Mahigpit na pagkundena ang salubong ng mga grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), Gabriela, at Anakpawis sa biglaang pagkawala ng apat na community organizers at human rights defenders. Giit ng mga grupo at pamilya ng mga desaparecidos, mga biktima ng ilegal na pag-aresto at pagkulong ng estado ang apat.
Ayon sa ulat ng KMU, noong Mayo 3, 2022 pa nawawala sina Elizabeth ‘Loi’ Magbanua at Alipio ‘Ador’ Juat ng KMU. Samantala, sina Elgene Mungcal ng Gabriela Women’s Partylist at Ma. Elena ‘Cha’ Cortez Pampoza ng Anakpawis ay pinaghihinalaang dinakip noong Hulyo 3, 2022.
Huling namataan sina Magbanua at Juat sa Barangay Punturin, Valenzuela City matapos dumalo sa isang pagpupulong. Salaysay ng anak ni Juat, huli niyang naugnayan ang kanyang ama noong Mayo 15, 2022. Ayon kay Juat, sabay silang dinakip ni Magbanua ng mga pwersa ng Philippine Navy at pinaghiwalay nang ikulong sa Camp Aguinaldo.
Huli namang namataan sina Mungcal at Pampoza sa Winfare Supermarket, Moncada, Tarlac. Ulat ng mga anak ni Pampoza, nakikita pa ng kanilang ina ang mga mensahe sa Viber hanggang Hulyo 5, subalit hindi ito nakasasagot.
Sina Magbanua at Juat ay matagal nang nagsusulong ng mga karapatan ng mga manggagawa. Land rights advocates naman sina Mungcal at Pampoza na aktibong sumusuporta sa mga magsasaka ukol sa problema sa lupa.
Nakipag-ugnayan na ang Gabriela, KMU, at mga pamilya ng mga desaparecidos sa Commission on Human Rights (CHR) para mag-apela ng agarang imbestigasyon at paghahanap sa mga biktima.
“Lubos na nakakaalarma ang panunumbalik ng mga kaso ng mga desaparecido at ekstrahudisyal na pag-aresto at pagkulong. Sa nakaraang mga buwan, sa pagpapalit mula rehimeng Duterte patungong rehimeng Marcos Jr., nakita nating maging desaparecido ang mga aktibisita, unyonista, at organisador,” pagkundena ng KMU.
Giit ng KMU, pawang pinaglalaban ng apat at iba pang mga aktibista ang demokratikong karapatan sa trabaho, seguridad sa pagkain, hustisya, at iba pa.
Babala ng grupo, nagpapatuloy ang mga hindi makatarungang pag-aresto, pagkulong, at panunupil sa oposisyon at kritiko dahil sa mekanismo ng estado na binubuo ng Executive Order No. 70, ang Anti-Terrorism Act, at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Dagdag pa sa mekanismong ito ang pagbabalik ng mga Marcos, pamilya ng yumaong diktador, sa Malacañang.
“Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., magpapatuloy at lalala pa ang paglabag sa karapatang pantao. Maihahalintulad itong panibagong mga kaso ng iligal na aresto, pagkawala, at pagkukulong sa panahon ng diktaduryang Marcos Sr. Tila déjà vu ang nagaganap na nasa kapangyarihan ang isang Marcos habang mga desaparecido ang ordinaryong mamamayan,” ani ng KMU.
Tinatayang 783 ang mga desaparecidos mula sa 101,458 na total na bilang ng mga biktima ng Batas Militar ayon sa tala ng William S. Richardson School ng Law Library at the University of Hawaii.
Bagaman tapos na ang rehimeng Marcos Sr., nagpapatuloy pa rin ang ekstrahudisyal na aresto at pagpatay sa mgsa sumusunod na administrasyon.
Maaalalang muling nagpaibabaw ang kaso ng pagpatay sa mga desaparecidos na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006, panahon ng rehimeng Macapagal-Arroyo, matapos pagdiinan ng korte ngayong taon ang pagkakasala ni Hen. Jovito Palparan sa pagpatay sa dalawa habang malaya pa rin hanggang ngayon ang noo’y Commander-in-chief na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
BASAHIN: http://bitly.ws/sM4d
Tinatayang 12,000 hanggang 30,000 naman ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte mula 2016 hanggang 2021 sa tabing ng “giyera kontra droga.”
Sa pag-upo nina Marcos, Jr. at Sara, kaalyado ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo, tumitindi ang pangamba para sa karapatang pantao. Ilan lamang sa patunay nito ang patuloy na pagkawala nina Magbanua, Juat, Mungcal, at Pampoza.
“Hinahamon ng mga pamilya ng mga biktima, ng GABRIELA, at ng KMU si Ferdinand Marcos Jr. na maging iba mula kay Duterte at maging sa kanyang diktador na ama. Hinahamon namin siya na utusan ang AFP na ilitaw ang mga desaparecido at tigilan na ang ekstrahudisyal na pag-aresto at pagkulong,” pagtindig ng KMU.
Featured image courtesy of News5