Mga matang nagmamasid
Maghapon mang magmasid sa erya ng kanilang duty, pagmamasid din ang sukli ng ahensya sa mga gwardya. Anila, maski katiting na pagkakamali nila ay hindi pinalalampas ng Femjeg. Sa halip na bigyan ng babala at paalalahanan, ginagamit na palusot ang mga pagkakamaling ito upang agad na sibakin sa trabaho ang mga sekyu.
Tila ba CCTV camera na rin ang Femjeg dahil bantay-sarado nila ang mga sekyu, naghihintay na may magkamali upang may idahilan para tanggalin sila sa trabaho, gaya ng paratang ng ahensya na nahuli ang mga gwardya sa pagpasa ng mga papeles bago ang lipatan.
Sa sulat na isinumite ng isang sekyu, sinabi niyang apat na beses siyang binalik-balikan ng inspektor habang nakaduty. Ang sasakyang gamit ng nag-iikot ay hindi ang dapat na gamitin ayon sa protokol at nakapatay rin ang ilaw na siyang labag sa patakaran.
“Halata po na intentional ang pang panghuhuli nila sa amin,” saad ng sekyu.
Gayunman, ayon sa nakagawian, karaniwang isa o dalawang beses lamang sa isang gabi dapat na nag-iikot ang inspektor at gumagamit ito ng kotse ng kanilang ahensya at hindi nakapatay ang ilaw upang malaman ng guwardiya na paparating na ang inspektor.
Nang isahod ang palad para sumahod
Liban sa masahol na kondisyon ng paggawa, iniinda rin ng mga gwardya ang mababa nilang sahod at kawalan ng benepisyo laluna sa gitna ng pandemya.
Ayon sa salaysay ng isang gwardya, pinapirma siya ng isang kontrata ng Femjeg noong Hunyo 5 bilang on-the-job-training (OJT) contract dahil umano nakakontrata pa sila sa Grand Meritus, kahit pa opisyal na ang kanilang pag-resign dito noong Hunyo 1 pa. Higit isang taon nang nagtatrabaho ang sekyu sa UPD at tapos na siya sa kanyang “OJT.”
Nakasaad sa nasabing kontrata na P750.00 lamang ang sweldo nila sa dose oras ng pagtatrabaho, lampas pa sa karaniwang otso oras. Wala rin silang hulog na matatanggap sa kanilang mga benepisyo tulad ng SSS, Pag-Ibig, at PhilHealth dahil sa kanilang hindi regular na status. Sadsad na nga sa trabaho, hindi naman nakabubuhay ang sahod at benepisyo.
Nang tanungin ng guwardiya kung ang ganito kababang sweldo ba ay sa loob lamang ng OJT period at maaaring bumalik sa minimum wage pagkatapos ng OJT, sinabi ni Arnel Bonguit, isang tauhan ng Femjeg, na ito na ang sahod na palagiang matatanggap ng mga gwardya.
“Hindi po ako nasatisfy sa sagot kaya po nagtanong ulit ako kung paanong pangkalahatan po ba sir? ‘Yun po ba ay simula umpisa ng kontrata hanggang matapos ito? Sumagot siya [ng] oo.”
Ilang araw bago sahuran, Hunyo 29, 2022, nasa higit-kumulang 150 na guwardiya ang napangakuan ng Femjeg na makatatanggap ng sahod. Gayunman, hindi lahat ay nabayaran ng Femjeg kaya’t pinangakuan na lang nila ang ibang hindi nasahuran na sa “second batch” na lang babayaran – ilang araw rin bago ang bayaran ng bahay, kuryente, at tubig para sa mga sekyu.
Subalit, sa araw sana ng pagtanggap ng sahod, walang natanggap ang mga guwardiyang nag-aabang. Pinatotohanan ito sa isang bidyong ipinadala sa SINAG, ipinakita na ang mga guwardiya ay nakapila sa labas ng opisina ng bagong ahensiya sa unang linggo ng Hulyo upang magbakasakling sumahod subalit wala ni singko ang umabot sa kanilang kamay.
Dumadagundong na panawagan
Bunsod ng kaliwa’t kanang mga panggigipit sa kanila, nagpahayag ng galit at pagkadismaya si Padua. Unang pumasok sa kanyang isip ay kung paano matutustusan ang mga gastusin sa pang-araw-araw sa kabila ng kawalang seguridad ng kanilang trabaho.
“Ang pinaglalaban po namin ay ‘yung makabalik kami sa trabaho. Dahil hindi po kami nang-iwan. Umpisa po noong pandemic, nandito kami. Halos hindi na kami umuuwi sa pamilya namin…tuloy-tuloy po ang trabaho namin,” ani Padua.
Sinabi niya na karamihan sa mga trabahong makukuha sa labas ng pamantasan ay karaniwang may mga kwalipikasyong hindi nila maaabot katulad na lamang ng edad at edukasyon.
“Syempre po masakit sa amin dahil matagal na po kami naninilbihan sa UP,” dagdag niya.
Katulad ng karamihan sa kanila, habang kulang pa rin ang mga trabaho sa bansa, hindi alam ni Padua kung paano o saan siya makapagtatrabaho ulit kung hindi nila mapagtatagumpayan ang pagbabalik sa kanila ng kanilang mga posisyon bilang guwardiya sa UP.
Buwagin ang kontraktwalisyon, ipatupad ang regularisasyon
Kaugnay ng mga isyu, mariing kinukundena ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE UP) ang hindi pag-absorb ng Femjeg Security Agency sa mga guwardiya ng Grand Meritus. Ayon sa kanila, walang sapat na dahilan at abiso ang pagtanggal sa kanila sa trabaho.
“Ang pagkawala ng kanilang hanap-buhay dahil sa pagpasok ng UP Administration sa panibagong kasunduan sa isang agency na hindi kumikilala sa karapatan ng mga empleyado ay isang uri ng inhustisya na hindi dapat pinahihintulutan,” pahayag ng ACE UP noong Hunyo 1.
Nanawagan rin ang ACE UP na makiisa ang lahat sa laban ng mga security guards sa UP dahil napagtagumpayan na ang mga naunang laban tulad nito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng bupng komunidad. Nakikiusap rin ang ang mga gwardya mismo – si Kuya na kabatian sa bawat lakad sa AS o Pav, si Kuya na mapagtatanungan kung nawawala, o si Ate na tutulong kung may mga problema – na makiisa sa pagpapadagundong ng mga panawagan nila.
Liban sa mga gwardya, tumutulong rin sa pagreresolba ng isyu at pakikipagdayalogo sa administrasyon ng UP ang ACE UP. Isa itong alyansa ng mga manggagawang kontraktwal sa pamantasan na nakapailalim sa mga hindi-regular na trabaho gaya ng Job Order at Contract of Service na hindi kinikilala ang “employer-employee” relationship kaya’t labis na apektado ng kawalang benepisyo, mababang sahod, at kawalan ng seguridad sa trabaho.
Matagal nang umiiral sa neoliberal at korporadong pamantasan ang ganitong mga anti-manggagawang iskema upang maksimisahin ang pagkakamal-kita nito. Sa tabing ng pagtitipid at episyenteng serbisyo, ipinapasa sa mga “manpower agency” ang pagkuha ng mga manggagawang kontraktwal kaya’t sila ang naiipit sa sitwasyong walang seguridad upang bigyang-seguridad at kaligtasan ang pamantasan. Hindi na rin naman ito bago sa UP System.
“Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung regular ang manggagawa. ‘Yung mga kontraktwal na manggagawa, hindi ‘yan bound ng rights. Bound lang ‘yan ng mga kontrata na, kagaya ng sa UP Diliman, nagpapalit kada taon,” iginiit ni Cabradilla ng ACE UP.
Ayon kay Cabradilla na dapat ay wakasan na ang pangongontrata sa mga security services at direktang mag-hire na lamang ng seguridad upang maiwasan ang ganitong mga isyu tuwing magbabago ang security service provider.
Pinanday ng araw-araw na pagsagupa sa mga hindi-makataong kondisyon ng paggawa ang tapang ni G. Padua. Pumayag itong pangalanan sa aming artikulo bilang munting protesta sa kasahulan ng Femjeg. Bunsod ng kanyang pagsasalita, mainit na ang mata ng mga opisyal sa kanya at nireredtag na rin upang patahimikin habang nagpapakasasa ang Femjeg sa kita.
Nang tanungin kung natatakot ba siya sa maaaring mangyari, buong pusong sinabi ni Padua na hindi. “Tama naman po ang ipinaglalaban natin,” pahayag niya.
Wasto ang ating ipinaglalaban. Ani nga ni Jose Maria Sison, nahuhubog ang tunay na lakas ng mga estudyante kung sasama sila sa mga pakikibaka ng batayang masa. Ang laban ng mga sekyu laban sa kontraktwalisasyon ay laban din ng kabataan. Ito ay tungo sa pagbubuo ng isang lipunan na ang seguridad sa trabaho ay natatamasa ng lahat at hindi ng iilan.
#KontraktwalGawingRegular
#JunkJC&2
__________________
Kasalukuyang namamalagi si Padua at ang iba pang mga guwardiya sa UP Diliman at maaaring magpaabot ng tulong sa kanila. Makipag-ugnayan na lamang sa number na ito: Domingo Padua – 09665893598
Featured image courtesy ofBulatlat.