‘Bayad-buwis para sa balik-eskwela’


Sa First Day Fight rally noong isang araw, Setyembre 5, pinatutsadahan ni CSSP Rep to the USC Juma Formadero ang doble-karang iskema ng administrasyong Marcos Jr. sa nakaambang P22.3-bilyong kaltas-badyet sa University of the Philippines (UP) habang hindi pa bayad ang pamilya ng diktador sa bilyon-bilyong ninakaw nila sa sambayanan. 

Noon ay nagtitpon ang iba’t ibang konseho at organisasyon sa harap ng University Theater upang salubungin ang bagong semestre ng mga panawagan para sa mas maka-estudyanteng polisiya gaya ng inklusibong #LigtasNaBalikEskwela, pagpapanatili ng academic ease policies, pagkakaroon ng 100% capacity sa face-to-face classes, at pagtutol sa kaltas-badyet.

Matatandaang noong Agosto 29, isang linggo bago ang pasukan, tinanggal na ng UP Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA), sa paglalabas nito ng Memorandum No. 2022-127, ang mga academic ease policies na umiral sa dalawang taon ng pandemya kaya ibinalik na sa 15-minimum load, pagbibigay ng bagsak na grado, at rekisito sa attendance.

Dagdag sa pagkundena sa memo, Ikinalampag din ng mga estudyante sa administrasyon ng UP ang kakulangan ng slots sa mga klase, dormitoryo, at suportang pinansyal na lubhang maapektuhan kung patuloy na babawasan ang badyet ng UP sa taong 2023.

BASAHIN: http://bitly.ws/tWgP 

Maaalalang noong Hulyo lamang ipinahayag ng OVPAA sa publiko ang plano ng UP para lumipat sa blended learning kung saan “unti-unting” nagkakaroon ng pagbalik sa kampus. Dagdag pa, noong Agosto lamang, isang buwan bago ang semestre, naglabas ng mas “kongkretong” guidelines na makailan ding nirebisa sa kabila ng kulang na konsultasyon.

Bagaman matagal nang ipinapanawagan ng komunidad, ang hindi kahandaan para sa ligtas at inklusibong magbalik-eskwela ay sintomas lamang ng krisis panlipunan mula pa kay Duterte. Mula’t sapul, biktima na ng kulang at kaltas sa badyet ang UP-PGH na sumasagka upang matugunan nito ang mga problema sa pamantasan na pinalala pa ng pandemya.

Kaya naman iginiit ni Formadero sa administrasyon: “[n]ais po naming maglaan kayo ng panahon at atensyon upang siguruhing compassionate at lenient ang transition na ito para sa ating mga estudyante’t guro. Higit sa lahat, upang maisakatuparan ito, lubos naming tinututulan ang nakaambang pagbabawas ng budget sa Unibersidad.”

Batay sa 2023 national budget, ipinanukala ng pamunuan ng UP ang P44.149-bilyon badyet subalit P21.854-bilyon lamang ang ilalaan ng pamahalaan sa buong UP System kabilang na ang Philippine General Hospoital (PGH), kung saan tinatayang P22.3-bilyon ang kakulangan— isa sa pinakamalaking budget cut ang hahagupit sa UP sa unang taon ni Marcos Jr. sa poder.

Batay sa tala ng UP, isinagot sa kanila ng Department of Budget Management na tatapyasan pa ng lampas P7-bilyon ang pondo para sa mga kawani at kaguruan ng UP at pagsasaayos at pagmantini ng mga ari-arian nito. Samantala, P14.8-bilyon, o 99.4%, ang hindi ibibigay ng pamahalaan sa UP na magagamit sana para magkaroon ng mga bagong gusali at kagamitan.

TINGNAN: http://bitly.ws/tZR8 

Gayunman, hindi pa rin kinokolekta ng pamahalaan ang P203-bilyong buwis sa mga ari-arian na hindi binayaran ng mga Marcos sa tatlong dekada. Ani Formadero, kung babayaran ng pamilya ni Bongbong ang kanilang utang na buwis, sasapat na ito upang pondohan ang ligtas na balik-eskwela sa UP at mapipigilan ang matagal nang kaltas-badyet sa pamantasan.

Sa pagpasok ng bagong taong-akademiko, iginiit din ng iba-ibang organisasyon ang kanilang paninindigan upang isulong ang mga kampanya ng mga estudyante at paglaban sa tambalang Marcos-Duterte. Kasabay ito ng pag-upo ng bagong Student Regent na si Siegfred Severino ngayong araw at pagsisimula ng proseso sa paghahanap ng susunod na UP President.

#FirstDayFight

Featured image courtesy of Kalasag

Bawiin ang kinabukasan, lumaban at manindigan!

Pulisya, ginulo ang protesta laban sa eduk budget cuts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *