilang pamilya ang tahasang pandaraya. Kasaysayan at sambayanan na mismo ang saksi rito.
Layuning pampolitika ng mga Marcos na makabalik sa Malacañang upang baluktutin ang kasaysayan at labis na makinabang sa krisis panlipunan.
Ang malawakang makinarya ng kampanya ni Marcos – na nakasandig sa pasistang mensahe, nostalgia ng kahapon, at malalim na disimpormasyon – ay isang bahagi lamang ng malaking plano upang dayain ang eleksyon.
Wala pa mang eleksyon, tuloy-tuloy na ang maniobra ng anak ng diktador upang baluktutin ang nabubulok na demokrasya sa bansa. Pinakamalaki rito ang pagbabasura ng Commission on Elections (COMELEC) sa lahat ng disqualification cases laban sa kanya bagaman nagsusumigaw ang mga ebidensya kung bakit hindi siya dapat patakbuhin.
Naging estratehiya rin nila ang hindi pagdalo sa mga debate upang magkaroon ng monopolyo sa panggogoyo.
Pinulot ito mula sa libro ng Nazi na si Goebbels, ulit-ulitin nang isanlibong beses ang isang kasinungalingan ay magiging totoo na ito. Ang malawakang kawing ng mga troll at influencers ang naging mukha ng “negative campaigning” ni Marcos Jr.
Ginamit ring armas ang mga survey upang ipinta na siya ay nangunguna at mananalo. Batay sa mga polling at PR firms, nanguna ang kandidatura ni Marcos Jr. at hindi naungusan ni Robredo.
Subalit, ang survey ay hindi ang eleksyon. Maraming maaaring magbago sa Mayo 9.
Sa ngayon, ginagamit niya ang kasinungalingang dinaya siya noong 2016 ni Robredo sa pagka-bise presidente. Tatlong beses na itong pinabulaanan ng Korte Suprema, at sa botong 15-0, na talagang talunan si Marcos Jr.
Muli, ulit-ulitin ang kasinungalingan para maging katotohanan. Literal na pasista at sinungaling dahil mana sa amang diktador.
Higit sa lahat, baon ng mga Marcos ang limpak-limpak na salaping ninakaw sa bayan upang bumili ng mga boto na minsan nang nabisto ng ating mga mamamahayag. Animo’y ginigisa sa sariling mantika ang publiko upang lutuin ang eleksyong dapat ay batay sa kanya.
Samakatuwid, ang pagiging isang Marcos ay pinaglihi sa klarong pambabastos sa mamamayang Pilipino’t pambababoy sa natitirang demokrasya sa bansa.
Hawak nila ang makinarya
Tandaan natin na ang kasalukuyang pangulo ng bansa ay ang ama ng katambal ni Marcos. Siya rin ang nagpahintulot sa pagpapalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani. Ang largest backer rin ni Duterte na mga Floirendo, na crony ni Marcos, ay itinulak na ang tambalang Duterte-Marcos 2016 pa lang. Miyembro rin ng Gabinete ni Marcos ang ama ni Duterte. Maski tagapagsalita dati ni Duterte na si Salvador Panelo ay loyalista ni Marcos.
BASAHIN: The Duterte-Marcos Connection | ABS-CBN News
Higit sa mga koneksyong ito, ang kapwa pasistang diktadura ang gintong hiblang nagkakabit kina Marcos at Duterte, at sa kanilang mga anak.
Kasangkapan ang pasismo ng isang nabubulok na sistemang panlipunan. At ang pagtatatag ng mga diktadura ay pagsubok na isalba ito. Ito ang ginagawa ng mga anak, ang isalba ang kanilang pamilya kapalit ng lalong paglugmok sa atin sa krisis ng kahirapan at patayan.
Maski nasa huling dalawang buwan na ng pagkapangulo ang amang Duterte, siya pa rin ang epektibong may kontrol sa gubyerno. Siya ang pinuno ng pasistang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ipwepwesto sa mga presinto upang ipakita ang represibong dahas ng estado.
Gayunman, naibalita na ang pangangampanya ng mga sundalo, na bawal sa batas, para sa tambalang Marcos-Duterte sa Timog Katagalugan.
Hawak rin niya ang kapulisan na tiyak na ikakalat sa araw ng eleksyon kung sakaling magprotesta ang mga mamamayan sa mga dayaan. Si Duterte rin ang pinuno ng NTF-ELCAC na pasimuno sa mga red-tagging kina Robredo at sa Makabayan bloc. Maski ang social media accounts ng gubyerno ay ginagamit para sa propaganda nina Marcos-Duterte.
Tandaan din natin na lahat ng komisyoner ng COMELEC ay pinaupo ni Duterte sa puwesto. Kalahati ay mula sa Davao. Ang ilan ay kanyang ka-brod sa fraternity, dating abogado ni Marcos Jr., at mga pumayag sa pagtakbo ni Marcos sa kabila ng pag-ayaw ng publiko. Anumang hugas-kamay ng komisyon, may bahid na ang kanilang kredibilidad at integridad.
Sa mismong Senado naman, nakaupo si Imee Marcos, kapatid ni Bongbong, bilang Chair ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na may may kinalaman sa lahat ng batas kaugnay ng eleksyon. Sa Korte Suprema naman, na tatayong Presidential Electoral Tribunal kung magkataon, nasa 12 naman ang pinaupo ni Duterte sa pwesto.
Samantala, ang anak na si Sara Duterte ay may malaking papel sa pagkokonsolida ng “Mindanao vote” para sa tambalan bilang dating lider ng rehiyonal na partidong Hugpong ng Pagbabago. Ginagamit rin nila ang mga pekeng organisasyong masa upang linlangin ng mga pangako ang mamamayan gaya ng mababang presyo at maraming trabaho–mga bagay na hindi naman nagawa ng tatay ni Bongbong at Sara batay sa mga aktwal na datos.
Dagdag na rin dito ang kultural na makinarya ng tambalan kung saan ginagamit ang mga kanta gaya ng “Bagong Pilipinas, Bagong Mukha” at “Awit ng Bagong Lipunan” upang ibrainwash ang mga tao. Dagdag pa rito ang normalisasyon ng red-tagging, pananakot, at pananakit sa kapwa. Ang pasistang mensahe ng pagkakaisa para sa kanila ay pagkakaisa para sa diktadura.
Samakatuwid, sumusugal ang mga Duterte na patuloy na makinabang sa krisis panlipunan.
Masa ang lumilikha ng kasaysayan
Ang Mayo 9 ay hindi labanan sa pagitan ni Robredo at Marcos-Duterte kundi ng sambayanan laban sa huli. Ipinakita ng laksa-laksang mga rali at protesta sa nagdaang tatlong buwan ang pagtatakwil ng kritikal na masa ng sambayanan sa tiraniya nina Marcos-Duterte. Ang pagkilos sa mga lansangan at pagbabahay-bahay ay araw-araw na pagsasanay para sagupain ang dambuhalang makinarya ng diktadura sa tungki ng kaaway at ganap na mabigo ito.
Sa pag-unlad ng politikal na sitwasyon sa nagdaang taon, patunay ang mga protesta at rally na nananawagan sa pag-angat ng buhay ng lahat at gubyernong tapat na may kapasyahan ang masa na kumilos para sa mga ito. Ang panawagan ng sitwasyon ay pagbubuo ng isang kilusang masa na handang kumilos higit pa sa Mayo 9.
Sapagkat ang demokrasya, gaano man kaliit sa bulok na lipunan, ay hindi dapat natatapos sa pagboto na laro pa rin ng naghaharing-uri. Maisasabuhay ang demokrasya kung ang mamamayan ay kikilos upang biguin ang mga diktador na nais humawak ng kapangyarihang dapat naglilingkod sa mamamayan. Makakamit ito sa lansangan; at doon sa kanayunan.
Ang hamon kay Leni Robredo at sa buong oposisyon ay huwag pahintulutang makaupo ang mga Marcos-Duterte, manalo man sa eleksyon o hindi. Bagkus, dapat maghanda ang lahat na magsagawa ng mga protesta at pagkilos upang harangin ang lahat ng pandaraya ng tambalang Marcos-Duterte. Para rito higit na kailangan ang pinakamatibay at pinakamalawak na pagkakaisa ng demokratikong kilusang masa laban sa diktadura.
Hungkag ang eleksyon sa ating bansa. Hindi ito magbibigay sa atin ng mga pundamental na pagbabago. Subalit ngayon, ang hamon sa eleksyon na ito ay isabuhay ang demokrasya, sa balota, protesta, hanggang sa armadong pakikibaka. Malinaw ang pampolitikang tungkulin mula noon: biguin ang tambalang Marcos-Duterte at lahat ng kanilang mga pandaraya sa bayan.
Bagaman hindi natin tiyak ang hitsura ng kinabukasan, lagi’t laging tiyak na ito ay sa masang lumilikha ng kasaysayan. Sapagkat tayo man ngayo’y inaalipin, sa atin ang pangarap na bukas!
#DefeatMarcosDuterte
Featured image courtesy of Jojo Riñoza