Nawawala sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan; labing apat na taon na ang nakararaan.
Alas dos ng madaling araw ng Hunyo 26, 2006, marahas at puwersahang dinukot sina Karen at She mula sa tinutuluyang kubo sa Hagonoy, Bulacan. Sa panahong ito, napakainit ng mga pagpaslang at pag-aresto sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo. Pinangunahan ng kanyang paboritong heneral na si Hen. Jovito Palparan, tinaguriang “The Butcher” (Berdugo), ang lantad na terorismo ng estado sa mga aktibista at kritiko nito. Matatandaan sa kasaysayan ng bayan na kabilang sina Arroyo at Palparan—ang naghaharing-uri at kanilang armadong puwersa—bilang mga tunay na teroristang hindi nagbantay-laya, bagkus sumupil pa nga rito.
Naging bahagi na ng kasalukuyang kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sina Karen at She. Bukod sa mga laban kontra budget cuts, pagbasura sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) at Socialized Tuition System (STS) hanggang makamit ang libreng edukasyon, at pagsama sa pakikibaka ng masa sa lansangan at kanayunan, naging maugong na pangalan sa iba’t ibang sulok ng Vinzons at Palma Hall ang dalawa pati na rin ang paghahanap sa kanila. Sapagkat gaya natin, minsan din silang hinubog ng pamantasan.
Makikita sina Karen at She sa mukha ng maraming kaklase, kakilala, o ka-org. Ngayong patuloy ang pasismo ng estado, hindi malabo na mas maraming Karen at She ang dudukutin ng estado at iwawaglit na lang sa alaala.
Ngunit sino nga ba muna sina Karen at She bilang mga tao? Bago sila madesap [pagpaikli sa desaparacidos na termino para sa mga dinukot ng militar noong Martial Law], naglalagi ang dalawa sa mga tambayan ng mga aktibista sa Vinzons. Si Karen ay isang Sociology major mula sa College of Social Sciences and Philosophy (CSSP); 23 taon siya nang madesap. Si Sherlyn naman ay Sports Science major sa College of Human Kinetics (CHK) bago magpasyang magfull-time sa pagiging aktibista; 29 taon at buntis nang dukutin.
Tunay ngang nasa hukay na ang isang paa sa mata ng estadong itinuturing na krimen ang paglilingkod sa sambayanan. Estado ang numero-unong salarin kung bakit may nawawalang aktibista, kasama, kaklase, anak, at buhay na inaalay sa bayan dahil hinahamon lamang nila ang paghahari ng iilan.
Matapos silang maging malapit sa Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND UP), sumama si Karen sa pag-oorganisa ni She sa mga mag-uuma ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (ABM). Dis-oras ng Hunyo 26 nang bulabugin ang mapayapa nilang pakikipamuhay nang palibutan sila ng mga armadong lalaki (mga sundalo, ayon sa mga saksi) at dinala sa Kampo Tecson sa San Miguel, Bulacan. Kasama sa nahuli si Manuel Merino, magsasaka, at nakasama nila si Raymond at Reynaldo Manalo, mga detinidong politikal sa kampo, sa ilegal na detensyon. Nasaksihan nila ang mga kababuyang ginawa kina Karen at She—tortyur, pagkadena, pang-aalipin, panggagahasa, at posibleng pagkalaglag pa ng ipinagbubuntis ni She.
Hindi nagpatinag ang dalawa sa labis na pang-aabuso at sikolohikal na tagisan sa mga sundalo. Ipinamalas na sila ay tunay, palaban, at makabayan na pinagkapitan nila sa loob ng sampung buwan ng pagkadukot.
Abril 2007 nang magpasya si She na magkunwaring bumigay na upang mailahad ang kanilang dinaranas. Plinano niyang paniwalaing aamin na siya sa mga militar. Nagkunwari itong uuwi sa Calumpit, Bulacan—kung saan nakatira ang kanyang kasintahan—para ituro raw ang mga nakatagong baril. Nang magpunta si She, nasa bulsa niya ang maliit na papel na nagsasabing nasa Kampo Tecson sila. Ngunit, sa kasamaang palad, nahuli siya ng babaeng sundalong bantay niya.
Inilipat na rin silang lima sa kampo ng 24th Infantry Batallion sa Bataan noong Hunyo 8 at 9 kung saan hindi na nabalitaan ang dalawa. Hinahanap pa rin sila ng kanilang mga ina—Connie Empeño at Linda Cadapan—sa kung saang morgue, sementeryo, kampo, o istasyon sila napadpad o may nasagap na impormasyon.
Gaya ng kanilang pagpapatuloy, lumalaban pa rin ang Unibersidad hanggang ngayon. Sa yaman ba naman ng militanteng tradisyon ng pamantasan, iniluwal nito ang pinakamatatapang na babae at lalaking anak ng bayan. Hindi maitatatwa na kabilang sa kanila sina Karen at She. Sila ang mga buhay na patunay ng Oblation—ang walang-alinlangang pag-aalay ng sarili para sa bayan.
Ipinapaala nila sa atin ang halagang tanganan ang laging sigaw na “paglingkuran ang sambayanan.” Pinatutunayan din nila kung ano ba ang pagiging isang “Iskolar ng Bayan” na taliwas sa mga stereotype ng estudyanteng mayayabang at hiwalay sa danas ng masang-api. Sa pagkawala nila, mas tumimo ang esensya na ang pag-iral ng aktibismo ay salalayan na ng UP sa kasaysayan.
Ayon nga kay Nanay Connie sa sinabi niya sa Bulatlat.com noong Hunyo 27, 2015 “Everything that was normal became the abnormal. And everything that was abnormal became our new normal (Lahat ng dating normal ay naging abnormal. At lahat ng abnormal ang naging bago naming nakasanayan).”
Ngayon, higit na pinalalakas ni Duterte ang kanyang pasistang diktadura. Ngayong pandemya, naging buzzword na nga ang salitang “new normal” para ikubli ang kapalpakan ng tugon ng administrasyon. Kasabay pa nito ang pagraratsada ng Anti-Terrorism Bill na tumatarget at nagpapatahimik sa mga kritiko ng estado at mamamayang naghihirap.
Tunay nga na kung maging batas ito, “new normal” na lamang sa estado ang pagiging salarin sa kwento ng mga bagong Karen at She. Normal na nga ang pasismo ng estado, ang tanging bago ay mga pangalang maidadagdag sa napakahabang listahan ng mga biktima nito. Gayunpaman, natitiyak natin ang nagkakaisang hanay ng malawak na masa para biguin ito at ang diktadura ni Duterte.
Hanggang ngayon kasamang nawawala pa rin sina Karen at She. Hinihintay natin silang ilitaw, o kung hindi man muling magbalik, kasama silang mga martir ng bayan sa ating mga alaala.
#SurfaceKarenAndShe
#FreePoliticalPrisoners
Featured image courtesy of ABS-CBN News