Iginiit ng election watchdog na Kontra Daya na dapat pahabain ang oras ng botohan lampas 7pm ngayong araw, Mayo 9, dahil sa kabi-kabilang aberya sa eleksyon.
Anila, iniulat ng midya na aabot sa 1,800 vote counting machine (VCM) ang nasira ngayong araw na maaaring magdulot ng 1.1 milyong botante na hindi makaboto, lalo na sa eleksyong inaasahang gitgitin ang labanan sa pagitan nina Marcos at Robredo.
Ayon naman sa COMELEC, naresolba na ang isyu sa mga makina bagaman mula kaninang tanghali ay may naitala nang 143 na depektibong VCM sa buong bansa. May reserba naman daw ang COMELEC na 1,900 para sa ganitong mga kaso.
Umayon naman ang isa pang watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi pa “alarming” ang mga kaso ng sirang VCM. Gayunman, batay sa pagsusuri ng Kontra Daya, ang nagdaang pitong oras ng eleksyon ay puno ng “disimpormasyon, redtagging, pagkasira ng mga VCM, at kawalang-oportunidad na makaboto.”
Kaugnay ng eleksyon ibinahagi rin ng netizens mula sa iba’t ibang presinto ang kanilang karanasan sa mga depektibong VCM. Ang iba ay napilitan na lamang umuwi habang ang iba ay piniling manatili sa presinto hanggang sa maayos ang mga VCM at mairehistro ang kanilang boto. Naiulat rin ang red-tagging posters laban sa Makabayan bloc party-lists at vote-buying.
Nanawagan rin ang pambansang tagapagsalita ng grupong Anakbayan na si Jeann Miranda na pahabain pa ang oras ng pagboto. Aniya, “Ang daming aberya sa mga VCM. Halata na yung tactics ng Marcos Duterte tandem, pati boto ninanakaw. Diba nga sila ang may hold sa resources? Ang dami pang di nakakaboto, igiit natin ang ating karapatan!”
Sa kabila ng mga panawagan, nagmamatigas pa rin ang COMELEC na ituloy ang nakatakdang pagtatapos ng botohan mamayang 7pm – kulang tatlong oras mula ngayon – bagaman malaki ang inaasahang voter turnout sa kabila ng pandemya.
#Halalan2022
#KontraDaya
#KAPPasyahan2022
Featured image courtesy of KontraDaya