Dapat bang magka-F2F grad ang CSSP?


Nitong Hunyo 2, inilunsad ang system-wide na on-ground consultations sa pangunguna ng UPD University Student Council (USC) at ng UP Office of the Student Regent (OSR). Sa naganap na konsultasyon, inanunsyo nina UPD USC chairperson Jonas Abadilla at UP Student Regent Renee Co na “blended” ang magiging pagtatapos sa unibersidad para sa 3,000 magtatapos na mga mag-aaral. Samantala, nakaayon naman sa mga administrasyon ng bawat kolehiyo kung paano ang lunsad ng kani-kanilang college graduation rites. 

Ang Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) ang isa sa dalawang kolehiyong maglulunsad ng “online” na pagtatapos buhat ng kalakihan umano ng populasyon ng mga magtatapos na mga mag-aaral. Liban sa kawalan ng pormal na anunsyo mula sa administrasyon ng KAPP, lubusan itong inalmahan ng mga magtatapos na mga mag-aaral buhat ng kakulangan din ng kaukulang dayalogo sa pagitan ng administrasyon at mga mag-aaral. 

Tingnan at basahin ang kanilang pananaw sa naturang desisyon ng administrasyon ng KAPP.

SOSYOLOHIYA

Ikinalungkot ni *Meg mula sa departamento ng Sosyolohiya ang kawalan ng face-to-face na kondukta ng pagtatapos sa kolehiyo ngayong semestre. Pinagdiinan niyang tila parang nanakawan ang kanilang batch ng pagkakataong maipagdiwang, sa aktwal, ang kanilang dinanas sa apat at labis pang taon sa unibersidad. 

Aniya, hindi pinagtuunan ng primaryang pansin ang ibayong paglulunsad ng ligtas na pagbabalik eskwela. Dagdag dito ang kaniyang pagkadismayado sa desisyon ng administrasyong mga Summa Cum Laude awardees at may PhD graduates ang kalahok sa onsite na pagtatapos. Bagaman kinikilala ang mga naging karanasan ng mga may matataas na marka, kaniyang idiniin na marapat ding makaranas ng on-site na pagtatapos ang lahat ng graduating na mga mag-aaral. 

Inilahad ni *Bea mula sa departamento ng Sosyolohiya ang kaniyang pagkadismayado sa online na kondukta ng pagtatapos sa KAPP. Kaniyang idiniin na pakiramdam niyang napagkaitan sila ng pagkakataong makapagtapos sa mismong kampus gayong ilang taon ding online ang naging set-up. 

KASAYSAYAN

Dismayado si CJ Tabalon, magtatapos ng Kasaysayan, sa natanggap nitong balitang ang nabagsakang desisyon ng administrasyon ng KAPP ay isang online na lunsad ng kanilang pagtatapos. Isinalaysay niyang nagbitaw ang administrasyong bukas sila sa pagkakaroon ng isang hybrid na seremoniya at nangakong mamamahagi ng mga sarbey upang matiyak ang mga kondisyon. Ngunit, ikinalulungkot ni Tabalon na walang naging ni kahit anumang follow-up na dayalogo o sarbey, at basta na lang nakapagplano ang administrasyon ng KAPP nang hindi pinakikinggan ang hinaing ng mga magtatapos na mag-aaral. 

Kaniyang isinaad ang lungkot na maaaring dulot nito sa kaniyang mga kapwa mag-aaral dahil pakiramdam nila’y napagkaitan silang “makapagpaalam nang maayos sa yugtong ito ng buhay” dahil “iba ang pakiramdam” kapag sa kampus mismo nakapagtapos. Gayunpaman, umaasa si Tabalon na magbago pa ang isip ng administrasyon.

Isinaad ni *Tom ng departamento ng Kasaysayan na bagaman nauunawaan niya ang kahirapan sa paglulunsad ng F2F na pagtatapos sa kolehiyo, pakiramdam niyang marapat pa ring makaranas nito buhat ng kanilang karanasan sa online na set-up ng klase. Kaniyang pinunto ang laki ng espasyo sa unibersidad at ilang mga pasilidad na maaaring pagdausan ng F2F na graduation rites kung mamarapatin. Kaniyang pinanghawakang mas gugustuhin niya ang F2F na seremoniya dahil, aniya, “mahirap ang daan na tinahak ng batch ko para makarating sa puntong ito.” Sa kabilang banda, naglahad si *Tom ng ilang mga posibleng hakbangin tulad ng pagkakaroon ng 1 guest kada 1 mag-aaral.

PILOSOPIYA

Isinaad ni Jonrei Putong ng departamento ng Pilosopiya ang kaniyang pagkadismayado sa kakulangan ng paglulunsad ng face-to-face na klase. Aniya, pangangatwiran ng administrasyong “abstract” na mga konsepto lamang ang saklaw ng mga programa sa kolehiyo, at ipinagdiinang kailangan ding mapakinggan ang mga mag-aaral  mula sa kolehiyo.

“Kailan na [ito] seseryosohin ng kolehiyo at sisimulan ang ligtas na balik eskwela?” 

Idiniin din ni Putong ang ibayong kaibahan sa usapin ng isang face-to-face na pagdaraos ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Aniya, sana man lang ay mayroong mga konsultasyong naganap sa pagitan ng mga mag-aaral at ng administrasyon. Dagdag pa niya’y pagpapanawagan sa administrasyong makipagpulong  sa mga mag-aaral na magtatapos, at idiniin ang kanilang tiyak na paglahok.

HEOGRAPIYA

Isinalaysay ni Carlo Felipe, mag-aaral ng Geography, na kulang ang naging paglundad ng kanilang field work nitog nakaraang taon dahil ito ay online lamang. Aniya, dapat ay mas naging “proactive” ang pagpplano ng administrasyon ng KAPP, at kinuwestiyon ang hindi pagkakaroon ng isang F2F na pagtatapos gayong kinaya itong gawin ng ibang kolehiyo. Dagdag pa ni Felipe, walang konsultasyong naganap sa pagitan ng administrasyon at mga mag-aaral.

Ayon kay JM Bagano mula sa departamento ng Geography, may maaari pang magawa ang unibersidad. Pagdidiin niyang tila’y mapanghati ang naging desisyon nitong tanging mga Summa Cum Laude lamang ang makapagtatapos sa kampus, at idiniin ang kakayahan ng administrasyong na makapagdaos ng F2F na pagtatapos dahil marami namang “open-space” na mga pasilidad sa kampus. Aniya, sa paglulunsad ng isang F2F na pagtatapos lamang madadama ng mga mag-aaral na kilalanin ang unibersidad bilang simbolo ng karangalan at pag-asa.

AGHAM PAMPULITIKA

Ibayong pagkadismaya ang inilahad ni Marco Terrado mula sa departamento ng Agham Pampulitika dahil sa kawalan ng F2F na lunsad ng pagtatapos ng mga graduating ng KAPP. Aniya, walang naging paglahok ang mga mag-aaral sa pagpplano para rito. Hindi rin umano klaro ang dahilan bakit kailangang online ang lunsad ng kanilang pagtatapos. Pagdidiinan niya, “bare minimum man lang that we deserve that.”

Klaro ang pagkadismayado rin ni Danelle Go ng Agham Pampulitika buhat ng pagbuti ng sitwasyon dahil sa pagbaba sa Alert Level 1 sa Kamaynilaan. Aniya, kung kinaya sa buong unibersidad na magkaroon ng isang “blended” na seremoniya, bakit hindi umano kaya ng administrasyon ng kolehiyo? Iginiit niya ring walang naging pormal na anunsyo mula sa administrasyon. Naipabatid lamang ito sa balita ng Philippine Collegian nitong nakaraang on-ground consultations noong Hunyo 2, Huwebes.

ANTROPOLOHIYA

Ayon kay Regina Buco, magtatapos ng Anthropology, ang mga magtatapos ngayong taon ay karapat-dapat sa mas mabuting pagtugon mula sa administrasyon. Aniya, hindi niya makita sa administrasyon ang ibayong pagsisikap upang matugunan ang mga isyu. Iniugnay din ni Buco ang pagtatapos bilang isang Anthropology major, lalo’t sa kahalagahan nito. Kaniyang inaasahang maayos na mabigyang-pagkilala at karangalan ang naging kahirapan at karanasan nila sa kanilang pananatili sa pamantasan.

Iginiit ni Pamela Tagle ng departamento ng Antropolohiya ang hirap ng pag-aaral sa gitna ng pandemya, kabilang na dito ang negatibong epekto sa kalusugang pangkaisipan. Bagamat may mga polisiyang makakatulong tulad ng No Fail Policy, hindi naiibsan nito ang presyon sa mga mag-aaral. Naglahad siya ng mga suhestiyon para sa administrasyon ng CSSP upang maging posible at maayos ang pisikal na pagtatapos. Iginiit rin niya na nararapat magkaroon ng transparency sa paggawa at pagdedesisyon ukol sa graduation.

* – Hindi nila tunay na pangalan.

Tagalako ng kontraktwalisasyon at Labor Sec ni Marcos: Walang mali sa endo

CA: Palparan still guilty of kidnapping students

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *