Bagong Konsensiya ng Bayan, sinalubong ng CSSP FST Month


Umaarangkada na ngayong Agosto ang online College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) Freshies, Shiftees, and Transferees (FST) Month, sa pangunguna ng CSSP Student Council at CSSP FST Council. 

Sa isang buwan, nagkasa ng iba’t ibang programang layong ipakilala ang kolehiyo at bilang pagsalubong sa mga bagong Konsensiya ng Bayan sa paparating na akademikong taon 2022–2023 ngayong Setyembre.

KAPP kleAnerS: FST Month 2022

Nauna nang isinagawa noong Agosto 11 ang College Welcome Assembly na pinamagatang “GO, GROW, GLOW: KAPPkulay ang Buhay.”

Sumunod naman ang CSSP Lecture Series na pinamagatang ‘PANATANG MAKAPPBAYAN” mula Agosto 15 hanggang 18 kung saan ipinakilala ng iba-ibang guro ng kolehiyo ang mga disiplina para sa mga bagong mag-aaral ng CSSP.

Sa unang araw noong Agosto 15, nakasama ng mga FSTs si Asst. Prof. Monica FA Wong Santos mula sa Departamento ng Antropolohiya para talakayin ang Anthro 100 at sina Asst. Prof. Lou Angeli Ocampo at Asst. Prof. Emmanuel Garcia mula sa Departamento ng Heograpiya para naman sa Geog 1 at Geog 103.

Nakapokus naman sa kasaysayan at agham pampulitika ang talakayan noong ikalawang araw, Agosto 16. Pinangunahan ito nina Asst. Prof. Francis Paolo Guiang mula sa Departamento ng Kasaysayan na tinalakay ang Kas 1 at Kas 10. Samantala, si Asst. Prof. Jan Robert Go mula sa Departamento ng Agham Pampulitika ang para sa maikling kursong POLSC 11.

Sa ikatlong araw noong Agosto 17, pinangunahan ni Asst. Prof. Marielle Antoinette Zosa mula sa Departamento ng Pilosopiya ang talakayan sa Philo 1 at ni Instructor Noah Cruz mula sa Departamento ng Linggwistika para sa Lingg 110.

Bilang pagtatapos sa serye ng mga programa, tinunghayan naman ng mga FSTs si Instructor Francis Simonh Bries mula sa Departamento ng Sikolohiya para sa Psych 101 at si Asst. Prof. Bubbles Beverly Asor mula sa Departamento ng Sosyolohiya para sa panimulang kursong Socio 101.

Pasilip sa mga susunod na KAPPganapan

Maaari pang dumalo sa mga susunod pang aktibidad ngayong CSSP FST Month 2022.

REGISTRATION: http://bitly.ws/twiE 

Magsisimula ang Organization Fair na pinamagatang “Magkahawak ang ating Kamay” sa Agosto 25 hanggang Agosto 26 tuwing 10:00 n.u. hanggang 10:00 n.g.

Gaganapin naman ang isang roundtable discussion na pinamagatang “Habang may tatsulok: Forda Chika sa Kahalagahan ng Agham Panlipunan ng Fersons” sa Agosto 30 ng 3:00 n.g. hanggang 5:00 n.h.

Upang sarhan naman ang pagsalubong sa mga bagong Konsensiya ng Bayan, ipagdiriwang ang Culminight na pinamagatang “Sigawan sa CSSP” sa Setyembre 2 ng 4:00 n.h. hanggang 6:00 n.g. bago opisyal na magsimula ang klase sa Setyembre 5.

Para sa iba pang katanungan, maaring makipag-ugnayan sa CSSP FST Month 2022 organizers sa mga sumusunod na social media accounts:

Facebook: facebook.com/cssp.fstmonth 

Twitter: @csspfstmonth

2022 Freshie Orientation and Welcoming Programs

Liban sa mga lokal na inisyatiba ay nakahanda rin ang mga programa para sa buong pamantasan na inihanda ng administrasyon ng UP at konseho ng mag-aaral.

Sa pangunguna naman ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (UP Diliman OVCSA), sasalubungin ang mga freshies sa isang online Freshie Orientation Program sa Setyembre 2 at magsisimula ang registration sa Agosto 22 ng 1:00 n.h.

Dagdag pa, isasagawa rin ang isang online at face-to-face Freshie Welcome Assembly sa Setyembre 5 at magsisimula ang registration sa Agosto 29 ng 1:00 n.h.

Sa susunod na mga araw, Setyembre 6 at 7, ay inaanyayahan maging ang mga hindi na freshie sa isang on-ground na Campus Tours na lampas dalawang taon nang naantala dahil sa pandemya. Magsisimula ang pagrerehistro para rito sa Agosto 27 ng 1:00 n.h.

Mangyaring antabayanan ang mga susunod na anunsyo ng UP Diliman OVCSA lalo na sa online registrations dahil limitado lamang ang mga slots para sa ilang mga programa.

Para sa ligtas na balik eskwela

Kasabay ng pagsalubong sa mga bagong Konsensiya ng Bayan, bitbit ng “KAPP kleAnerS: FST Month 2022” ang tema ng 2019 Indie na pelikula ni Glenn Bayrit na “Cleaners,” kung saan layon ng programang sariwain ang dating high school life bago ang pandemya. 

Kaakibat din nito ang paparating na blended learning sa susunod na semestre kung kailan magkakaroon na rin ng pisikal na bahagi ng klase ang iilan. Patuloy na panawagan ng CSSP SC at FSTC, kasama ang iba pang organisasyon sa kolehiyo, na tiyakin ang ligtas na pagbabalik-kampus.

Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang pagseguro sa kaligtasang medikal. Para mga FSTs at ibang mga mag-aaral ng UP Diliman na mayroong F2F components ang ilang mga klase, mayroong mga dokumento at iba pang mga kinakailangan para makabalik sa kampus.

BASAHIN: http://bitly.ws/twk8 

Para sa mga kailangang dokumento kaugnay ng pagbabalik-kampus, naglabas ng bagong anunsyo ang UP Health Service (UPHS) ukol sa Medical Certificate na kailangang isumite ng mga mag-aaral na natanggap ng pamantasan mula 2020 hanggang 2022 at mga mag-aaral na babalik mula AWOL/LOA.

BUONG ANUNSYO: http://bitly.ws/twkz 

Para makakuha ng Medical Certificate, dapat sumailalim sa libreng physical examination sa UPHS bago Setyembre 30, 2022. Kinakailangang dalhin ang mga sumusunod:

1. official reading ng Chest X-ray (PA view), urinalysis, at Complete Blood Count (CBC) mula sa isang DOH-credited na ospital, klinika, o laboratoryo; at

2. PEHA Certificate of Compliance (para sa mga freshies) o Health Declaration Form (HDF) at Mental Health Screening (MHS) para sa mga na-admit noong 2020 at 2021.

Nauna nang natapos ang una sa dalawang rounds ng pre-enlistment sa paparating na semestre. Puna ng ilang mga mag-aaral ng CSSP, tila kulang sa preparasyon at hindi inklusibo ang unibersidad sa plano nitong “slow transition to normalcy” dahil sa kulang-kulang ang mga slots sa GE at PE classes.

BASAHIN: http://bitly.ws/twkf 

Upang tiyakin ang mas inklusibong pagpaplano sa face-to-face na kondukta ng mga gawaing pang-klase, ayon sa bagong labas na updated guidelines ng administrasyon ng pamantasan noong Agosto 17, dapat magtalaga ng mga kinatawan ng mga mag-aaral sa mga itatatag na technical committees sa bawat unit. Kasabay nito ang pagsisiguradong may konsultasyong naganap sa antas ng klase, departamento, at kolehiyo at may sapat na units para sa lahat.

Kulang dalawang linggo bago ang pagbubukas ng mga klase, tuloy-tuloy pa rin ang mga problema ukol sa paghahanda ng UP para lumipat sa blended learning mode.

Ani CSSP SC Chair Vayne del Rosario, “[a]ng esensya ng pagiging Konsensiya ng Bayan ay siyang tumitindig at lumalaban kasama ang masa. Ngunit ilang taon na rin tayo kinulong sa ating tahanan. Hindi lang ng COVID, kundi ng kapalpakan at kapabayaan ng administrasyong Duterte at Marcos Jr… Kaya ngayo’y tinatawag tayo ng panahon para ipaglaban ang karapatan natin sa maayos na edukasyon—para ligtas na makabalik sa pamantasan at ligtas na maipaglaban ang ating mga karapatan.”

Sa huli, paalala ng mga organisador ng CSSP FST Month 2022 “kahit gaano man kahirap ang paga-adjust sa kolehiyo, hindi mo naman kailangan dalhin ang hirap na ito ng mag-isa. Sa kalaunan, matututunan niyo rin i-navigate ang makulay na mundo ng kolehiyo.”

#CSSPFSTMonth2022
#KAPPkleAnerS
#UPDFWA2022
#UPDFOP2022
#LigtasNaBalikEskwela

Featured image courtesy of CSSP FST Month (Facebook page)

“Take decisive action towards ensuring genuine #LigtasNaBalikEskwela” – CONTEND UP

The AFP is a hypocrite terrorist

0 thoughts on “Bagong Konsensiya ng Bayan, sinalubong ng CSSP FST Month

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *