Si Marcos ang dapat makinig!


Araw-araw na lamang ay sinasagad ng kapulisan ang kanilang kabobohan. Ani Maj. Gen. Valeriano de Leon, dapat makinig na lang daw ang mga kritiko ni Marcos Jr. sa kanyang mga plano, ano man ang ibig sabihin nito, na magsisilbing direksyon ng bansa sa anim na taon (o higit pa) ng kanyang pamumuno. Iwasan na lang daw magrali, ani de Leon.

Hinding-hindi maiintindihan ng mga pulis kagaya ni de Leon ang hinaing ng mamamayan habang binubusog sila ng estado sa sandamakmak na badyet at benepisyo upang supilin ang paglaban ng mamamayan. Sa panahong pinipili nilang humanay upang harangan ang pag-abante ng masa sa mga lansangan, ipinoproklama na nila kung sino ang kanilang pinagsisilbihan. To serve and protect, ika nga, the ruling class kagaya ni Marcos Jr.

Esensyal sa demokrasya ang mga protesta ngunit nakita natin sa kung ano pang katiting na demokrasyang umiiral kung paano binubusalan ng gubyerno ang panawagan ng mamamayan. Sa halip na ang masa ang makinig sa mga pangako ni Marcos. Marapat lamang na si Marcos ang makinig sa mga karaingan ng masa at galit nilang magpapatalsik sa kanya kung káya na.

May nagpoprotesta dahil nakakagalit ang umiiral na sitwasyon. Sa loob ng dalawang linggo, pangunahing karaingan ng taumbayan ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaliwa’t kanan ang pagmamahal ng mga batayang produkto at serbisyo habang hindi tumataas ang sahod at pondo sa serbisyong panlipunan. Hindi ka ba magpoprotesta at mananawagan?

Ang kailangang maintindihan ng mga kagaya ni de Leon at Marcos Jr. ay wala silang monopolyo sa katotohanan at karahasan, bagaman sila ang may gahum o dominansya. Sa mga protesta at rali ng mamamayan, dumadaloy ang pagtindig para sa mga pilit ikinukubli ng mga nasa kapangyarihan at nagsisimula ang karahasan ng mga api laban sa mga nang-aapi.

Saanmang may protesta, makikita natin ang dalawang kampo. Sa isang panig ay ang iba’t ibang sektor ng papasiglang kilusang masa na bitbit ang mga lehitimong panawagan. Sa kabila naman ay mga teroristang bayaran ng estado (o ang mga pulis at militar) na ang layunin ay supilin ang mga panawagan ng sambayanan. Ang tanong sa mga nasa pagitan ay kanino ka papanig?

Walang honeymoon period para sa anak ng diktador na si Marcos Jr. Walang panahon at espasyo para sa kanyang mga kasinungalingan at boladas na pangako. Umaaray ang sambayanan para sa tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod at industriya, pondo sa serbisyong panlipunan, kapayapaan at katarungang panlipunan – Isang bagong lipunan na pinaghaharian ng mamamayan at hindi ng mga oligarko’t kriminal gaya ng mga Marcos.

Kaya si Marcos Jr. ang dapat makinig. Iyan ang tunay na demokrasya. Sapagkat kung baligtad, nailalantad na pahinog na sa politikal na diktadura ang gumuguhong patsada ng “Demokrasya.”

Featured image courtesy of Veejay Villafranca

Walang pinagbago sa pinababangong pasismo

Makabayan solons file ligtas na balik-eskwela bill

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *