Marangal na Parangal sa Panahon ni Bobong Bongbong


“Ang mamatay para sa sambayanan ay simbigat ng Bundok Tai, ngunit ang mamatay nang naglilingkod sa mga pasista, mapang-api, at mapagsamantala ay simibigat lamang ng balahibo.” – MAO Zedong (Paglingkuran ang Sambayanan, 1944)

Husay at dangal. Ito ang walang kamatayang motto ng pamantasan. Husay na itinatakda ng mga neoliberal na pamantayan ng pasahol nang pasahol na kondisyon ng intelektwal na produksyon at paggawa, pakaunti nang pakaunti na slots at badyet, at laging pagkukumahog sa kung ano-anong rankings gaya ng QS, Times Higher Education, at mga board at bar exams. Subalit, ang interes natin ngayon ay kung ano naman ang dangal.

Sa neoliberal na pamantasan, ang pinakadominanteng paraan ng pagsukat ng dangal ng isang estudyante ay ang grades at kung anong latin honors o laudeang katumbas nito. Summa cum laude,may pinakamataas na karangalan, at iba pa. Kung tutuusin, makikita ito sa kultura ngayon ng pamantasan kung saan naglipana ang mga social media postshinggil sa mga binansagang “uno sem” at ang 147 summa cum laude ng UP Diliman habang papalapit na ang University Graduation sa susunod na linggo.

Sanaysay ito ng rasyunalisasyon ko kung bakit hindi na posibleng maging laudepa ako kahit nasa 1.32 naman ang aking GWA dahil sa underloading ko sa gitna ng pandemya (o mas akmang kawalan ng units at budget sa edukasyon). Hindi ito tungkol sa grade hyperinflation o depensa at mga kritika nito. Higit sa pampapalubag-loob, may pangangailangan para sa mga kagaya ko na mga tila trabahante sa de-motor na makinarya ng neoliberal, alienating,at dehumanizingna pamantasan na bigyan ng malinaw na depinisyon ang dangal at gagapin ang lumang pampalubag-loob na “grades don’t define me” lalo ngayong nananalasa ang mga pandemyang panlipunan na higit pa sa ating mga sarili.

Dayalektika ng Dangal sa Pamantasan

Marami na ang nakapagsulat gamit ang lenteng ito – ang UP bilang sityo ng tunggalian ng mga reaksyunaryo at rebolusyonaryo. Nariyan ang mga aktibistang guro sa CONTEND, si Joma Sison, si Manay Judy Taguiwalo, at iba pa. Sa ganitong freym natin mainam basahin ang dalawang nagtutunggaliang pagpapakahulugan sa dangal/parangal sa loob ng pamantasan.

Sa isang panig, nariyan ang dangal/parangalna batay sa mga matataas na grado at pag-aambag sa maka-estadong proyekto ng pambansang pagpapaunlad na nasasaklaw pa rin ng kabulukan ng lipunan. Halimbawa, ang mga teknokrata ng mga Marcos gaya nina Gerardo Sicat, Cesar Virata, Onofre Corpuz, Alfredo Pascual, Clarita Carlos, o mga burukrata at politiko gaya nina Manny Villar, Martin Romualdez, Miguel Zubiri, at Gloria Macapagal-Arroyo. Batay ito sa pangalan, reputasyon, kayamanan, at higit sa lahat, pagtatanggol sa naghaharing-uri at bulok na namamayaning kaayusan.

Sa kabilang panig, nariyan naman ang dangal/parangal na batay sa paglilingkod sa sambayanan at paghahanap sa tinatawag ni Taguiwalo na “pamantasan sa loob ng pamantasan.” Ito ang halimbawa ng mga rebolusyonaryong sina Wenceslao Vinzons, Jose Maria Sison, Dr. Johnny Escandor, at Wendell Gumban, mga aktibistang nasa hanay ng mga komunidad, at mga estudyanteng ginagamit ang kanilang karunungan sa pagpapaunlad ng kanilang mga disiplina ng pag-aaral at araw-araw na buhay ng ordinaryong tao. Hindi ito nakabatay sa grado kundi sa paglilingkod sa kapwa niya inaapi at pinagsasamantalahan. 

Sa huli, ang UP ay hindi “breeding ground” ng mga komunista lamang. Totoong may mga mararangal na komunista na nag-aral sa UP. Subalit, umuusbong din sa UP ang mga pasista, konserbatibo, liberal, neoliberal, at mga apolitikal na intelektwal. Sa konteksto ng kalayaang akademiko, ang pinakamatibay na pagsubok sa dangal ng paninindigan ay kung sino ang paglilingkuran nito: ang sarili’t mapang-api o ang masa’t pagpapanibagong-hubog ng sarili?

Halaga ng edukasyon sa panahon ni Bongbong

Sabi ng lider-estudyante noong Martial Law sa UP na si Lean Alejandro, “huwag ninyong hayaang ang inyong pag-aaral ay maging sagabal sa inyong edukasyon.” Sa panunumbalik ng isa na namang rehimeng Marcos, ang halaga ng edukasyon ay nasa pagbabalik sa kasaysayan at kalakasan ng isang militanteng kilusang estudyante at masa na lumalaban sa diktadura. Sa kontekstong ito, mapagsasanib ang pag-aaral at edukasyon – sa pamantasan at lansangan.

Patuloy na mag-aral ngunit huwag makulong sa mga numerong nagkakahon. Palayain ang kaisipan sa “sandaang eskwela ng teorya’t karunungang nagtatalaban” ani nga ni Mao. Paglingkurin sa sambayanan ang sining at agham ng pamantasan. Ito ang husay at dangal ng mga Iskolar ng Bayan. Wala sa panukat ng mga grado at laude ang ultimong pamantayan ng husay at dangal. Ito ay mahahanap sa kanilang may kapasyahan at katapangang sumagupa sa dambuhalang halimaw ng palasyo at may pag-aaruga na pakamahalin ang masa at kapwa. Ang dangal ng sarili ay isang kalidad na pinapanday ng ating kolektibong pakikibaka at pagkatuto.

Limitado ang katotohanang nasusukat ng mga laudeat grades. Sa batas ng dayalektika, nakatakdang magbago ang mga kantidad tungo sa kalidad. Sa paghahanap ng dangal, dapat nating tingnan ang lahatang-panig na proseso ng pagpapatuloy at pagbabago. Gayundin, para sa pamantasan, na kung saan habang pinapanday natin ang mga sarili sa pamantayan ng husay at dangal ay binabago natin ang oryentasyon ng neoliberal na pamantasan – na maging lugar ito ng mga iskolar at pantas na mula sa masa at tungo sa masa; isinasabuhay ang husay at dangal sa paglilingkod sa sambayanang inaapi nina Marcos-Duterte.

Sa huli, ano nga ba ang dangal? Ito ang paggamit ng husay upang paglingkuran ang sambayanan – humuhulagpos sa pagkamasarili at niyayakap ang pinagsasamantalahan at api. At para sa akin, sa panahon ng isang bobo at magnanakaw sa Malacañang, napakalaking karangalan ang araw-araw na kapasyahang magbalikwas sa bulok na kaayusan at maglingkod sa sambayanan. 

Hindi masusukat ng gradesat laude ang ating totalidad. Sintomas ang mga iyon ng papabulok na edukasyon at lipunan. Ang dapat nating sukatin, mula ngayon, ay ang mga layunin ng ating mga disiplina at kung paano nito paglilingkuran ang sambayanang nagpaaral sa atin.

Ito ang kaibhan natin kay Bongbong Marcos. Hindi lamang graduate. Bagkus, pumapanig lagi sa mamamayan.

Featured image courtesy of Manila Today

Unsubtle Crony Traits: The Marcos Cabinet — Part 5

NPA claims army plans to bomb Nothern Negros Natural Park

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *