Kasalukuyang kumakalat ang iba’t ibang ulat at balita ng pandaraya at karahasan kaugnay ng pambansang eleksyon bukas, Mayo 9, ayon sa grupo ng mga kabataang kontra-dayaan na Kabataan, Tayo Ang Pag-asa! (KTAP). Ito ay habang inaasahan ang matinding gitgitan sa pagitan nina Bongbong Marcos Jr. at Leni Robredo sa pagkapangulo.
Social Media: Pinakakalat ng mga page na kaugnay ng tambalang Marcos-Sara Duterte ang pekeng balita at resolusyon na idiniskwalipika umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga party-list sa ilalim ng Makabayan bloc at si senatoriable Neri Colmenares. Subalit, hindi diskwalipikado sina Colmenares at ang Kabataan, Gabriela, ACT Teachers, Anakpawis, at Bayan Muna.
Sa isang burado nang bidyo, bagaman ipinagbabawal ng batas, ay inendorso ni Commission on Higher Education (CHED) Chair Popoy de Vera ang tambalang Marcos-Duterte at mga kandidato sa pagka-senador ng UniTeam sa PILI-PinasSkolar Halalan noong Mayo 5. Nanawagan si Danilo Arao, convenor ng Kontra-Daya, na imbestigahan ng COMELEC si De Vera ukol sa “misuse and abuse” ng kanyang kapangyarihan.
Mandaluyong, NCR:Kumakalat ang bidyong ipinost ni Jayson Bagatua hinggil sa hinihinalang bayaran sa mga dumalo sa UniTeam Miting de Avance noong Mayo 7. Batay sa video, nakatanggap ng P7,000 ang isang lider mula sa isang babaeng nakasuot ng UniTeam shirt bilang kabayaran sa 40 kataong dumalo sa miting de avance nina Marcos-Duterte sa Parañaque.
Katipunan, Quezon City: Ayon kay Dr. Gia Sison, namataan ang mga trak na may dalang balota kahit may nakapaskil na poster nina Marcos-Duterte sa mga ito. May nauna nang kaparehong kaso nito ngunit itinanggi ng COMELEC na may kaugnayan sa ahensya ang nasabing van.
Gen. Tinio, Nueva Ecija: Ayon sa PNP-Nueva Ecija, nagkaroon ng hinihinalang election-related shooting incident sa Brgy. Concepcion kung saan lima ang nasugatan at 24 naman ang inaresto na bodyguards ng dalawang naglalaban para sa pagka-alkalde ng bayan.
Oton, Iloilo: Ayon sa isang netizen, nakuhanan ng video ang vote-buying sa Katagman Resort kung saan iniipit ang pera sa loob ng polyeto ng UniTeam. Ang bayan at distritong ito ay saklaw ng dinastiyang Garin na kaalyado ng mga Marcos at Duterte.
Cotabato City, BARMM: Ayon kay BARMM Interior Minister Naguib Sinarimbo, nagkaroon ng tensyon kahapon, Mayo 7, sa loob ng compound ng regional government, sapagkat ayaw i-escort ng pulisya ang election officer “dahil delikado” para sa final testing and sealing ng mga vote counting machine (VCM) na aabot sa 90 yunit na naantala.
Ani naman ng pulisya, may namamato raw sa kanila kaya ayaw nilang sumama sa pagdadala ng mga VCM. Natuloy kaninang umaga ang paglilipat ng mga VCM ngunit ayon sa memo ng COMELEC city election officer, PNP ang mangangasiwa sa final testing and sealing ng VCM.
Iniulat din ng KTAP na nagkaroon ng putukan kagabi matapos ang girian sa pagitan ng Board of Election Inspectors (BEI) at mga miyembro ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa loob ng BARMM compound dulot ng tensyon. Isang sasakyan naman ang nasira.
Ramon Magsaysay, Zamboanga del Sur: Iniulat ng isang netizen ang larawan ng P1,500 sa loob ng sample ballot nina Marcos-Duterte at buong UniTeam slate na iniabot ng kanyang kapitbahay. Dati nang naiulat ang pamimigay ng pera o premyo sa mga pagtitipon nina Marcos gaya ng naganap sa Cavite at Nueva Ecija ngunit wala pa ring aksyon dito ang COMELEC.
Antabayanan ang mga update sa balitang ito para sa mga ulat ng anomalya at karahasan kaugnay ng 2022 national elections.
Featured image courtesy of Willy Kurniawan