Basta-basta na lamang umano binuksan ng mga pulis at election personnels ang kahong naglalaman ng mga balota at voter-verified paper audit trail (VVPAT) sa Precinct 1096 ng Rosario Elementary School sa Pasig City kaninang umaga, ayon kay Ivan Sucgang, pambansang tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS) na nagsisilbi ring pollwatcher.
Aniya, nagka-aberya ang Vote Counting Machine (VCM) sa naturang presinto mula kaninang 8am kaya naudlot ang pagboto ng mga botante. Nauwi sa tensyon ang pagkasira ng VCM dahil ayaw bitawan ng mga botante ang kanilang balota.
Subalit, kinuha ng mga pulis ang personal na impormasyon at lagda ng mga nakaboto bilang patunay na nahulog na nila ang kanilang balota sa nasirang VCM. Taliwas rito ang giit ni Sucgang, hindi lahat ng pinapirma ng mga pulis ay nakaboto na. Panlilinlang umano ito sa mga botante para hindi na sila makaboto kung sakaling maayos na ang makina.
Tinakot at pinalayas din ng mga pulis ang pollwatchers ng Kabataan Partylist, ani Sucgang. Pinagbawalan silang kumuha ng litrato at video, at kinumpiska pa ang kanilang balidong poll watch IDs. Sa iba’t ibang presinto sa bansa, naitala ang mga poster na nangreredtag sa Kabataan at iba pang party-list ng Makabayan.
Sinigawan din ng mga pulis at principal ng paaralan ang mga botanteng naabala sa aberya na tumangging iwan ang kanilang balota. Pinipilit kasi ng mga opisyal na iwan ang mga balota nila at pumirma na lamang sa waiver. Bagaman, ang “batch-feeding” ay pinahihintulutan sa guidelines kung may aberya ang VCM, may karapatang ang botante na mag-antay.
“Kung ayaw niyo bumoto, e ‘di wag kayo bumoto,” bulyaw pa nga ng mga opisyal.
Mula 4:30pm, hindi pa rin gumagana ang VCM ng presinto at wala pang naipadalang kapalit para sa nasira kaninang umaga. Panawagan ni Sucgang, kailangan nang palawigin ang oras ng pagboto dahil sa kapalpakan ng COMELEC sa pangangasiwa sa eleksyon. Pagbibida naman ng komisyon kaninang tanghali, “smooth” ang takbo ng halalan ngayong araw.
“Dapat tanggalin ang lahat ng pumipigil sa ligtas, malinis, at malayang pagboto ng mamamayan: pananakot ng mga pulis, sirang VCM, mga hindi lumalabas na pangalan sa voters list at di tinutulungan, mga pinapauwi dahil sira ang machine. Every vote counts. Lahat tayo may bilang,” dagdag ni Sucgang sa isang tweet.
#Halalan2022
#KontraDaya
#KAPPasyahan2022
Featured image courtesy of Ivan Sucgang